Lunes, Enero 13, 2020

SA PAMAMAGITAN NG SANTO NIÑO, ANG TAGUMPAY NG PAG-IBIG NG DIYOS AY NAHAYAG

19 Enero 2020 
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol (A) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10 




"Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas" (Salmo 97, 3k). Napakaganda ng itinuturo at pinagtutuunan ng pansin sa mga salitang ito sa Salmo para sa espesyal na araw na ito. Kaya naman, angkop na angkop ang mga salitang ito sa Salmo para sa pagdiriwang ng Pista ng Mahal na Poong Santo Niño. Sa mga salitang ito, ang pagtubos ng Diyos sa bawat tao ay pinagtuunan ng pansin. Ang Panginoong Diyos ay naging matagumpay sa Kanyang pagtubos sa sangkatauhan.

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Kapistahan ng Santo Niño ang tagumpay ng planong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Iyan ang ipinapaalala ng Santo Niño sa bawat isa. Ang Santo Niño ay nagsisilbing paalala ng matagumpay na pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Panginoon ay nagtagumpay sa Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan. Hindi nauwi sa kabiguan ang planong ito ng Diyos. Hindi binigo ng Diyos ang sangkatauhan. Bagkus, ang plano ng Panginoon na iligtas ang lahat ng tao ay naging matagumpay. 

Sa Unang Pagbasa, binigyan ng pansin kung ano ang ginawa ng Panginoon upang iligtas ang sangkatauhan. Inihayag sa Unang Pagbasa na may ipagkakaloob ang Diyos sa sangkatauhan. Isang sanggol na lalaki ang ipagkakaloob ng Diyos upang maisakatuparan ang Kanyang planong pagtubos sa sangkatauhan. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng isang sanggol na lalaki. At ang Sanggol na ito'y walang iba kundi ang Panginoong Hesus, ang Santo Niño. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Santo Niño, ang bawat tao ay tinubos ng Diyos. 

Ang Panginoong Hesus ay nangaral sa mga apostol tungkol sa pagkakaroon ng kababaang-loob sa Ebanghelyo. Ang pagiging mapagpakumbaba katulad ng isang bata. Iyon ang ginawa ni Hesus nang Siya'y dumating sa daigdig. Si Hesus ay hindi dumating agad-agad taglay ang buo Niyang kapangyarihan bilang Diyos. Bagkus, Siya'y dumating bilang isang Sanggol. Tinanggap Niya ang pagiging isang Sanggol nang buong kababaang-loob. Buong kababaang-loob na tinanggap ni Hesus ang pagiging Anak ng Mahal na Birheng Maria. Iyan si Hesus, ang Santo Niño. 

Bakit iyan ang piniling gawin ng Panginoon? Sabi ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na pag-ibig ang dahilan. Dahil sa Kanyang pag-ibig, niloob ng Diyos na tayong lahat ay maging mga anak Niya sa pamamagitan ni Kristo. Iyan ang dahilan kung bakit iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Pag-ibig ang dahilan. Pag-ibig ang dahilan kung bakit tayong lahat ay iniligtas ng Diyos. 

Patuloy na ipinapaalala sa atin ng Mahal na Poong Santo Niño ang tagumpay ng Diyos. Tagumpay bunga ng pag-ibig. Tagumpay ng pag-ibig ng Panginoon. Dahil sa Kanyang pag-ibig, tayong lahat ay Kanyang iniligtas. Sa pamamagitan ng pagtubos Niya sa atin, nagtagumpay ang Kanyang pag-ibig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento