Lunes, Enero 27, 2020

LIWANAG AT TAGAPAGLIGTAS

2 Pebrero 2020 
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo 
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32) 



Dalawang salita ang ginamit ni Simeon sa kanyang awitin o kantikulo na inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo tungkol sa Paghahandog sa Sanggol na Hesus sa Templo. Ginamit ni Simeon ang dalawang salitang ito upang ipakilala si Hesus. Ang dalawang salita ito ay Tagapagligtas at Liwanag. Napakalinaw kung paanong pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan ang dalawang salitang ito na nagpapakilala kay Hesus sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Candelaria. Katunayan, ang dalawang ito ang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Kapistahan ng Candelaria.

Tagapagligtas. Iyan ang pangunahing tungkulin ng Panginoong Hesukristo. Siya'y pumarito bilang Tagapagligtas. Ang Panginoong Hesus ay ipinagkaloob ng Ama sa ating lahat nang sumapit ang takdang panahon upang maging ating Tagapagligtas. Napakalinaw kung paanong pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa ang misyong ito ni Hesus. At ang misyon ni Kristo bilang Tagapagligtas ay ipinagkaloob sa Kanya ng Diyos Ama. Ang misyong ibinigay ng Ama sa Panginoong Hesus ay iligtas ang sangkatauhan. Kaligtasan at hindi kapahamakan.

Liwanag. Ang Banal na Sanggol na si Kristo ay ipinakilala rin ni Simeon sa kanyang kantikulo bilang liwanag. Katunayan, nang lumaki si Kristo Hesus, inihayag Niya sa isa sa Kanyang mga pangaral na Siya ang liwanag ng sanlibutan (Juan 8, 12). Ang Panginoong Hesukristo ang tunay na liwanag. Ang kandilang binasbasan sa simula ng Banal na Misa sa espesyal na araw na ito ay nagsisilbing paalala para sa ating lahat na si Hesus ang tunay na liwanag. Liwanag at hindi kadiliman. 

Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ni propeta Malakias tungkol sa Kanyang pagdating. Tinupad ng Panginoong Diyos ang pahayag na ito nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ni Kristo. Nang si Kristo ay dumating sa daigdig, dumating ang liwanag at kaligtasan. Ang liwanag na hatid ng Panginoong Hesus ay sumindak sa kadilimang hatid ng demonyo at kamatayan na bumalot sa buong lupain, tulad ng inihayag ni propeta Isaias sa kanyang propesiya (9, 1). Ang lahat ng taong inalipin at pinahamak ng demonyo at ng kadiliman ay tinubos ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Sa pagdating ni Kristo, dumating ang liwanag at kaligtasan. 

Ang bawat isa sa atin ay pinapaalalahanan ng Simbahan sa araw na ito kung sino nga ba ang Panginoong Hesukristo. Ang Panginoong Hesus ay ang Liwanag at Tagapagligtas. Liwanag at kaligtasan ang hatid Niya sa lahat. Ang ating liwanag ay walang iba kundi ang ating Manunubos na si Kristo Hesus. 

Kaya naman, magpasalamat tayo sa Diyos sa araw na ito. Niloob Niyang dumating ang liwanag at kaligtasan sa daigdig sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Tayong lahat ay malaya ngayon. Tayong lahat ay ligtas na ngayon. Tayong lahat ay patuloy na namumuhay sa liwanag. Bakit? Dahil sa kabutihan ng Diyos para sa atin na ipinakita Niya sa pamamagitan ng ating Liwanag at Tagapagligtas na si Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento