Sabado, Marso 28, 2026

GALAK AT GITING NA DULOT NG ATING DINARAKILA

6 Abril 2026 
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15


Ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ay nagpatotoo sa mga tao tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno taglay sa kaniyang puso at loobin ang kagitingang idinulot sa kaniya ng Espiritu Santo noong sumapit ang araw ng Pentekostes sa salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Wala siyang kinatatakutan sa mga sandaling yaon. Bagkus, nagpatotoo siya nang buong giting sa harap ng maraming tao tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ay dahil ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagpakita rin sa mga apostol, gaya ng Kaniyang ginawa para sa mga babaeng dumalaw sa libingan sa Ebanghelyo. 

Itinuturo ng Inang Simbahan sa bawat isa sa atin sa araw na ito na hindi tayo dapat matakot sumaksi sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagkus, ang bawat isa sa atin ay dapat sumaksi sa Kaniya nang buong giting sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang mga sumasaksi sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salita at gawa nang buong giting sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa daigdig ay dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Sa pamamagitan ng palagiang pagdakila sa Kaniya nang taos-puso, buong linaw nilang ipinapahayag ang kanilang katapatan sa Kaniya. 

Bilang mga magigiting na saksi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, dapat isabuhay ng bawat isa sa atin ang mga salita sa Salmong Tugunan. Taglay sa puso at loobin ng bawat isa sa atin ang kagitingan at galak na Kaniyang kaloob, dapat nating dakilain ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kaniya nang buong katapatan. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, ito ay ating magagawa. Lagi Niya tayong tatangkilikin, iingatan, at papatnubayan, gaya ng nakasaad sa Salmong Tugunan. Kaya naman, wala tayong dapat ikatakot.

Hindi tayo dapat matakot sumaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dapat tayong sumaksi sa Kaniya nang buong galak at kagitingan bilang tanda ng ating katapatan sa Kaniya. Ipakilala at ipagmalaki natin Siya at ibahagi ang mga biyayang kaloob Niya sa kapwa. Magagawa natin ito araw-araw sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ating dinarakila nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento