Pagninilay sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria
Ikalimang Hapis: Sa Paanan ng Krus (Juan 19, 25-27)
Ang pinakamahabang araw sa buhay ng Mahal na Birheng Maria sa daigdig ay ang unang Biyernes Santo. Bagamat walang ibang nangyari noong unang Biyernes Santo kundi ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Poong Jesus Nazareno sa Krus, para sa Mahal na Birheng Maria, ang unang Biyernes Santo ay tunay ngang napakahaba. Isa lamang ang natatanging dahilan kung bakit - paulit-ulit siyang nagdusa. Nagdusa rin siya sa bawat sandaling nagdusa ang Poong Jesus Nazareno hanggang kamatayan.
Sa bundok ng Kalbaryo, ang Poong Jesus Nazareno ay ipinako sa Krus na Banal. Hindi namatay agad ang Poong Jesus Nazareno nang maipako Siya sa Krus. Bagkus, unti-unti Siyang namatay. Nauubos nang unti-unti ang Kaniyang lakas. Mula sa sandaling dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa sandaling ipinako sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo, pabawas nang pabawas ang Kaniyang lakas. Inilaan sa pag-angat ng sariling Katawan upang makahinga ang natitirang lakas.
Lubos na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria noong kaniyang masaksihan mula sa paanan ng Krus na Banal ang pagkamatay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sakit at hapis na napakatindi ang pumuspos sa kaniyang Kalinis-linisang Puso habang ang bawat segundo, minuto, at oras ay lumipas nang paunti-unti. Naramdaman ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling yaon ang pagtarak at paghiwa ng balaraw.
Bagamat puspos ng sakit at hapis sa mga sandaling yaon, ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay puno pa rin ng taos-pusong pasasalamat at papuri sa Diyos. Ang Diyos ay kaniyang pinuri at pinasalamatan dahil ipinasiya Niyang ipahayag sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Dahil sa Kaniyang awa, habag, pag-ibig, kagandahang-loob, at biyaya, ipinasiya ng Diyos na ipamalas ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan. Isinagawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento