Sabado, Marso 7, 2026

SA HULI, ANG KADAKILAAN NG DIYOS AY MAGTATAGUMPAY

Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria 
Ikapito at Huling Hapis: Ang Paglilibing sa Poong Jesus Nazareno
(Mateo 27, 57-61; Marcos 15, 42-47; Lucas 23, 50-56; Juan 19, 38-42) 


Ang huling kaganapan ng unang Biyernes Santo ay walang iba kundi ang paglilibing sa Bugtong na Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na namatay bilang handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Matapos ang Kaniyang pagtupad sa Kaniyang misyon at tungkulin bilang Kordero ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang paghahandog ng sarili sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo na kilala rin sa tawag na Golgota, inilibing ang Kaniyang bangkay. 

Puspos ng matinding hapis at sakit ang puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa mga sandaling ito. Katunayan, ang kaniyang puso ay puspos na ng matinding hapis at sakit noon pang umaga ng unang Biyernes Santo. Walang sandaling lumipas na hindi naramdaman ng Mahal na Birheng Maria ang tindi ng hapis at sakit na pumuspos sa kaniyang puso. Tila, habang lumilipas ang bawat segundo, minuto, at oras, ang hapis at sakit na pumuspos sa kaniyang puso ay lalong sumasakit. Lalong nadadagdan ang hapis at sakit na pumuspos sa kaniyang puso. Kahit na ang Poong Jesus Nazareno ay inilibing na, patindi pa rin ng patindi ang hapis at sakit sa kaniyang Puso. 

Kahit puspos ng matinding hapis at sakit, ang Mahal na Birheng Maria ay puno pa rin ng pag-asa. Mahahayag ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos kasunod ng mga hapis at sakit. Ang mga hapis at sakit ay pansamantala lamang dahil papawiin ito ng Diyos sa sandaling ihahayag Niya ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento