Martes, Enero 21, 2020

SUSUNOD KA BA SA TUNAY NA LIWANAG?

26 Enero 2019 
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13. 17/Mateo 4, 12-23 (o kaya: 4, 12-17) 


Susunod ka ba sa tunay na liwanag? Ito ang tanong para sa bawat isa sa atin. Ang tanong na ito ay binuo ng mga Pagbasa para sa araw na ito. Ipinapakilala sa atin ng mga Pagbasa para sa araw na ito ang tunay na liwanag. Matapos ipakilala sa atin ang tunay na liwanag, tayong lahat ay binibigyan ng isang tanong upang ating mapagnilayan nang mabuti. 

Ang tunay na liwanag ay walang iba kundi si Hesus. Napakalinaw kung paano Siya ipinakilala ng mga Pagbasa bilang tunay na liwanag. Siya ang tunay na liwanag na sumindak sa dilim tulad ng inihayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Siya ang liwanag pumawi sa dilim. Ang bayang matagal nang nabalot ng dilim ay nagkaroon ng liwanag dahil sa Panginoong Hesukristo. Si Hesus na nangaral sa lahat ng tao tungkol sa pagbabalik-loob at tumawag sa apat na mamamalakaya upang maging Kanyang mga unang alagad sa Ebanghelyo ang tunay na liwanag. 

Inilarawan naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang mga katangian ng mga tunay na sumusunod sa liwanag na si Kristo. Ang mga totoong sumusunod sa tunay na liwanag na si Kristo ay hindi mga panatiko. Bakit? Ang mga panatiko ay patuloy na namumuhay sa dilim. Pinapairal nila ang pagkabaha-bahagi at ang panatisismo. Kaya nga silang tinatawag na panatiko. Hindi naman sila seryoso sa kanilang pagsunod sa Panginoon. Ipinapalabas lamang nila na sumusunod sila sa tunay na liwanag na si Kristo kahit hindi naman. Hindi naman nila tinatanggap ang mga utos at atas ng Panginoon. Para sa kanila, laro-laro lamang ito. Ang tingin nila dito ay isang gimik lamang na hindi kailangang seryosohin. 

Hindi isang gimik ang pagsunod sa Panginoon. May mga kalakip na sakripisyo ang pagsunod sa tunay na liwanag na si Kristo Hesus. Ang mga tunay na sumusunod kay Hesus ay handang magsakripisyo alang-alang sa Kanya. Ang mga sakripisyo na kanilang ginagawa alang-alang sa Panginoong Hesukristo ay bukal sa kanilang mga puso't loobin. Sila ang mga may tunay na debosyon at pananampalataya sa ipinangakong Mesiyas na si Hesus, ang tunay na liwanag. Sila ang mga tunay na sumasamba at umiibig sa Kanya. 

May tanong ang Panginoon para sa atin. Tayo ba ay susunod sa Kanya. ang tunay na liwanag? Tayo ba ay magiging mga tunay na tagasunod o mga panatiko? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento