Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
Ikalimang Wika (Juan 19, 28):
"Nauuhaw Ako."
Larawan: Wolfgang Krodel (circa 1500 – 1561), Crucifixion (c. 1535). Borys Voznytskyi Lviv National Art Gallery. Public Domain.
Bukod sa pagiging tunay na Diyos, si Jesus Nazareno ay naging tunay na tao rin nang sumapit ang takdang panahon. Sa kabila ng Kaniyang pagiging Diyos, ipinasiya pa rin ni Jesus Nazareno na maging isang tunay na tao alang-alang sa atin. Hindi napilitang maging tunay na tao si Jesus Nazareno. Ang Kaniyang pasiyang gawin ito ay kusang-loob. Niyakap at tinanggap Niya ang mga katangian ng tao, maliban sa kasalanan.
Ang Ikalimang Wika na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal ay nakatuon sa Kaniyang pagiging tunay na tao. Katulad ng bawat isa sa atin, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nakaranas rin ng pagkauhaw. Habang naghihingalo sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya, inihayag Niya nang buong linaw na tunay rin Siyang tao. Bilang tunay na tao, nakaranas rin Siya ng pagkauhaw, gaya ng bawat isa sa atin. Sa kabila ng Kaniyang pagiging tunay na Diyos, ipinasiya pa rin Niyang magpasakop sa mga limitasyon at kahinaan ng tao upang tubusin mula sa kasalanan ang lahat ng tao sa lupa. Naging limitado at mahina Siya, ngunit hinding-hindi Siya nagkasala kailanman.
Inilahad ni San Juan sa kaniyang salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal ng Panginoong Jesus Nazareno ang konteksto sa likod ng Ikalimang Wikang binigkas Niya habang nakabayubay sa Krus. Sabi sa bahagi ng salaysay ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Jesus Nazareno kung saan namutawi mula sa Kaniyang mga labi ang Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus na Banal na alam Niyang "naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi Niya, 'Nauuhaw Ako!'" (Juan 19, 28). Tila isinasalungguhit ng Panginoong Jesus Nazareno nang buong linaw habang nakabayubay sa Krus na hindi nakakalimot sa mga pangakong binitiwan ang Diyos. Natupad sa pamamagitan Niya ang pangakong binitiwan ng Diyos nang paulit-ulit sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan mismo ng Taong ipinako sa Krus na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno.
Matapos bigkasin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Ikalimang Wika, agad na binigyan Siya ng isang esponghang itinubog sa maasim na alak na ikinabit sa isang isopo (Juan 19, 29). Sa pamamagitan nito, natupad ang mga salitang ito tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na isusugo ng Diyos sa Kaniyang bayan: "Sa halip na pagkain, nang Ako'y magutom, ang dulot sa Aki'y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom" (Salmo 69, 21). Kahit na dumating Siya sa daigdig upang ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Lumang Tipan ay tuparin, hindi Siya tumanggap ng taos-pusong pagdakila mula sa mga ililigtas Niya.
Huwag nating limuting hindi naman kinailangan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na pumarito sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Alam Niyang hindi Siya tatanggapin at dadakilain nang taos-puso ng Kaniyang mga ililigtas. Sa halip na taos-pusong pagtanggap at pagdakila, pagtatakwil, galit, at poot ang tinanggap Niya mula sa kanila. Kaya naman, mapapatanong na lamang tayo kung bakit pa rin Niya ito ginawa. Dapat nanatili na lamang Siya sa langit, yaman din lamang pagtatakwil ang Kaniyang tinanggap mula sa kanila. Pinabayaan na lamang Niya mapahamak ang tao dahil sa kanilang pagkalugmok sa kasalanan.
Kahit na alam Niyang hindi Siya tatanggapin at dadakilain nang taos-puso, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na pumarito sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Ito ang Kaniyang dakilang tugon sa lahat ng tao. Tunay nga Niyang iniibig, kinahahabagan, at kinaaawaan ang tanan.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento