31 Marso 2026
Martes Santo
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38
Larawan: Benjamin West (1738–1820), St. Peter Denying Christ (c. 1778). Royal Collection. Public Domain.
Buong linaw na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung ano ang gagawin ng dalawa sa mga apostol sa mga sandali ng Kaniyang pagpapakasakit. Ipagkakanulo Siya ni Hudas Iskariote sa Halamanan ng Hetsemani. Kasunod nito, ang hinirang at itinalaga Niya bilang unang Santo Papa ng Simbahang Kaniyang itinatag na walang iba kundi si Apostol San Pedro ay mapupuno ng takot na magiging dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tatlong ulit niyang ipagkakaila.
Isinalungguhit nang buong linaw ang katotohanan tungkol sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Mahirap maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, lalung-lalo na kung wala namang ibang gumagawa nito. Baka ito ang magiging dahilan kung bakit lalayuan at iiwasan tayo ng marami. Para sa marami, wala na ito sa uso. Sa halip na gawin ito, mas mainam pang huwag isabuhay ang pasiyang maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Kung ano ang uso at ginagawa ng marami sa lipunan, iyon na lamang ang dapat gawin.
Hindi lingid sa Mahal na Poong Jesus Nazareno kung gaano kahirap maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ay dahil ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naging tunay na tao nang sumapit ang panahong itinakda. Bilang tunay na tao, naranasan Niya kung gaano kahirap tuparin at sundin ang kalooban ng Amang nasa langit.
Subalit, sa kabila ng mga hirap, sakit, at pagsubok sa buhay sa daigdig, naisagawa pa rin ng Poong Jesus Nazareno ang misyon at tungkuling ibinigay sa Kaniya ng Amang nasa langit. Ang kahanga-hangang kadakilaang taglay Niya bilang tunay na Diyos ay Kaniyang inihayag sa pamamagitan nito. Ginawa Niya pa rin ito, kahit na napakahirap gawin ito, dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.
Dapat lagi nating isabuhay ang ating pasiyang dakilain ang Diyos nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, ang mga salita sa Salmong Tugunan ay lagi nating isinasabuhay. Gaya ng lingkod na itinampok at ipinakilala sa Unang Pagbasa, ang bawat isa sa atin ay gagamitin ng Diyos bilang Kaniyang mga instrumento sa paghahayag ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa lahat. Ito ang nararapat na tugon sa Diyos na hindi nagdalawang-isip na ipamalas ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan nang ang takdang panahon ay sumapit sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno.
Lagi nating dapat ipagmalaki ang Diyos sa pamamagitan ng palagiang paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan. Ito ang nararapat na gawin dahil ang bawat isa sa atin ay hindi Niya pinagkaitan ng Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento