Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria
Ikaapat na Hapis: Sa Daan patungong Kalbaryo
Larawan: Encontre del Natzaré amb la mare de Déu (detall), Francesc Ribalta. Taken by Joanbanjo. Creative Commons Attribution-Share Alike 4.0 International (CC BY-SA 4.0).
Kung ang mga unang tatlong hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naganap sa iba't ibang bahagi ng kabataan ng Poong Jesus Nazareno, ang mga huling apat na hapis ay naganap sa isang araw lamang. Noong sumapit ang unang Biyernes Santo, apat na ulit na napuspos ng hapis ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Dahil dito, para sa kaniya, ang pinakamasakit na araw ay ang unang Biyernes Santo.
Ang pagtatagpo ng Mahal na Birheng Maria at ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nagpapasan ng Krus patungong Kalbaryo ay ang unang sandaling nagdulot ng sakit, lungkot, at hapis sa Kalinis-Linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria noong araw na yaon. Walang salitang sasapat upang ilarawan ang tindi ang sakit at hapis na tiniis ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon. Lubusan siyang nasaktan nang ang kaniyang minamahal na Anak ay kaniyang nakitang nagpapasan ng Krus. Ito ang mga huling sandali ng buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, labis ang sakit at hapis na pumuspos sa kaniyang Kalinis-linisang Puso sa mga sandaling iyon.
Bagamat napuspos ng matinding hapis at sakit ang kaniyang Kalinis-linisang Puso sa mga sandaling yaon, hindi pa rin tumigil sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon. Ipinasiya pa rin niyang dakilain ang Diyos nang taos-puso sa kabila ng matinding hapis at sakit. Katunayan, ito ang natatanging dahilan kung bakit hindi niya pinahinto ang mga kaganapang ito. Tiniis niya ang matinding hapis at sakit dahil alam niyang mahahayag ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Jesus Nazareno.
Gaano man katindi ang hapis at sakit, ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ito ang aral ng Ikaapat na Hapis. Sa hirap at ginhawa, nararapat lamang na dakilain ang Diyos nang taos-puso.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento