Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria
Ikaanim na Hapis: Ibinaba mula sa Krus ang Bangkay ni Jesus Nazareno
Matapos malagot ang hininga ng Poong Jesus Nazareno habang nakapako sa Banal na Krus, ibinaba mula sa Banal na Krus ang Kaniyang bangkay upang ilibing. Kahit na tapos na ang pagdurusa ng Poong Jesus Nazareno, nagpatuloy pa rin ang tahimik na pagdurusa ng Mahal na Birheng Maria. Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria ang sandaling ito. Wala nang hininga ang Kaniyang Anak. Ang kaniyang tinanggap at kinakalong sa mga sandaling yaon ang bangkay ng Kaniyang minamahal na Anak na walang awang pinatay ng Kaniyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagpapapako sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo.
Para sa Mahal na Birheng Maria, ang unang Biyernes Santo ay ang pinakamahabang araw sa kaniyang buhay sa daigdig. Maraming naganap noong sumapit ang araw na yaon. Ang mga kaganapan ay sunod-sunod at tila walang tigil. Habang lumilipas ang bawat segundo, minuto, at oras, lalo niyang nararamdaman ang pagtarak at paghiwa ng balaraw sa kaniyang pusong dalisay at busilak. Kung ibang tao lamang ang nasa kalagayan ng Mahal na Birheng Maria, tiyak na mapupuno na sila at buong lakas na silang sisigaw sa langit kung kailan titigil ang pagdurusang ito.
Taos-pusong pagpupuri at pasasalamat sa Diyos ang alay ng Mahal na Birheng Maria sa Kaniya sa mga sandaling yaon, sa kabila ng sakit at hapis na pumuspos sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Batid ng Mahal na Birheng Maria na lubos ring nasaktan ang langit noong namatay ang Poong Jesus Nazareno sa Krus. Subalit, kahit na napakasakit ito para sa Diyos, niloob pa rin Niya itong mangyari upang hindi mapahamak nang tuluyan ang sangkatauhan. Ipinasiya ng Diyos na ihayag sa tanan ang Kaniyang kadakilaan upang iligtas ang sangkatauhan. Nais ng Diyos na malaman ng lahat na ginamit Niya ang Kaniyang kadakilaan upang iligtas ang sangkatauhan.
Ito ang kadakilaan ng Diyos. Ang kadakilaan ng Diyos ay nagkaloob ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Kahit na puspos ng matinding hapis at sakit ang kaniyang Kalinis-linisang Puso, ang Diyos ay pinuri at pinasalamatan pa rin ng Mahal na Birheng Maria nang taos-puso dahil hindi Niya ipinagkait sa buong sangkatauhan ang Kaniyang kadakilaang nagdulot ng kaligtasan.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento