Lunes, Nobyembre 25, 2019

PAGHAHANDA PARA SA PANGINOON

1 Disyembre 2019 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44 


Binubuksan ng Simbahan ang isang panibagong taon sa pamamagitan ng pagpasok sa panahon ng Adbiyento. Ang panahong ito ay kilala rin bilang Panahon ng Pagdating ng Panginoon. Ang panahong ito ay inilalaan sa paghahanda ng mga sarili natin para sa pagdating ni Kristo. 

Katunayan, dalawa ang ating pinaghahandaan at pinananabikan sa panahong ito ng Adbiyento. Ang una ay ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Disyembre at ang pangalawa naman ay ang Kanyang Muling Pagbalik sa wakas ng panahon bilang Dakilang Hukom ng mga nangabuhay at nangamatay na tao.

Ano naman ang gagawin ng Panginoon sa Kanyang pagdating? Ano ang Kanyang hatid sa bawat isa sa Kanyang pagdating? Ang paksang ito ay tinalakay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag na kapayapaan ang iiral sa pagdating ng Panginoon (2, 4). Batay ito sa pangitain ni propeta Isaias tungkol sa Juda at Herusalem. Kapayapaan ang ihahatid ng Panginoon sa lahat sa Kanyang pagdating. Kaya nga, Siya'y tinawag na "Prinsipe ng Kapayapaan" (Isaias 9, 6). Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na kaligtasan ang dala ng Panginoon sa muli Niyang pagbalik (13, 12). Sino ang mga makikinabang sa biyayang ito na kaloob ni Kristo? Ang mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Bagamat nais ni Kristo na tubusin ang lahat, tanging ang mga nagpasiyang maging tapat sa Kanya hanggang sa huli ang maliligtas. 

Subalit, walang sinuman ang nakakaalam kung kailan babalik ang Panginoon. Ang araw kung kailan magaganap ang muling pagbalik ni Kristo bilang Hukom ay isang napakalaking lihim sa mga isipan ng bawat tao. Iyan ang ipinahiwatig sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na malapit nang bumalik ang Panginoon (13, 12). Subalit, walang binanggit na petsa si Apostol San Pablo. Hindi niya sinabi kung kailan nga ba talaga mangyayari ang lahat ng mga nasabing pangyayari. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang muli Niyang pagdating sa katapusan ng panahon ay magiging katulad ng pagdating ng matinding baha noong panahon ni Noe (24, 37). Darating Siya sa panahong hindi inaasahan ng lahat. Babalik Siyang muli ng biglaan. 

Kaya naman, napapanahon ang paalala ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo - maging handa sa lahat ng oras. Laging maging handa. Ang paalalang ito ni Hesus ay ipinarating rin ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa kung saan sinabi niyang "panahon na upang gumising sa pagkatulog" (13, 11). Dapat tayong maging handa sa lahat ng oras. Paano natin maihahanda ang mga sarili natin para sa maluwalhating pagdating ng Panginoon? Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paano natin ito magagawa. Sinabi niyang dapat mamuhay tayo nang marangal, talikuran ang makasalanang pamumuhay, at isentro ang ating buhay kay Kristo. Pahintulutan natin ang Panginoong Hesus na maging hari ng ating buhay. Iyan ang ating magagawa upang maging marapat tayong sumalubong sa Panginoong Hesukristo sa Kanyang pagdating. Kapag iyan ay ating ginawa, tayong lahat ay gagantimpalaan ng Panginoon.

Sa panahong ito ng Adbiyento, may isang panawagan ang Simbahan para sa bawat isa sa atin. Malapit nang dumating ang Panginoon. Kaya naman, nararapat lamang na ihanda natin ang ating mga sarili para sa Kanyang pagdating. Kung tunay tayong matapat sa Panginoon, igugugol natin ang oras na ibinibigay sa atin, lalung-lalo na ngayong panahon ng Adbiyento, sa paghahanda ng ating mga sarili para sa Kanyang pagdating. Habang tayo'y nananabik para sa Kanyang pagdating, hindi tayo magtutunganga lamang. Hindi tayo magiging tamad. Bagkus, ihahanda natin ang ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoon. 

Ang panawagan ng Simbahan ngayong panahon ng Adbiyento - nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Bilang tugon sa panawagang ito ng Simbahan, ihanda natin ang ating mga sarili upang ang Panginoon ay ating salubungin nang buong tuwa't galak sa Kanyang pagdating. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento