Miyerkules, Marso 11, 2026

TUNAY NGANG DAKILA ANG KANIYANG PAG-IBIG

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikaapat na Wika (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34): 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 


Habang nakabayubay sa Krus na Banal, ipinakilala ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili sa pamamagitan ng Kaniyang Ikaapat na Wika. Ang mga salita sa simula ng ika-22 kabanata ng aklat ng mga Salmo ay Kaniyang binigkas sa sandaling ito. Bukod sa pagiging isang panalangin sa panahon ng pagdurusa, isa ring propesiya tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang nasabing kabanata ng aklat ng mga Salmo. Inilarawan nang buong linaw sa kabanatang ito ng aklat ng mga Salmo kung ano ang mangyayari sa mga huling sandali ng buhay ng ipinangakong Mesiyas.

Nasasaad sa isa sa mga taludtod ng Salmong yaon: "Pinaghati-hati nila ang damit Ko sa katawan, ang hinubad na tunika'y dinaan sa sapalaran" (22, 19). Ang mga salitang ito ay natupad noong unang Biyernes Santo. Habang nakapako si Jesus Nazareno sa Krus na Banal, ang Kaniyang damit ay pinaghati-hati at pinagsapalaran ang Kaniyang tunika (Juan 19, 23-24). Maraming iba pang inilarawan sa Salmong ito na natupad sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Isa lamang itong patunay na ang Mesiyas at Manunubos na ipinangako ay walang iba kundi si Jesus Nazareno mismo. 

Batid ng Poong Jesus Nazareno na mangyayari ang lahat ng ito sa Kaniya kung ang planong pagligtas sa sangkatauhan ay Kaniyang ipinasiyang ituloy. Kahit na pumarito Siya sa daigdig upang ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Lumang Tipan ay tuparin, hindi Siya tatanggapin ng tanan. Sa halip na taos-pusong pagdakila, pagtatakwil ang tinanggap Niya sa mga tao. Tinuloy pa rin Niya ito, kahit na alam Niya ang mga ito. Isa lamang ang dahilan kung bakit - tunay nga Niya tayong iniibig. 

Kahit na alam ng Panginoong Jesus Nazareno na hindi Siya tatanggapin at dadakilain ng mga taong tutubusin Niya, ipinasiya pa rin Niyang ituloy ang pagsasakatuparan ng planong ito. Pinatunayan Niya sa pamamagitan nito na tunay nga Niya tayong iniibig. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ipinasiya Niyang maging Kordero ng Diyos. 

Martes, Marso 10, 2026

HINDI DINAAN SA MGA SALITA LAMANG ANG KANIYANG PAGDAKILA SA DIYOS

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikatlong Wika (Juan 19, 25-27): 
"Ginang, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina." 


Ang Ikatlong Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal ay Kaniyang binigkas nang makita Niya ang Mahal na Birheng Maria at ang kumatawan sa Kaniyang Simbahan sa mga sandaling yaon na walang iba kundi ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Sa pamamagitan ng Kaniyang Ikatlong Wika, naging bahagi ng pamilya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Simbahang tanging Siya mismo ang nagtatag. Bilang bahagi ng Kaniyang pamilya, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay lagi nating hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. 

Huwaran ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang Mahal na Birheng Maria. Sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa, lagi niyang piniling dakilain ang Diyos. Lagi niyang isinabuhay ang kaniyang "Fiat" o "Oo" sa kalooban ng Diyos. Ang kaniyang "Fiat" na una niyang binigkas noong magpakita sa kaniya sa kaniyang tahanan sa Nazaret ang Arkanghel na si San Gabriel upang ang magandang balita tungkol sa pagkahirang at pagtalaga sa kaniya ng Diyos bilang Ina ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ay iparating sa kaniya, ay palagi niyang isinabuhay. Kahit na napakahirap itong gawin, ipinasiya niyang laging dakilain ang Diyos nang taos-puso. 

Itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria na hindi sapat ang mga salita lamang sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Bagkus, lagi itong dapat isabuhay sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa. Pinaghahandaan natin ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit sa pamamagitan nito. Dakilain natin ang Diyos taglay sa ating mga puso at loobin ang katapatang dalisay sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa habang pansamantala nating nilalakbay ang daigdig na ito. Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon upang ipagpaliban ang pagsasabuhay nito. 

Kasama natin sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa ang Mahal na Birheng Maria. Lagi niya tayong tinutulungang isabuhay ang pasiyang ito. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ipagkaloob sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang maging Ina rin natin. Ganyan tayo ka-mahal ng Poong Jesus Nazareno. 

Lunes, Marso 9, 2026

BIYAYANG KALOOB SA MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikalawang Wika (Lucas 23, 43): 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 


Mula noong dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani, ang Poong Jesus Nazareno ay tumanggap ng maraming masasakit na salita. Walang tigil Siyang nilait at kinutya ng Kaniyang mga kaaway. Ang mga hirap, sakit, at pagdurusang Kaniyang binata noong unang Biyernes Santo ay hindi lamang pisikal. Bagkus, nagbata rin Siya ng emosyonal na mga hirap, sakit, at pagdurusa noong araw na yaon. Ito ay dulot ng walang tigil na panlalait at pangugutya ng Kaniyang mga kaaway. 

Lubos na nasaktan ang Poong Jesus Nazareno noong unang Biyernes Santo. Bukod sa pisikal na pagpapakasakit at pagdurusang binata Niya mula noong dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani, nagbata rin Siya ng emosyonal na pagdurusa. Tunay nga namang durog na durog sa mga sandaling yaon ang Poong Jesus Nazareno. Kahit na pawang kabutihan at kabanalan lamang ang Kaniyang mga ginawa, itinakwil Siya ng tanan. Walang tigil ang panlalait at pangungutya ng Kaniyang mga kaaway. 

Subalit, habang naghihingalo Siya sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya noong unang Biyernes Santo, nagkaroon ng isang sandaling naibsan ang lahat ng mga hirap at pagdurusang Kaniyang binabata. Kahit saglit lamang iyon, nakaranas ng aliw ang Poong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal. Dala ito ng taimtim at taos-pusong pagtitika ng salaring kilala sa tradisyon sa pangalang Dimas. 

Noong hiniling ni Dimas sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na isama siya sa langit, agad siyang pinagbigyan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang dakilang biyaya ng buhay na walang hanggan ay hindi Niya ipinagkait kay Dimas. Ito ang Kaniyang tugon kay Dimas. Dahil ipinasiya ni Dimas na dakilain nang taos-puso ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng kaniyang taos-pusong pagtitika, ipinagkaloob sa salaring si Dimas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. 

Gaya ni Dimas, mayroon tayong pagkakataong makapiling si Jesus Nazareno sa langit kung saan Siya naghahari magpakailanman. Lagi nating dakilain Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Kinalulugdan Niya nang lubos ang mga dumarakila sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan hanggang sa huli. Sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, lagi natin Siyang piliin. Ihandog natin sa Kaniya ang nararapat, katulad ng ginawa ni Dimas. 

Linggo, Marso 8, 2026

ANG KANIYANG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
Unang Wika (Lucas 23, 34): 
"Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 

Larawan: Antonio de Torres, The Elevation of the Cross (c. 1718). Los Angeles County Museum of Art. Public Domain

Nang dumating Siya sa daigdig, ang Poong Jesus Nazareno ay hindi nakatanggap ng taos-pusong pagdakila. Sa kabila ng kadakilaan Niyang tunay ngang kahanga-hanga, hindi Siya dinakila nang taos-puso ng mga tao. Kahit na naparito Siya sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, walang naghandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Poot at galit ang Kaniyang natanggap mula sa mga tao noong una Siyang dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Mabuti ang pakay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong una Siyang pumarito sa lupa. Subalit, sa halip na handugan Siya ng taos-pusong pagdakila, ang tugon ng mga tao ay pagtatakwil at mga banta laban sa Kaniyang buhay. Bago sumapit ang unang Biyernes Santo, paulit-ulit na pinagtangkaan ang Kaniyang buhay. Hindi nila dinakila ang Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso. Walang lumipas na sandali na hindi nila pinagtangkaan at pinagbantaan ang Kaniyang buhay. 

Ipinagkait nila sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang nararapat. Dala ng matinding poot at galit sa kanilang mga puso, agad nila Siyang itinakwil. Kahit na marami Siyang ginawang himala dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa mga tao sa tatlong taon ng Kaniyang pampublikong ministeryo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi tinanggap at dinakila. Paulit-ulit nilang pinagtangkaan at pinagbantaan ang Kaniyang buhay. Isang halimbawa nito ay ang pagpupulong ng Sanedrin matapos buhayin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kaibigang si San Lazaro. 

Kaya naman, noong sumapit ang unang Biyernes Santo, sa bundok ng Kalabaryo na tinatawag ring Golgota, nagsaya nang lubusan ang mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa wakas, nagtagumpay sila sa kanilang planong ipapatay Siya. Ang lalaking ito na nagmula sa Nazaret ay hindi na magiging isang problema. Matatahimik na rin sila. Hindi na sila makakarinig ng mga balita tungkol sa mga pangaral at mga himala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na kinapopootan nila nang lubos. Hindi na Siya tatawaging Mesiyas ng ilan. 

Habang nagsasaya nang lubos dahil ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naipako na rin sa Krus, walang awa nila Siyang nilibak at kinutya. Sa pamamagitan nito, buong linaw nilang inihayag sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kanilang pagtatakwil sa Kaniya. Para sa kanila, isa lamang Siyang mapagpanggap at lapastangan. Dahil dito, ang walang tigil na paglibak at pagkutya bilang tanda ng pagtakwil nila sa Kaniya ay tunay ngang nararapat. 

Bilang tugon sa walang tigil na paglilibak at pagkutya ng Kaniyang mga kaaway na paulit-ulit na nagbanta laban sa Kaniyang buhay hanggang sa sandaling ipinako Siya sa Krus na Banal, taimtim na nanalangin sa Amang nasa langit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kahit na sila mismo ang dahilan kung bakit naghirap at nagdusa Siya nang lubos mula sa sandaling dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa makarating Siya sa bundok ng Kalbaryo na pasan-pasan ang Krus na pinagpakuan sa Kaniya, ipinasiya pa rin Niyang manalangin sa Amang nasa langit para sa kanila. Ang taimtim na panalangin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno habang nakapako sa Krus ay ang biyaya ng pagpapatawad ng Amang nasa langit sa Kaniyang mga kaaway. 

Sa pamamagitan ng pananalangin para sa Kaniyang mga kaaway na walang tigil na lumilibak at kumukutya sa Kaniya, kahit na unti-unti Siyang nagdurusa hanggang sa mamatay Siya sa Krus na Banal, ipinamalas ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos. Kahit na walang tigil nila Siyang nililibak at kinukutya, hindi Niya ipinagkait sa kanila ang Kaniyang habag at awa. Ito ang kahanga-hangang kadakilaan ng Poong Jesus Nazareno. 

Sabado, Marso 7, 2026

SA HULI, ANG KADAKILAAN NG DIYOS AY MAGTATAGUMPAY

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria 
Ikapito at Huling Hapis: Ang Paglilibing sa Poong Jesus Nazareno
(Mateo 27, 57-61; Marcos 15, 42-47; Lucas 23, 50-56; Juan 19, 38-42) 

Ang huling kaganapan ng unang Biyernes Santo ay walang iba kundi ang paglilibing sa Bugtong na Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na namatay bilang handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Matapos ang Kaniyang pagtupad sa Kaniyang misyon at tungkulin bilang Kordero ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang paghahandog ng sarili sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo na kilala rin sa tawag na Golgota, inilibing ang Kaniyang bangkay. 

Puspos ng matinding hapis at sakit ang puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa mga sandaling ito. Katunayan, ang kaniyang puso ay puspos na ng matinding hapis at sakit noon pang umaga ng unang Biyernes Santo. Walang sandaling lumipas na hindi naramdaman ng Mahal na Birheng Maria ang tindi ng hapis at sakit na pumuspos sa kaniyang puso. Tila, habang lumilipas ang bawat segundo, minuto, at oras, ang hapis at sakit na pumuspos sa kaniyang puso ay lalong sumasakit. Lalong nadadagdan ang hapis at sakit na pumuspos sa kaniyang puso. Kahit na ang Poong Jesus Nazareno ay inilibing na, patindi pa rin ng patindi ang hapis at sakit sa kaniyang Puso. 

Kahit puspos ng matinding hapis at sakit, ang Mahal na Birheng Maria ay puno pa rin ng pag-asa. Mahahayag ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos kasunod ng mga hapis at sakit. Ang mga hapis at sakit ay pansamantala lamang dahil papawiin ito ng Diyos sa sandaling ihahayag Niya ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. 

Biyernes, Marso 6, 2026

KAPALIT NG PAGHAHAYAG NG KADAKILAAN

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria 
Ikaanim na Hapis: Ibinaba mula sa Krus ang Bangkay ni Jesus Nazareno 


Matapos malagot ang hininga ng Poong Jesus Nazareno habang nakapako sa Banal na Krus, ibinaba mula sa Banal na Krus ang Kaniyang bangkay upang ilibing. Kahit na tapos na ang pagdurusa ng Poong Jesus Nazareno, nagpatuloy pa rin ang tahimik na pagdurusa ng Mahal na Birheng Maria. Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria ang sandaling ito. Wala nang hininga ang Kaniyang Anak. Ang kaniyang tinanggap at kinakalong sa mga sandaling yaon ang bangkay ng Kaniyang minamahal na Anak na walang awang pinatay ng Kaniyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagpapapako sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. 

Para sa Mahal na Birheng Maria, ang unang Biyernes Santo ay ang pinakamahabang araw sa kaniyang buhay sa daigdig. Maraming naganap noong sumapit ang araw na yaon. Ang mga kaganapan ay sunod-sunod at tila walang tigil. Habang lumilipas ang bawat segundo, minuto, at oras, lalo niyang nararamdaman ang pagtarak at paghiwa ng balaraw sa kaniyang pusong dalisay at busilak. Kung ibang tao lamang ang nasa kalagayan ng Mahal na Birheng Maria, tiyak na mapupuno na sila at buong lakas na silang sisigaw sa langit kung kailan titigil ang pagdurusang ito. 

Taos-pusong pagpupuri at pasasalamat sa Diyos ang alay ng Mahal na Birheng Maria sa Kaniya sa mga sandaling yaon, sa kabila ng sakit at hapis na pumuspos sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Batid ng Mahal na Birheng Maria na lubos ring nasaktan ang langit noong namatay ang Poong Jesus Nazareno sa Krus. Subalit, kahit na napakasakit ito para sa Diyos, niloob pa rin Niya itong mangyari upang hindi mapahamak nang tuluyan ang sangkatauhan. Ipinasiya ng Diyos na ihayag sa tanan ang Kaniyang kadakilaan upang iligtas ang sangkatauhan. Nais ng Diyos na malaman ng lahat na ginamit Niya ang Kaniyang kadakilaan upang iligtas ang sangkatauhan. 

Ito ang kadakilaan ng Diyos. Ang kadakilaan ng Diyos ay nagkaloob ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Kahit na puspos ng matinding hapis at sakit ang kaniyang Kalinis-linisang Puso, ang Diyos ay pinuri at pinasalamatan pa rin ng Mahal na Birheng Maria nang taos-puso dahil hindi Niya ipinagkait sa buong sangkatauhan ang Kaniyang kadakilaang nagdulot ng kaligtasan. 

Huwebes, Marso 5, 2026

ANG KANIYANG KADAKILAAN AY NAHAYAG SA GITNA NG SAKIT AT HAPIS

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria 
Ikalimang Hapis: Sa Paanan ng Krus (Juan 19, 25-27) 

Ang pinakamahabang araw sa buhay ng Mahal na Birheng Maria sa daigdig ay ang unang Biyernes Santo. Bagamat walang ibang nangyari noong unang Biyernes Santo kundi ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Poong Jesus Nazareno sa Krus, para sa Mahal na Birheng Maria, ang unang Biyernes Santo ay tunay ngang napakahaba. Isa lamang ang natatanging dahilan kung bakit - paulit-ulit siyang nagdusa. Nagdusa rin siya sa bawat sandaling nagdusa ang Poong Jesus Nazareno hanggang kamatayan.

Sa bundok ng Kalbaryo, ang Poong Jesus Nazareno ay ipinako sa Krus na Banal. Hindi namatay agad ang Poong Jesus Nazareno nang maipako Siya sa Krus. Bagkus, unti-unti Siyang namatay. Nauubos nang unti-unti ang Kaniyang lakas. Mula sa sandaling dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa sandaling ipinako sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo, pabawas nang pabawas ang Kaniyang lakas. Inilaan sa pag-angat ng sariling Katawan upang makahinga ang natitirang lakas.

Lubos na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria noong kaniyang masaksihan mula sa paanan ng Krus na Banal ang pagkamatay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sakit at hapis na napakatindi ang pumuspos sa kaniyang Kalinis-linisang Puso habang ang bawat segundo, minuto, at oras ay lumipas nang paunti-unti. Naramdaman ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon ang pagtarak at paghiwa ng balaraw. 

Bagamat puspos ng sakit at hapis sa mga sandaling yaon, ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay puno pa rin ng taos-pusong pasasalamat at papuri sa Diyos. Ang Diyos ay kaniyang pinuri at pinasalamatan dahil ipinasiya Niyang ipahayag sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Dahil sa Kaniyang awa, habag, pag-ibig, kagandahang-loob, at biyaya, ipinasiya ng Diyos na ipamalas ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan. Isinagawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Miyerkules, Marso 4, 2026

SA KABILA NG MATINDING HAPIS AT SAKIT, DINAKILA PA RIN NIYA ANG DIYOS

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria
Ikaapat na Hapis: Sa Daan patungong Kalbaryo 

Larawan: Encontre del Natzaré amb la mare de Déu (detall), Francesc Ribalta. Taken by Joanbanjo. Creative Commons Attribution-Share Alike 4.0 International (CC BY-SA 4.0).


Kung ang mga unang tatlong hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naganap sa iba't ibang bahagi ng kabataan ng Poong Jesus Nazareno, ang mga huling apat na hapis ay naganap sa isang araw lamang. Noong sumapit ang unang Biyernes Santo, apat na ulit na napuspos ng hapis ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Dahil dito, para sa kaniya, ang pinakamasakit na araw ay ang unang Biyernes Santo. 

Ang pagtatagpo ng Mahal na Birheng Maria at ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nagpapasan ng Krus patungong Kalbaryo ay ang unang sandaling nagdulot ng sakit, lungkot, at hapis sa Kalinis-Linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria noong araw na yaon. Walang salitang sasapat upang ilarawan ang tindi ang sakit at hapis na tiniis ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon. Lubusan siyang nasaktan nang ang kaniyang minamahal na Anak ay kaniyang nakitang nagpapasan ng Krus. Ito ang mga huling sandali ng buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, labis ang sakit at hapis na pumuspos sa kaniyang Kalinis-linisang Puso sa mga sandaling iyon. 

Bagamat napuspos ng matinding hapis at sakit ang kaniyang Kalinis-linisang Puso sa mga sandaling yaon, hindi pa rin tumigil sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon. Ipinasiya pa rin niyang dakilain ang Diyos nang taos-puso sa kabila ng matinding hapis at sakit. Katunayan, ito ang natatanging dahilan kung bakit hindi niya pinahinto ang mga kaganapang ito. Tiniis niya ang matinding hapis at sakit dahil alam niyang mahahayag ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Gaano man katindi ang hapis at sakit, ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ito ang aral ng Ikaapat na Hapis. Sa hirap at ginhawa, nararapat lamang na dakilain ang Diyos nang taos-puso. 

Martes, Marso 3, 2026

HANGARIN ANG LALONG IKADARAKILA NG KANIYANG NGALAN

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria 
Ikatlong Hapis: Ang Paghahanap sa Batang Jesus Nazareno sa Templo (Lucas 2, 41-51) 


Tatlong araw na nawala ang Batang Poong Jesus Nazareno sa paningin ng Mahal na Birheng Maria. Sa loob ng tatlong araw na ito, napuno ng hapis at sakit ang puso ng Mahal na Birheng Maria. Labis niyang ikinahapis at ikinalungkot ang tatlong araw na pagkawala ng Batang Poong Jesus Nazareno na kaniyang minamahal na Anak. Wala siyang ibang ninais sa loob ng tatlong araw na ito na inilaan para sa paghahanap sa kaniyang minamahal na Anak kundi ang matagpuan Siyang ligtas. 

Noong ang Batang Poong Jesus Nazareno ay natagpuan ng Mahal na Birheng Maria at ng kaniyang kabiyak ng pusong si San Jose sa piling ng mga guro sa Templo, isang tanong ang binigkas ng Mahal na Birheng Maria sa Anak niyang minamahal: "Anak, bakit naman ganyan ang ginawa Mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng Iyong ama sa paghahanap sa Iyo" (Lucas 2, 48). Sa pamamagitan ng tanong na ito, inilarawan ng Mahal na Birheng Maria ang matinding hapis, lumbay, at sakit na kaniyang tiniis sa loob ng tatlong araw na iyon. Dahil sa pagkawala ng Batang Poong Jesus Nazareno, hapis, lumbay, at sakit ang pumuspos sa puso ng Mahal na Birheng Maria. 

Bunga ng kaniyang hangaring dakilain ang Diyos nang taos-puso ang hapis, lumbay, at sakit na tiniis ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng tatlong araw na ito. Walang ibang nais ang Mahal na Birheng Maria kundi dakilain ang Diyos nang taos-puso sa pamamagitan ng pagtupad at pagsunod sa Kaniyang loobin. Ang tanging hangad ng Mahal na Birheng Maria na hinirang at itinalaga ng Diyos para sa isang hindi pang-karaniwang misyon at tungkulin ay ang higit na ikadarakila ng Diyos. Kaya naman, laging sinisikap ng Mahal na Birheng Maria na pagbutihin ang pagtupad sa misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos. Nais niyang dakilain ang Diyos. 

Katulad ng Mahal na Birheng Maria, lagi nawa nating pagsikapang dakilain ang Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Sa kabila ng mga hirap, sakit, pagsubok, hapis, at pagdurusa sa buhay, lagi nawa nating piliing dakilain ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang magiging patunay na bukal sa ating mga puso at loobin ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Lunes, Marso 2, 2026

IBABA ANG SARILI AT DAKILAIN ANG PANGINOON

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria
Ikalawang Hapis: Ang pagtakas patungo sa Ehipto (Mateo 2, 13-23)


Upang ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay mailigtas mula sa panganib sa kamay ni Haring Herodes, tumakas ang Banal na Pamilya patungong Ehipto. Dahil sa pagkasilaw ni Haring Herodes sa kapangyarihan at kayamanang taglay niya bilang Hari ng Judea, ang mga batang lalaking dalawang taong gulang pababa sa Betlehem ay iniutos niyang ipapatay (Mateo 2, 16). Nais tiyakin ni Haring Herodes na manatili lamang sa kaniya ang trono. Ayaw niya ng kaagaw at karibal. Kaya, ipinasiya niyang gawin ang lahat upang tiyakin mapapasakaniya lamang ang kaharian ng Judea. 

Lubusang nahapis ang Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon. Subalit, hindi lamang ikinahapis ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon ang matinding panganib sa kamay ni Haring Herodes. Ikinahapis ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon ang pagkakait ng tunay na nararapat sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Mabuti ang Kaniyang pakay sa daigdig. Walang masamang binabalak ang kaniyang Anak. Kahit na tunay na Diyos ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, iniwan Niya ang Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit upang ang sangkatauhan ay mailigtas Niya. Nakakalungkot, ipinagkait sa Kaniya ang nararapat. 

Hindi dapat ipagkait sa Poong Jesus Nazareno ang taos-pusong pagdakila. Kailangan natin itong ihandog sa Kaniya nang may taos-pusong kababaang-loob at pananalig sa Kaniya. Kasama natin sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya nang may taos-pusong kababaang-loob at pananalig sa Kaniya sa ating mga puso si San Jose at ang Mahal na Birheng Maria. 

Linggo, Marso 1, 2026

KAHIT MAHIRAP, DINAKILA PA RIN NIYA ANG DIYOS NANG TAOS-PUSO

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria 
Unang Hapis: Ang Propesiya ni Simeon (Lucas 2, 33-35) 

Larawan: Adriaen Isenbrandt (circa 1485–1551), Presentation of Christ in the Temple (c. Between circa 1535 and circa 1540). Alte Pinakothek, upper floor, gallery IIa via RKD Research. Creative Commons Attribution-ShareAlike 4.0 International (CC BY-SA 4.0)


Hindi lingid sa puso at isipan ng Mahal na Birheng Maria ang tunay na pagkakilanlan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mula noong nagpakita sa kaniya sa Nazaret ang Arkanghel San Gabriel upang iparating sa kaniya ang balita tungkol sa pagkahirang sa kaniya ng Diyos upang maging ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang pagiging makapangyarihan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi na isang misteryo at lihim para sa Mahal na Birheng Maria. Alam ng Mahal na Birheng Maria na kahit na dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lupa sa isang pamamaraang hindi inaaasahan ng lahat, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na Diyos. 

Kaya naman, noong tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos na ipinarating sa kaniya ng Arkanghel San Gabriel, hindi siya nagmataas at nagyabang sa kaniyang mga kababayan. Hindi siya nag-organiza ng isang parada. Batid ng Mahal na Birheng Maria na kahit maituturing na karangalan ang misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos, isa pa rin itong napakabigat na pananagutan. Mas nangibabaw ang pagiging mabigat na pananagutan ng misyon at tungkuling ito kaysa ang pagiging karangalan nito. Dahil dito, hindi na karaniwan ang bawat sandali ng buhay ng Mahal na Birheng Maria sa lupa.

Nakatuon ang propesiya ni Simeon sa katotohanan tungkol sa misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Dahil sa kaniyang misyon at tungkulin, ang Mahal na Birheng Maria ay haharap at magtitiis ng maraming hirap at sakit. Ang pagtupad sa kaniyang misyon at tungkulin ay lalong magiging mahirap para sa kaniya dahil dito. Sa halip na tuwa at ginhawa, hirap, sakit, at hapis ang pupuno sa kaniyang Kalinis-Linisang Puso. Ito ang katotohanan tungkol sa kaniyang misyon. 

Maaari sanang umatras ang Mahal na Birheng Maria. Kung ninais lamang niya, agad na niyang susuwayin ang kalooban ng Diyos. Isusuko na lamang niya ang misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos upang makaligtas mula sa mga hirap, sakit, at pagdurusang kaakibat ng misyon at tungkuling ito. Subalit, sa kabila ng lahat ng mga sakit, hirap, at pagdurusang kaakibat ng nasabing misyon at tungkulin, ipinasiya pa rin niyang dakilain ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang kalooban. 

Dahil sa kaniyang hangaring handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila, hindi umatras ang Mahal na Birheng Maria mula sa misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos. Bagkus, ang kalooban ng Diyos ay buong kababaang-loob niyang tinupad at sinunod. Kahit na mapupuspos ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa ang kaniyang Kalinis-linisang Puso, pinili pa rin ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos. 

Sabado, Pebrero 28, 2026

NANAIG ANG PAG-IBIG, KAGANDAHANG-LOOB, HABAG, AT AWA NG PINAKADAKILA SA LAHAT

27 Marso 2026 
Biyernes ng Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda - Viernes de Dolores 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42

Larawan: Lucas Cranach the Elder (1472-1553), Christ Taking Leave of His Mother (c. 1520). Kunsthistorisches Museum. Public Domain. 

Ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundo bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangako nang sumapit ang panahong itinakda upang idulot ang dakilang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Nahayag sa pamamagitan ng biyaya ng kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Subalit, nakakalungkot, hindi Siya nakatanggap ng taos-pusong pagdakila mula sa mga tao noong una Siyang dumating sa mundo. 

Buong linaw na inilarawan sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo kung ano ang mga tinanggap ng Poong Jesus Nazareno noong una Siyang dumating sa mundo. Sa halip na taos-pusong pagdakila, ang mga tinanggap ng Poong Jesus Nazareno ay walang awang pagtatakwil at walang tigil na banta laban sa Kaniyang buhay. Katunayan, sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo, harap-harapang ipinahayag ng mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniya ang kanilang balak na patayin Siya, kahit na walang masamang ginawa ang Poong Jesus Nazareno. Pawang kabutihan ang Kaniyang mga ginawa. Iyon nga lamang, nais pa rin nila Siyang patayin. Ang natatanging dahilan ay walang iba kundi ang Kaniyang pagkakilanlan bilang tunay na Diyos. 

Nakasentro sa mga naranasan ni Propeta Jeremias bilang propetang hirang ng Diyos ang mga salita sa Unang Pagbasa. Sa halip na tanggapin siya ng bayang hinirang at itinalaga ng Diyos upang maging Kaniya, nakatanggap si Propeta Jeremias ng walang tigil na pagtatakwil at pag-uusig mula sa kanila. Kahit na nagmula sa Diyos ang mga salitang ibinibigkas niya sa kanila, si Propeta Jeremias ay kanilang itinakwil at inusig dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at isipan. Pati rin sa Salmong Tugunan, ang walang awang pagtakwil at pag-uusig sa mga lingkod ng Diyos ay isinalungguhit.

Kahit na nababatid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na walang tigil na pagtatakwil at pag-uusig hanggang kamatayan ang tatanggapin Niya mula sa Kaniyang bayan sa una Niyang pagparito sa mundong ito, itinuloy pa rin Niya ang pagtupad sa misyon at tungkuling ibinigay sa Kaniya ng Ama. Nanaig ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila. Hindi man tumigil ang Kaniyang bayan sa pagtatakwil at pag-uusig sa Kaniya, ililigtas pa rin Niya sila. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na dumating sa daigdig upang ipagkaloob ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal. Bilang tugon sa Kaniyang taos-pusong pasiyang ipamalas sa ating lahat ang Kaniyang dakilang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, dakilain natin Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Kaisa natin sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Poong Jesus Nazareno na puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila ang Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Hapis. 

Biyernes, Pebrero 27, 2026

DAKILAIN ANG DIYOS NANG TAOS-PUSO

25 Marso 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 

Larawan: Giovanni Lanfranco (1582–1647), Annunciation (c. 1624). Chiesa di San Carlo ai Catinari, Roma. Public Domain. 

Ang salaysay ng kaganapang ginugunita at ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong ringal sa araw na ito ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang taos-pusong pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Diyos, buong kababaang-loob na dinakila ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos. Pinatunayan ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan nito ang kaniyang taos-pusong pananalig sa Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitiw ng isang kahanga-hangang pangako. Ang pinakadakilang biyayang Kaniyang ipagkakaloob ay darating sa daigdig sa panahong Kaniyang itinakda. Magmumula sa sinapupunan ng isang dalaga ang pinakadakilang biyayang ipagkakaloob ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Noong sumapit ang panahong itinakda, tinupad ng Diyos ang nasabing pangako sa pamamagitan ng isang sanggol na lalaki na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno at ang dalagang naglihi at nagsilang sa nasabing Sanggol na Banal na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Sa tapat at taos-pusong pagtanggap at pagtalima ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa kalooban ng Ama nang may kababaang-loob at pananalig nakasentro ang pangaral sa Ikalawang Pagbasa habang ang salaysay ng kaganapang ginugunita at ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong ringal sa araw na ito na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ay nakasentro naman sa tapat at taos-pusong pagtanggap at pagtalima ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa misyon at tungkuling bigay sa kaniya ng Diyos. Ang tinutukoy ng Diyos sa propesiyang inilahad nang buong linaw ni Propeta Isaias sa bayang Israel sa Unang Pagbasa ay walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno at ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Inilahad sa Salmong Tugunan ang mga salitang isinabuhay ng Poong Jesus Nazareno noong dumating Siya sa daigdig. Tinanggap at tinupad ng Poong Jesus Nazareno ang kalooban ng Amang nasa langit nang may taos-pusong kababaang-loob, pananalig, at katapatan hanggang sa huli. Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan ay inihayag rin ng Mahal na Birheng Maria sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa, lalung-lalo na noong tinanggap niya ang misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos ng mga Hukbo na ipinarating sa kaniya ng Arkanghel San Gabriel. 

Tinuturuan tayo ng Mahal na Birheng Maria kung paanong maging bukal sa puso ang debosyon sa kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging sumusunod sa kalooban ng Diyos. Lagi nilang isinasabuhay ang nasabing pasiya sa bawat araw sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, iniaalay nila sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tapat at dalisay na pagdakila sa Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan. 

Miyerkules, Pebrero 25, 2026

BAGONG BUHAY NA KALOOB NG ATING DINARAKILA NANG TAOS-PUSO

22 Marso 2026 
Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45) 


Ang salaysay ng pasilip sa kahanga-hangang kadakilaan ng Poong Jesus Nazareno ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Muling binuhay ng Poong Jesus Nazareno si San Lazaro na taga-Betania. Bagamat apat na araw nang patay ang Kaniyang minamahal na kaibigang si San Lazaro na taga-Betania sa mga sandaling yaon, ipinamalas nang buong linaw ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng himalang ito na kahanga-hangang tunay ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos. Sa kabila ng katotohanang apat na araw nang patay si San Lazaro na Kaniyang kaibigan, walang magawa ang kamatayan upang si San Lazaro ay panatilihing patay. Binuhay si San Lazaro na taga-Betania ng Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ang Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng isang pasilip sa Kaniyang kadakilaan. 

Ipinakilala ng Diyos ang Kaniyang sarili bilang bukal ng buhay sa Unang Pagbasa. Sa biyaya ng bagong buhay na kaloob ng Diyos sa atin nakatuon ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang biyaya ng bagong buhay na kaloob ng Diyos sa atin ay bunga ng Kaniyang pag-ibig sa atin, gaya ng inilarawan nang buong linaw ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Dinulutan tayo ng Diyos ng bagong buhay dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila. Ito ay ginawa ng Diyos nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangako na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Huwag nating sayangin ang biyaya ng bagong buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ilaan natin ang bagong buhay na idinulot sa bawat isa sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Ito ang dapat nating gawin bilang tugon sa Kaniyang pasiyang gamitin ang Kaniyang kadakilaan sa pagligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan. 

Martes, Pebrero 24, 2026

PINAGKAITAN NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

20 Marso 2026
Biyernes ng Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay 
Karunungan 2, 1a. 12-22/Salmo 33/Juan 7, 1-2. 10. 25-30 


Nararapat lamang dakilain ang Diyos nang taos-puso. Ito ang aral na buong linaw na isinasalungguhit sa mga Pagbasa. Matapos Niyang ipahayag sa atin nang paulit-ulit ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa na hindi mabilang ninuman dahil sa dami ng mga ito, taos-pusong pagdakila ang nararapat na ihandog sa Kaniya bilang tugon sa Kaniya. 

Ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay ang pagtubos Niya sa atin sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nakakalungkot, nang ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa lupa, hindi Siya nakatanggap ng taos-pusong pagdakila mula sa Kaniyang bayang hinirang. Inilarawan sa Ebanghelyo kung ano ang tinanggap Niya mula sa kanila nang sumapit ang panahong itinakda para sa Kaniyang pagdating sa lupa bilang Mesiyas at Manunubos. Sa halip na taos-pusong pagdakila, ang kanilang bigay sa Kaniya bilang tugon ay mga banta laban sa Kaniyang buhay. Gaya ng buong linaw na inilarawan sa Unang Pagbasa, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay binalak na patayin ng mga kaaway Niya. Binalak nila Siyang ipapapatay. 

Hindi dapat pagkaitan ng taos-pusong pagdakila ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, dapat natin Siyang dakilain nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Ilaan natin ang bawat sandali ng ating buhay sa daigdig na ito sa paghandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, ihandog natin sa Kaniya ang nararapat. Ito ang magpapatunay na tunay ngang taos-puso ang ating debsyon sa Kaniya na unang umibig sa atin. 

Lunes, Pebrero 23, 2026

DINARAKILA SIYA NANG BUONG KATAPATAN

19 Marso 2026 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen  
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


Nakasentro sa tahimik na katapatan ni San Jose sa kalooban ng Diyos hanggang sa huli ang maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang kaniyang taos-pusong katapatan sa Diyos ay tahimik niyang inihayag sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa. Dinakila niya ang Diyos nang taos-puso sa pamamagitan nito.  

Sa Ebanghelyo, tinanggap ni San Jose ang misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos sa kaniya na ibinalita sa kaniya ng isang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kaniya sa isang panaginip. Ito rin ang isinalungguhit sa alternatibong Ebanghelyo. Kahit na ang misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng Panginoong Jesus Nazareno, tahimik pa rin niyang tinupad ito bilang pagpapahayag ng kaniyang taos-pusong pagdakila sa Diyos. 

Ipinahayag ng Panginoong Diyos kay Propeta Natan sa Unang Pagbasa ang Kaniyang pangako kay Haring David. Nakasentro sa pasiya ng ama ng pananampalataya na si Abraham na manalig sa Panginoong Diyos nang taos-puso hanggang sa huli, kahit na napakahirap itong gawin, ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Hindi kinalimutan ng Panginoong Diyos ang mga pangakong Kaniyang binitiwan sa mga dakila Niyang lingkod sa Lumang Tipan gaya nina Abraham at Haring David. Ang katotohanang ito ay batid ni San Jose. Kaya naman, nang hinirang at italaga ng Diyos si San Jose, agad niyang tinanggap at tinupad ang pananagutang iniatang sa kaniya bilang patunay ng kaniyang pasiyang dakilain ang Diyos nang taos-puso. 

Taos-pusong pagdakila ang inialay ni San Jose sa Diyos sa bawat sandali ng kaniyang pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Ipinahayag ito ni San Jose sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa. Tahimik niyang tinupad at sinunod ang kalooban ng Diyos. 

Linggo, Pebrero 22, 2026

SA PAMAMAGITAN NG GALAK NA KANIYANG DULOT, NAHAYAG ANG HABAG AT AWA NG ATING DINARAKILA

15 Marso 2026 
Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38) 


Ang pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito ay nakasentro sa biyaya ng tunay na galak na dulot ng Panginoong Diyos. Hindi Siya napilitang ipagkaloob ito sa bawat isa sa atin. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang gawin. Sa pamamagitan nito, nahayag sa tanan ang kadakilaan ng Kaniyang habag at awa. Dahil sa Kaniyang habag at awa na lagi Niyang ipinapahayag sa pamamagitan ng Kaniyang mga dakilang gawa na hindi mabilang dahil sa dami ng mga ito, mayroon tayong galak. 

Sa Unang Pagbasa, ang bunsong anak ni Jesse na si David ay hinirang at itinalaga ng pinakadakila sa lahat na walang iba kundi ang Diyos na Poon upang humalili kay Saul bilang Hari ng Israel. Ito ang dahilan kung bakit inutusan ng Poong Diyos si Samuel na ang bunsong anak ni Jesse na si David ay pahiran ng langis. Pinatunayan ng Diyos na hindi Niya pababayaan ang Israel na Kaniyang bayan. Nakatuon rin sa pagkalinga ng Diyos sa Kaniyang bayan ang Salmong Tugunan. Ang Diyos ay ipinakilala ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan bilang tunay na Pastol. Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa tunay na liwanag na mula sa langit na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang tunay na liwanag na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ang pumawi sa dilim. Dahil diyan, hindi na tayo naglalakad sa dilim kundi sa ilalim Niya na Siyang tunay na liwanag. Sa Ebanghelyo, isang lalaking ipinanganak na bulag ay pinagkalooban ng pagkakataong makakita dahil sa habag at awa ng Diyos na tunay ngang dakila na inihayag Niya sa tanan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Bunga ng habag at awa ng Diyos na tunay nga namang dakila at kahanga-hanga ang galak sa puso at loobin ng mga taos-pusong dumarakila sa Kaniya. Ang kanilang mga salita at gawa ay patunay nito. Isinasabuhay nila ang kanilang pasiyang dakilain ang Diyos nang taos-puso taglay sa kanilang mga puso at loobin ang galak na Kaniyang kaloob sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa lupa. 

Sabado, Pebrero 21, 2026

PAG-IBIG NA DUMARAKILA SA DIYOS

13 Marso 2026 
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Oseas 14, 2-10/Salmo 80/Marcos 12, 28b-34 


Buong linaw na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pinakamahalagang utos bilang tugon sa tanong sa Kaniya ng isa sa mga eskriba sa Ebanghelyo. Sa utos na ito nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ang Diyos ay dinarakila nang taos-puso ng mga taos-pusong nagmamahal sa Kaniya at sa kapwa-tao. Lagi nila itong pinatutunayan sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. 

Nakasentro sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na tunay ngang dakila ang mga salita sa Unang Pagbasa. Buong linaw Niyang ipinahayag sa Israel na Kaniyang bayan sa pamamagitan ni Propeta Oseas na palagi Siyang handang idulot ang biyaya ng Kaniyang kapatawaran sa kanila. Kahit na paulit-ulit na lamang nilang tinalikuran ang Diyos at magkasala laban sa Kaniya, hindi magsasawa ang Diyos na patawarin sila kapag ipinasiya nilang magbalik-loob sa Kaniya nang taos-puso. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang kailangang gawin ng bawat isa bilang tugon sa pasiya ng Diyos na ipagkaloob at ipadama sa bawat isa sa atin ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay nga namang kahanga-hanga at dakila. Katunayan, ang mga salitang ito ay katulad ng mga salitang binigkas ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Oseas sa Unang Pagbasa. Dapat pakinggan at sundin ang mga utos at loobin ng Diyos nang taos-puso. 

Ang utos ng Poong Jesus Nazareno ay ibigin ang Diyos at ang kapwa-tao nang taos-puso. Bilang Kaniyang mga deboto, ang utos na ito na ibinigay Niya sa atin ay dapat nating sundin nang taos-puso. Dapat nating ipahayag sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang taos-pusong pasiyang ito. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag ng bawat isa sa atin na dinarakila natin nang taos-puso ang Poong Jesus Nazareno. 

Biyernes, Pebrero 20, 2026

TUGON SA PAG-IBIG, KAGANDAHANG-LOOB, HABAG, AT AWA NG ATING DINARAKILA NANG TAOS-PUSO

8 Marso 2026 
Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5,1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39. 40-42) 


Nakatuon ang mga Pagbasa sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos ang mga Pagbasa. Kusang-loob na ipinagkakaloob ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Hindi sapilitan ang Kaniyang pasiyang ipagkaloob sa atin ang mga ito. Tayong lahat ay pinahahalagahan ng Diyos, kahit na tayo ay mga makasalanan. Lagi Siyang handang ipagkaloob ang mga ito sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, pinagkalooban ng Diyos ang mga Israelita ng tubig sa ilang. Ang tubig ay bumukal mula sa malaking bato sa Horeb matapos ito ay ihampas ni Moises gamit ang kaniyang tungkod, ayon sa iniutos ng Diyos. Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa kusang-loob na pagdating ng Poong Jesus Nazareno sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Nahayag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ang kadakilaan ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa tanan sa pamamagitan Niya. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay sa babaeng Samaritana. Isinalungguhit Niya ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa pamamagitan nito. Tinutugunan Niya ang pangangailangan ng lahat. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang dapat maging tugon ng bawat isa sa atin sa kusang-loob na pagkakaloob sa atin ng Diyos ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa atin. Dapat nating pakinggan at sundin ang mga utos at loobin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging nakikinig at sumusunod sa Kaniyang kalooban. Taos-pusong pagdakila ang alay nila sa Kaniya sa pamamagitan nito. Hindi nila ipinagkakait sa Kaniya ang kanilang mga puso at loobin. 

Huwebes, Pebrero 19, 2026

ANG KANIYANG MISYON AY NAGHAYAG NG KANIYANG KADAKILAAN

6 Marso 2026 
Biyernes ng Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Genesis 37, 3-4. 12.13. 17b-28/Salmo 104/Mateo 21, 33-43. 45-46 


Nang si Jose ay makita ng kaniyang mga kapatid sa salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, ang mga salitang ito ay binigkas nila nang malakas: "Ayan na ang mapanaginipin! Patayin natin at ihulog sa balon, at sabihing sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kaniyang mga panaginip" (Genesis 37, 19-20). Halos ganito rin ang mga salitang binigkas ng mga kasama sa ubasan sa isa't isa nang kanilang makita ang anak ng may-ari nito sa talinghagang isinaysay ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo: "Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kaniyang mamanahin" (Mateo 21, 38). Isinasalamin nang buong linaw sa mga salitang binigkas ng mga kapatid ni Jose nang makita nila siyang tumutungo sa kanila sa Unang Pagbasa at maging sa mga salitang binigkas ng mga kasama sa ubasan sa talinghaga ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang masasamang balak sa kanilang mga puso at loobin. Kahit mabuti ang hangad ng mga lumalapit sa kanila, kasamaan at kalupitan ang kanilang isinukli. 

Ang talinghagang isinalaysay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay tungkol sa Kaniya. Buong linaw na inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Isinugo Siya ng Amang nasa langit dahil nais Niya tayong iligtas. Subalit, gaya ni Jose sa Unang Pagbasa, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang awang itinakwil. 

Inihayag sa Salmong Tugunan na tunay ngang kahanga-hanga at dakila ang lahat ng mga gawa ng Diyos. Ang pinakadakila sa lahat ay ang Kaniyang pagtubos sa tanan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kahit na nagbata ng maraming hirap, sakit, pagdurusa, kalupitan, at pagtatakwil hanggang sa sandaling ng Kaniyang kamatayan sa Krus ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang kadakilaan ng Diyos ay nahayag pa rin sa pamamagitan nito. 

Bilang tugon sa kusang-loob na pagligtas ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat natin Siyang dakilain nang taos-puso. Pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay. Tahakin ang landas ng kabanalan sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa. Sa pamamagitan nito, taos-pusong pagdakila ang ating inihahandog sa Kaniya.