Linggo, Marso 15, 2026

"VIVA POONG JESUS NAZARENO!"

29 Marso 2026 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (A) 
Mateo 21, 1-11 (Prusisyon at Pagbabasbas sa mga Palaspas) 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54) 


Noong pumasok sa Herusalem ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno, sinalubong Siya ng mga taong nagwawagayway ng mga palaspas habang buong tuwa nilang isinigaw: "Osana sa Anak ni David!" (Mateo 21, 9). Dinakila Siya ng mga tao, gaya ng inilarawan nang buong linaw sa salaysay ng Kaniyang maringal na pagpasok sa Herusalem na itinampok at inilahad sa unang Ebanghelyo na inihayag sa unang bahagi ng pagdiriwang ng Banal na Misa para sa Linggo ng Palaspas na kung saan ang mga palaspas ay binabasbasan. 

Ang mga taong sumalubong sa Mahal na Poong Jesus Nazareno noong pumasok Siya sa Herusalem na nakasakay sa isang asno na dumakila sa Kaniya sa pamamagitan ng kanilang pagwawagayway ng mga palaspas habang sumisigaw ng papuri ay maaring ihalintulad sa mga nagdedebosyon, namimintuho, at namamanata sa Kaniya nang buong kataimtiman sa kasalukuyang panahon, lalung-lalo na yaong mga masisidhing tumutungo sa Simbahan ng Quiapo linggo-linggo. Noong pumasok sa Herusalem ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno, isinigaw nila nang may ligaya sa kanilang mga puso: "Osana sa Anak ni David!" Sa kasalukuyang panahon, sa pagsapit ng ikasiyam na araw ng Enero taun-taon, buong tuwang isinisigaw ng mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno: "Viva Poong Jesus Nazareno! Viva!" 

Gaya ng mga taong sumalubong sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno noong araw na pumasok Siya sa Herusalem nang buong ringal, dinarakila ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, sa loob ng ilang araw, nag-iba ang mga sigaw ng mga tao nang makita ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga sigaw ng papuri at pasasalamat ay hindi nagtagal. Nang iharap Siya ni Poncio Pilato sa mga tao sa napakahabang salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa ikalawang Ebanghelyo sa Banal na Misa para sa Linggo ng Palaspas, buong lakas nilang isinigaw: "Ipako sa Krus!" (Mateo 27, 22-23). Buong lakas nga rin nilang hiniling na palayain si Barrabas (Mateo 27, 21). 

Bagamat batid ng Poong Jesus Nazareno na kailangang mangyari ang mga ito, gaya ng buong linaw na ipinahayag sa propesiya sa Unang Pagbasa, nadurog pa rin nang lubusan ang Kaniyang Kabanal-Banalang Puso. Kahit na tinupad pa rin Niya ito bilang tanda ng Kaniyang taos-pusong pagtalima sa plano ng Amang nasa langit nang may kababaang-loob, gaya ng buong linaw na inilarawan sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, hindi ito nangangahulugang hindi Siya lubusang nasaktan. Ito ang ipinahiwatig Niya noong ihayag Niya nang buong lakas mula sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya ang mga salita sa awiting itinampok at inilahad sa Salmo: "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" (Mateo 27, 46; Salmo 21, 2).

Pinakikiusapan tayo ng Inang Simbahan sa araw na ito. Hindi dapat manatili lamang sa loob ng Simbahan, lalung-lalo na ng Simbahan ng Quiapo, ang mga salitang buong ligaya nating sinisigaw bilang tanda ng ating pagpupugay, pagpupuri, at pasasalamat na walang iba kundi ang "Viva Poong Jesus Nazareno!" Bagkus, dapat isabuhay ang mga salitang ito. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating tunay at taos-puso ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno.

Hindi dapat manatiling sigaw ang mga salitang "Viva Poong Jesus Nazareno!" Dapat isabuhay ang mga salitang ito. Sa pamamagitan nito, dinarakila natin Siya nang taos-puso. Ito ang dapat nating gawin bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento