3 Abril 2026
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42
Hindi karaniwan ang mga naganap noong sumapit ang unang Biyernes Santo. Buong linaw na isinalungguhit ng mahabang salaysay ng mga kaganapang ito na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang katotohanang ito. Katunayan, kung ating papansining mabuti at maigi, ang haba ng salaysay ng mga nasabing kaganapan na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ay dalawang buong kabanata. Ang katangiang ito ng nasabing salaysay ay isang malinaw na pahiwatig nito. Mayroong naganap na hindi karaniwan noong sumapit ang unang Biyernes Santo.
Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ipinakilala sa propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa bilang isang lingkod na magbabata ng maraming hirap at pagdurusa. Inilarawan sa mahabang salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo kung paano natupad ang propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Nang sumapit ang unang Biyernes Santo, namatay sa Krus na Banal ang Kordero ng Diyos na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Sa paghahandog ng buong sarili ng Nazarenong si Kristo Hesus sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo nakasentro ang pangaral sa Ikalawang Pagbasa.
Bagamat alam ng Poong Jesus Nazareno na kailangan Niyang magbata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa, gaya ng nasasaad sa propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, ipinasiya pa rin Niyang tanggapin at tuparin ang Kaniyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi naman Niya kailangang maging Mesiyas at Manunubos. Kung tutuusin, hindi naman mahalaga sa Kaniya ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. Mga abo lamang sila. Walang mawawala sa Kaniya kung mapahamak silang lahat dahil lugmok sila sa kasalanan. Subalit, kahit na lugmok sa kasalanan ang sangkatauhan magmula sa sandaling sinuway nina Adan at Eba ang utos na ibinigay ng Diyos sa kanila sa Halamanan ng Eden, ipinasiya pa rin ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na ipahayag sa lahat ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagligtas sa sangkatauhan.
Sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay sa mundo habang nakabayubay sa Krus sa bundok ng Kalbaryo, ang mga salita sa Salmong Tugunan ay binigkas ng Poong Jesus Nazareno (Salmo 30, 6; Lucas 23, 46). Matapos Niyang ialay ang buo Niyang sarili sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo bilang Kordero ng Diyos, binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga salitang ito. Nakiusap Siya sa Amang nasa langit na tanggapin at kalugdan ang Kaniyang ginawa bilang Kordero ng Diyos.
Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpasiya maging Mesiyas at Manunubos na ipinangako - ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Dahil tunay nga Niya tayong iniibig, ipinasiya Niyang maging ating Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ipinasiya Niyang ialay sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo ang buo Niyang sarili. Hindi napilitan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kusang-loob Niya itong ginawa.
Para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang sangkatauhan ay napakahalaga. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang maging Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Sa kabila ng pagkalugmok ng sangkatauhan sa kasalanan, iniibig at pinahahalagahan pa rin Niya sila. Kaya naman, bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, inalay Niya sa Krus na Banal ang Kaniyang buong sarili. Ang Mesiyas at Manunubos ay kilala rin sa tawag na Kordero ng Diyos dahil sa Kaniyang ginawa alang-alang sa atin. Nahayag sa buong santinakpan sa pamamagitan nito ang dakilang pag-ibig ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento