Huwebes, Marso 26, 2026

WALANG HANGGAN ANG KANIYANG KADAKILAAN

4 Abril 2026 
Sabado de Gloria: 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10 

Hindi nanatili sa loob ng libingan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Bagkus, nang ang ikatlong araw ay sumapit, muli Siyang nabuhay. Ito ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay buong galak na nagbubunyi at nagdiriwang. Puspos tayo ng galak at tuwa dahil nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Ang Kaniyang kadakilaan bilang tunay na Diyos ay nahayag sa pamamagitan nito. 

Gaya ng buong linaw na winika ng anghel na nakaupo sa ibabaw ng batong nakatakip sa banal na libingan sa dalawang Mariang tumungo roon, ang Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno ay ang katuparan ng mga salitang binigkas Niya nang buong linaw tungkol sa Kaniyang sarili (Mateo 28, 6). Pinatunayan Niya sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw ang mga salitang Kaniyang binigkas tungkol sa Kaniya. Hindi Siya nagsinungaling tungkol sa Kaniyang sarili kahit kailan. Bagkus, ang mga sinabi Niya tungkol sa Kaniyang sarili ay totoo. 

Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, nahayag ang walang maliw at kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Hindi magmamaliw ang kadakilaan ng Diyos. Mananatili ang kadakilaan ng Diyos magpakailanman. Ito ay pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, buong galak at tuwa nating ipagbunyi at ipagdiwang ang dakilang tagumpay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nahayag sa pamamagitan ng dakilang tagumpay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang walang hanggan at kahanga-hangang kadakilaan. Buong linaw Niya itong inihayag sa buong santinakpan sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong tunay na galak at tuwa. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY! ALELUYA!

Larawan: Guido Reni (1575–1642), Le Christ réssuscité. Museum of Fine Arts of Nancy. CC BY-SA 3.0.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento