2 Abril 2026
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15
Larawan: Frans Walschartz, The Last Supper (c. Between 1626 and 1650). Sint-Genovevakerk via BALaT. Public Domain.
"Mahal [ni Kristo Hesus] ang Kaniyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo'y ipakikita Niya kung hanggang saan ang Kaniyang pag-ibig sa kanila" (Juan 13, 1). Ang liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan sa takipsilim ng Huwebes Santo ay nakatuon sa mga salitang ito mula sa pambungad ng salaysay ng paghugas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga paa ng mga apostol na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo para sa nasabing liturhiya. Sa kabila ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpasiya pa ring bumaba sa daigdig upang iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal. Nahayag nang buong linaw sa pamamagitan nito ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.
Sinisimulan ng Simbahan sa pamamagitan ng Misa sa Takipsilim ng Huwebes Santo ang Banal na Tatlong Araw o Banal na Triduo na inilaan ng Inang Simbahan para sa maringal na pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Ito ang rurok ng ating pananampalataya. Ang biyaya ng pagligtas ng Diyos ay ipinagkaloob Niya sa ating lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Niloob ng Diyos na mangyari ito dahil tunay Niya tayong inibig.
Kung paanong ipinasiya ng Diyos na tubusin ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa bansang Ehipto, gaya ng nasasaad nang buong linaw sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Paskuwa na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, gayon din naman, hindi Niya pinabayaang mapahamak nang tuluyan ang sangkatauhan. Bagkus, ipinasiya Niyang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang tanging dahilan kung bakit dumating ang Poong Jesus Nazareno sa daigdig nang sumapit ang takdang panahon. Patuloy Siyang dumarating sa ating piling sa anyo ng tinapay at alak sa bawat pagkakataong ipagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, gaya ng buong linaw na isinalungguhit sa pangaral sa Ikalawang Pagbasa.
Itinampok at inilahad sa Banal na Ebanghelyo ang salaysay ng paghugas sa mga paa ng mga apostol. Sa pamamagitan nito, inilarawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kung ano ang dapat gawin. Gaya ng Kaniyang winika sa huling bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo: "Kung Akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa" (Juan 13, 14). Hinugasan Niya ang mga paa ng mga apostol upang ilarawan ang pasiya Niyang ihandog ang buo Niyang sarili. Kung hindi ipinagkait ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang buong sarili para sa atin, gayon din naman, hindi natin dapat ipagkait ang ating mga sarili sa kapwa. Taos-pusong pagdakila ang inihahandog natin sa Nuestro Padre Jesus Nazareno kung ang bawat isa sa atin ay maghahandog ng buong sarili sa kapwa.
Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ihandog ang Kaniyang buong sarili alang-alang sa atin. Hindi Siya napilitang gawin ito. Kusang-loob Niyang ginawa ito. Iniligtas Niya tayong lahat dahil sa Kaniyang pasiyang ito. Bilang tugon, dapat natin Siyang dakilain nang taos-puso sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng taos-pusong paghahandog ng buong sarili sa kapwa, gaya ng Kaniyang ginawa para sa atin.
Larawan: Palma il Giovane (1550–1628), Washing of the Feet (c. Between 1591 and 1592). San Giovanni in Bragora via Web Gallery of Art. Public Domain.
.jpg)
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento