Huwebes, Agosto 29, 2019

HAKBANG PAPALAPIT SA PANGINOON

1 Setyembre 2019 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14 



Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang kahalagahan ng kababaang-loob at pagkakawanggawa. Sa Unang Pagbasa, pinayuhan ni Sirak ang kanyang anak na mamuhay nang may kababaang-loob araw-araw. Ang payong ito ay hindi lamang para sa anak ni Sirak kundi pati na rin sa lahat ng mga kabataan mula sa bawat henerasyon, lalung-lalo na ang mga magbabasa ng aklat na ito. Sa Ebanghelyo, ginamit ni Hesus ang larawan ng isang piging upang ituro ang kahalagahan ng kababaang-loob at pagkakawanggawa.

Ang kababaang-loob at pagkakawanggawa ay dapat pahalagahan at panatilihin sa pamumuhay natin araw-araw. Walang masamang idudulot sa atin ang pamumuhay nang may kababaang-loob at malasakit. Ang idudulot sa atin ay pawang kabutihan lamang. Ang bawat isa sa atin ay lalong mapapabuti bilang tao. Gumagawa tayo ng mabuti para sa ating mga sarili at para sa ating kapwa. Lalo tayong napapabuti bilang tao. Bumubuti ang ating mga asal. Pinapabuti at pinalalago natin ang ating mga sarili bilang kapwa. Ang ating pamumuhay ay gumaganda at bumubuti. Higit sa lahat, tinutulungan rin natin ang ating kapwa na mapabuti ang kanilang buhay. Nakikiisa tayo sa kanila kapag tayo'y namuhay nang may malasakit at kababaang-loob araw-araw. Kaya, dapat maging mulat tayo sa kahalagahan ng kababaang-loob at pagkakawanggawa o malasakit sa ating buhay araw-araw. Hindi dapat kaligtaan o tanggalin ang mga ito sa ating buhay. 

Sabi sa pinakahuling bahagi ng Ikalawang Pagbasa, "Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan" (12, 24a). Paano tayo makakalapit sa Panginoong Hesukristo? Mamuhay nang may kababaang-loob at malasakit. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob at malasakit, lalo tayong napapalapit kay Kristo. Humahakbang palapit sa Panginoong Hesus ang mga may kababaang-loob at malasakit. Kinalulugdan Niya ang mga may kababaang-loob at malasakit. Siya'y natutuwa sa mga taong nagpapakumbaba at nagkakawanggawa.

Bakit ikinatutuwa ng Panginoon ang pagkakawanggawa at pamumuhay nang may kababaang-loob? Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, inaamin ng bawat tao na hindi niya kayang gawin ang lahat ng bagay sa lahat ng oras. Inaamin niya ang kanyang mga limitasyon. Inaamin niyang may mga oras na mangangailangan siya ng tulong. Higit sa lahat, lalo Siyang umaasa sa tulong ng Diyos. Kinikilala niya ang Diyos bilang Kanyang tulong at sanggalang sa bawat oras, lalung-lalo na sa panahon ng matinding pangangailangan. At kapag ang bawat isa'y magkakawanggawa, ibinabahagi niya ang tulong ng Diyos sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. Sabi rin ng Panginoon na kapag tinulungan rin natin ang kapwa, lalung-lalo na ang mga nangangailangan, ginagawa rin natin iyon sa Kanya (Mateo 25, 40). Kapag ang kapwa, lalung-lalo na ang mga dukha, ay tinulungan rin natin katulad ng ginawa ng Panginoon para sa atin, ginagawa rin natin iyon sa Kanya. Sa tuwing tayo'y nagmamalasakit at gumagawa ng mabuti, ginagawa natin iyon para sa Panginoon. 

Mabuti ang idudulot ng pamumuhay nang may kababaang-loob at malasakit sa buhay natin. Lagi tayo mauudyok na gumawa ng mabuti para sa kapwa, lalo na para sa mga mahihirap. Mapupukaw tayong mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Sa tuwing tayo'y magkakawanggawa at mamumuhay na may kababaang-loob, patuloy tayong humahakbang palapit sa Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento