Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria
Ikatlong Hapis: Ang Paghahanap sa Batang Jesus Nazareno sa Templo (Lucas 2, 41-51)
Larawan: Matthys Voet (fl. 1617–1618), Finding in the Temple (c. Between 1615 and 1620). St. Paul's Church, Antwerp, Belgium. Public Domain.
Tatlong araw na nawala ang Batang Poong Jesus Nazareno sa paningin ng Mahal na Birheng Maria. Sa loob ng tatlong araw na ito, napuno ng hapis at sakit ang puso ng Mahal na Birheng Maria. Labis niyang ikinahapis at ikinalungkot ang tatlong araw na pagkawala ng Batang Poong Jesus Nazareno na kaniyang minamahal na Anak. Wala siyang ibang ninais sa loob ng tatlong araw na ito na inilaan para sa paghahanap sa kaniyang minamahal na Anak kundi ang matagpuan Siyang ligtas.
Noong ang Batang Poong Jesus Nazareno ay natagpuan ng Mahal na Birheng Maria at ng kaniyang kabiyak ng pusong si San Jose sa piling ng mga guro sa Templo, isang tanong ang binigkas ng Mahal na Birheng Maria sa Anak niyang minamahal: "Anak, bakit naman ganyan ang ginawa Mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng Iyong ama sa paghahanap sa Iyo" (Lucas 2, 48). Sa pamamagitan ng tanong na ito, inilarawan ng Mahal na Birheng Maria ang matinding hapis, lumbay, at sakit na kaniyang tiniis sa loob ng tatlong araw na iyon. Dahil sa pagkawala ng Batang Poong Jesus Nazareno, hapis, lumbay, at sakit ang pumuspos sa puso ng Mahal na Birheng Maria.
Bunga ng kaniyang hangaring dakilain ang Diyos nang taos-puso ang hapis, lumbay, at sakit na tiniis ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng tatlong araw na ito. Walang ibang nais ang Mahal na Birheng Maria kundi dakilain ang Diyos nang taos-puso sa pamamagitan ng pagtupad at pagsunod sa Kaniyang loobin. Ang tanging hangad ng Mahal na Birheng Maria na hinirang at itinalaga ng Diyos para sa isang hindi pang-karaniwang misyon at tungkulin ay ang higit na ikadarakila ng Diyos. Kaya naman, laging sinisikap ng Mahal na Birheng Maria na pagbutihin ang pagtupad sa misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos. Nais niyang dakilain ang Diyos.
Katulad ng Mahal na Birheng Maria, lagi nawa nating pagsikapang dakilain ang Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Sa kabila ng mga hirap, sakit, pagsubok, hapis, at pagdurusa sa buhay, lagi nawa nating piliing dakilain ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang magiging patunay na bukal sa ating mga puso at loobin ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento