Sabado, Marso 21, 2026

HUWAG IPAGKAIT SA KANIYA ANG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

1 Abril 2026 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 

Huwag magtitiwala nang basta-basta sa mga hindi kakilala. Ito ang madalas na ituro sa mga bata. Tiyak na naalala ng marami ang nasabing bilin. Katunayan, isa rin itong paalala para sa mga taong may sapat na gulang na. Sila rin ay pinaalalahanang mag-ingat, lalung-lalo na't maraming mapagsamantala sa kasalukuyang panahon. Maging ang mga may sapat na gulang ay kailangang paalalahanang maging maingat. Walang ligtas mula sa mga manloloko at mapagsamantala, lalung-lalo na sa kasalukuyan. 

Tuwing sasapit ang Miyerkules Santo taun-taon, buong kataimtimang pinagninilayan ng Inang Simbahan ang kaganapang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo para sa nasabing araw. Nakipagsabwatan sa Sanedrin si Hudas Iskariote. Kahit na si Hudas Iskariote ay isa sa Labindalawa, ipinasiya pa rin niyang makipagkasabwatan sa mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno. Si Hudas Iskariote ay pumayag na talikdan at ipagkanulo ang Poong Jesus Nazareno sa halaga ng 30 piraso ng pilak. Binaon niya sa limot ang tatlong taong nakasama niya ang Poong Jesus Nazareno bilang isa sa mga alagad at kaibigang Kaniyang inibig nang lubusan upang tulungan ang Kaniyang mga kaaway na dakpin Siya. 

Batid ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na matutupad sa pamamagitan nito ang mga nasasaad tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa Lumang Tipan, gaya na lamang ng mga salita sa propesiyang inilahad sa Unang Pagbasa. Pati na rin ang mga salita sa Salmong Tugunan ay nakatuon rin sa sasapitin ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Subalit, kahit na alam Niyang kailangang mangyari ang mga ito nang sa gayon ay matupad ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas na ipinangako sa Lumang Tipan, hindi ito nangangahulugang hindi Siya nasaktan sa ginawa ni Hudas Iskariote. 

Pinahalagahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tatlong taong nakasama Niya si Hudas Iskariote. Iyon nga lamang, hindi pinahalagahan ni Hudas Iskariote ang mga taong nakasama niya ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, nasaktan nang lubos ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi pa man naganap sa mga sandaling yaon ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote sa Kaniya sa Halamanan ng Hetsemani, ang Kaniyang Kabanal-Banalang Puso ay puspos na ng matinding sakit. 

Lagi tayong pinahalagahan ng Panginoong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang iligtas tayo sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay. Bilang tugon, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag natin nang buong linaw na taos-puso ang ating pagpapahalaga sa Kaniya na unang nagpahalaga sa atin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento