Martes, Nobyembre 12, 2019

GANTIMPALA PARA SA MGA TAPAT

17 Nobyembre 2019 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 


Isang paksa lamang ang tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sinu-sino ang mga ililigtas ng Panginoon sa katapusan ng panahon? Paano natin matatamo ang pagtubos ng Diyos sa wakas ng panahon? Ano ang kahihitnan natin sa katapusan? 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Malakias ang isang pahayag mula sa Diyos tungkol sa Kanyang gagawin sa araw na Kanyang itinakda. Inihayag ng Panginoong Diyos na ililigtas Niya ang lahat ng mga nagpasiyang manatiling tapat sa Kanya at parurusahan naman ang lahat ng mga palalo't masasama sa araw na iyon. Iyon din ang nais iparating ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Sabi ni Hesus na ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya sa kabila ng mga pag-uusig ay makatatamo ng buhay na walang hanggan. Iyan ang Kanyang gantimpala sa lahat ng mga pumiling mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Ang pananatiling tapat sa Panginoon hanggang sa huli ay mahirap gawin. Kung tutuusin, wala namang sinabi si Kristo na magiging maginhawa ang buhay ng lahat ng mga tapat sa Kanya. Hindi naman Niya ipinangakong magiging ligtas mula sa lahat ng mga pagsubok at tukso sa daigdig ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan. Katunayan, ipinahiwatig ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo na maraming pagsubok, tukso, at pag-uusig na titiisin ng lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya. Maski nga Siya, hindi naging ligtas mula sa mga pag-uusig at mga pang-aakit ng tukso. Kung Siya nga, hindi naging ligtas mula sa iba't ibang mga pag-uusig, tukso, at pagsubok sa buhay, ano pa kaya tayo? Tandaan, bukal ng kabanalan si Kristo. Pero, hindi Siya ligtas mula sa mga ito noong Siya'y dumating sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan.

Mahirap talaga maging tapat sa Panginoon hanggang sa huli. Hindi biro iyon. Ang pagiging tapat sa Panginoon ay may kalakip na mga pagsubok. Susubukan ang ating katapatan at pananalig sa Kanya. Tayong lahat ay makakaranas ng pag-uusig. Tayong lahat ay tutuksuhin. Tayong lahat ay makakaranas ng mga pagsubok. Ang dami nating pagdadaanan. Subalit, kung pipiliin natin maging tapat sa Panginoon hanggang sa huli, tayong lahat ay Kanyang gagantimpalaan. 

Paano naman natin maipapahayag ang ating katapatan sa Diyos? Ano ang mga katangian ng mga tunay na matapat sa Diyos? Inilarawan ni Apostol San Pablo ang mga ito sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na ang tunay na matapat sa Diyos ay masipag at matuwid. Kung tunay tayong matapat sa Diyos, kailangan natin piliin kung ano ang matuwid at maging masipag. Piliin ang kabutihan sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa daigdig at huwag maging tamad. Katunayan, ginamit ni Apostol San Pablo ang paghahanap-buhay upang ilarawan ang kahalagahan ng kasipagan. Kung tamad tayo sa paghahanap-buhay o kaya sa pagtupad ng mga pang-araw-araw na gawain, ano pa kaya pagdating sa ating espirituwal na pamumuhay? Walang banal na tamad. Kung tamad tayong gumawa ng mabuti, paano nating masasabing tapat tayo sa Panginoong Diyos? 

Kaya naman, kung tunay tayong matapat sa Diyos, pipiliin natin maging masipag at matuwid. Pipiliin nating gumawa ng mabuti sa lahat ng oras, kahit na masama ang ginagawa laban sa atin. Ang paggawa ng mabuti sa lahat ng oras ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kung iyan ay ating gagawin hanggang sa huli, tayong lahat ay ililigtas ng Diyos mula sa walang hanggang kaparusahan sa impyerno. Tayong lahat ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento