Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
Ikapito at Huling Wika (Lucas 23, 46):
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu."
Nakasentro sa pagiging sagrado ng buhay ang Ikapito at Huling Wika ni Kristo Hesus bago malagutan ng hininga sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya. Isang biyaya mula sa Diyos ang buhay. Ang buhay ay hindi natin pag-aari. Bagkus, ito ay mula sa Diyos. Mga tagapangasiwa lamang tayo ng biyayang ito. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito, ipinasiya ng Diyos na ipahiram sa atin ang nasabing biyaya sa loob ng pansamantalang panahon (kahit na mukha itong mahaba para sa ilan).
Kapag pumanaw ang isang tao, sinasabi nating binawian siya ng buhay. Hindi man ito napapansin ng marami, subalit, ipinapaalala natin sa isa't isa na may pinagmulan ang buhay ng bawat isa sa atin sa pamamagitan nito. Sa wakas ng ating pansamantalang pamamalagi at paglalakbay sa lupa, ang dakilang biyaya ng buhay na kusang-loob na ipinahiram sa atin ng Diyos ay isasauli natin sa Kaniya. Ang mga bagay na ipinahiram ay dapat isauli sa huli.
Dahil ipinahiram sa atin ng Diyos ang biyaya ng buhay, dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang pamamalagi at paglalakbay sa lupa sa pag-aalay ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Nararapat lamang itong gawin bilang tugon sa Kaniyang pasiyang ipamalas at iparamdam sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa atin. Hindi Niya ipinagkait sa atin ang Kaniyang kabutihan. Kaya naman, hindi natin dapat ikahiyang ipagmalaki at ipakilala Siya sa lahat. Isabuhay natin ang ating pasiyang handugan Siya ng taos-pusong pagdakila.
Hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang Kaniyang kabutihan. Ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa atin ang dakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Dahil dito, dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Gamitin natin ang biyaya ng buhay na kusang-loob na Kaniyang ipinahiram sa atin upang dakilain Siya nang taos-puso.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento