5 Abril 2026
Araw ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9
Larawan: Attributed to Luis de Vargas, Aparición de Cristo resucitado a la Virgen (c. 1560). Museo de Bellas Artes de Sevilla. Public Domain.
Ipinahayag nang buong linaw ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang" (Salmo 117, 24). Ang araw na ito ay isang araw ng pagbubunyi at pagdiriwang. Taglay ang biyaya ng tunay na galak na dulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, dapat tayong magdiwang. Walang laban ang kamatayan sa Kaniya. Hindi kinaya ng kamatayan na panatilihing bangkay ang Panginoong Jesus Nazareno. Tinalo ng Panginoong Jesus Nazareno ang kamatayan. Bumangon Siya nang matagumpay at lumabas mula sa libingan.
Buong giting na nagpatotoo sa bahay ni Cornelio ang unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro tungkol sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa Unang Pagbasa. Nakatuon sa biyaya ng bagong buhay na dulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, nakatuon rin sa nasabing biyaya na tunay ngang dakila ang pangaral ni Apostol San Pablo na sa alternatibong Ikalawang Pagbasa. Ang pagkatuklas sa libingang walang laman ay isinalaysay sa Ebanghelyo. Patunay ito na tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Tapos na ang panahon ng pagluluksa, hapis, at dalamhati. Sumapit na ang panahon upang magbunyi at magdiwang nang buong galak. Nagwagi ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Pinawi Niya ang mga sakit, luha, dalamhati, hapis, at pagtangis. Ang mga sakit, luha, dalmhati, hapis, at pagtangis ay Kanyang pinalitan ng galak at tuwa. Handugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila taglay sa mga puso at loobin natin ang biyaya ng tunay na galak at tuwa. Kasama natin ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya.
MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY! ALELUYA!
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento