Linggo, Agosto 11, 2019

PATUNGONG LANGIT

15 Agosto 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 


Ang buhay dito sa lupa ay pansamantala lamang. Hindi tayo mamumuhay dito sa daigdig magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan ay hindi matatagpuan dito sa lupa. Darating ang panahon kung kailan ang bawat isa sa atin ay papanaw. Ang katotohanang ito tungkol sa buhay dito sa daigdig na ito ay hindi mapagkakaila. Masakit man ito marinig o tanggapin, iyan ang katotohanan. 

Kailan naman darating ang takdang oras? Kailan sasapit ang oras ng pagpanaw natin sa daigdig na ito? Hindi natin alam. Isang misteryo para sa atin ang araw ng ating pagpanaw. Diyos lamang ang tanging nakababatid kung kailan ang takdang oras ng ating paglisan sa daigdig. Lilisanin natin ang daigdig na ito balang araw. Hindi lang natin alam kung kailan iyon. Diyos lamang ang nakakaalam. At kung tutuusin, Siya ang bumabawi sa ating buhay. Kaya nga, sinasabi natin na ang mga pumapanaw ay binabawian ng buhay. Pag-aari ng Panginoon ang ating buhay. Siya lamang ang may karapatang bawiin iyon. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalimang Utos ng Sampung Utos, "Huwag kang papatay" (Exodo 20, 13). Si Job rin ay nagpatotoo tungkol sa katotohanang ito noong nawala sa kanya ang lahat. Sabi niya, "Ang Panginoon ang nagbigay at Siya rin ang bumabawi" (Job 1, 21). Ang lahat ng bagay, pati na rin ang buhay natin, ay galing sa Panginoon. Sa Kanya nagmula ang lahat ng bagay. Siya lamang ang may karapatang magbigay at bumawi. Ang Diyos lamang ang maaaring magbigay at bumawi ng buhay. Hindi ito maaaring gawin ng sinumang tao, kahit hawak pa niya ang pinakamataas na posisyon sa lipunan. 

Subalit, ang pagpanaw sa daigdig ay hindi hudyat ng katapusan. Kahit ang ating mga katawan dito sa lupa ay maaagnas sa katapusan ng ating buhay sa daigdig na ito, hindi nangangahulugang tapos na ang lahat para sa bawat isa. May kasunod na buhay pagkatapos ng ating paglalakbay sa lupa. Ang buhay dito sa lupa ay hindi lamang ang nag-iisang buhay na mayroon tayo. May buhay sa kabila. At hindi sakop ng oras o panahon ang buhay sa kabila. Kung ang buhay sa lupa ay may katapusan, walang katapusan ang buhay sa kabila. Iyan ang aral ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria.

Ano naman ang mayroon sa kabilang buhay? Sa kabilang buhay, ang bawat isa ay may pagkakataon na masilayan ang kaganapan ng kadakilaan ng Diyos. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nakikita natin dito sa lupa araw-araw ay isa lamang patikim o pagsulyap sa masisilayan ng bawat isa sa langit. Ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos ay masisilayan ng lahat sa langit. Sa pagtawid ng bawat isa sa kabilang buhay, mayroon silang posibilidad na makita ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang inilarawan sa Unang Pagbasa tungkol sa langit ay kanilang makikita. At ang lahat ng makakakita sa kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon sa langit ay mamamangha. Tunay na mapalad ang mga nakarating sa langit sa katapusan ng kanilang paglalakbay sa daigdig na ito sapagkat ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon ay kanilang masisilayan magpakailanman. Ang langit na pinupuspusan ng Diyos ng Kanyang kadakilaan ay magiging kanilang tahanan magpakailanman. Makakapiling nila ang Panginoon na puspos ng kadakilaan magpakailanman sa langit. Tunay ngang maganda ang langit. 

Iyon nga lamang, hindi lahat ng naglalakbay dito sa daigdig ay makakarating at makakapasok sa langit. Iyan ang binigyan ng pansin ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang awitin na inilahad sa pangalawang bahagi ng Ebanghelyo. Inihayag niya na ang mga umaapi sa mga nasa abang kalagayan ay ibabagsak ng Diyos. Darating ang panahon kung kailan pagbabayarin ng Diyos ang lahat ng mga nang-aapi ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Ang mga umaabuso ng kapangyarihan ay ibabagsak ng Diyos pagdating ng takdang panahon. Ang mga sakim at mga kumikitil ng buhay ng bawat tao, lalo na ng mga inosenteng tao, ay hindi papapasukin sa langit. Magsaya man sila sa bawat sandali ng kanilang buhay dito sa mundo, pagbabayarin sila ng Panginoong Diyos sa kabilang buhay. Hindi Niya sila papapasukin sa langit. Iyan ang parusa at ganti ng Panginoon laban sa mga umaapi ng kapwa, lalo na ang mga umaapi sa mga maralita, habang namumuhay sa mundo. Sinu-sino sila? Ang mga sakim at kumikitil sa buhay ng tao. 

Paano tayo makakapasok sa langit? Isabuhay ang mga utos at aral ng Panginoong Hesus, ang pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Si Hesus na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Si Hesus na nagpamalas ng kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kapag isinabuhay natin ang Kanyang mga utos at aral, inihahayag natin ang ating pananalig at pagtanggap sa Kanya. Ang mga nananalig at tumatanggap sa Kanya hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa lupa ay Kanyang tatanggapin at papapasukin sa Kanyang kaharian sa langit. 

Kung nais nating matamasa ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit, mamuhay tayo ayon sa Kanyang mga utos at salita. Huwag tayong mang-abuso o mang-api ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Mamuhay tayo nang may pagmamahal sa Diyos at kapwa. Mamuhay tayo nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Mamuhay tayo ayon sa mga utos at aral ng Panginoong Hesukristo. Italaga natin ang ating mga sarili sa Panginoon, tulad ng Mahal na Ina. Buong puso nating tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos habang tayo'y naglalakbay sa mundong ito. Iyan ang paghahandang kailangan nating gawin kung nais nating tahakin ang landas patungong langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento