7 Abril 2026
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18
Larawan: Federico Barocci (1535–1612), Cristo e la Maddalena (c. 1590). Alte Pinakothek. Public Domain.
Sa Unang Pagbasa, ipinasiya ng mga nakarinig sa pangaral ng unang Santo Papa na walang iba kundi si Apostol San Pedro na ang biyaya ng pagbabagong idinudulot ng buong galak at giting niyang pinatotohanan na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay tanggapin nang taos-puso. Bukal sa puso ang kanilang pasiya. Hindi sila napilitang gawin yaon. Ang tunay na pagbabagong ito ay naidulot rin kay Santa Maria Magdalena sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Nagpakita sa kaniya sa labas ng libingan ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Pinawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang mga luha ni Santa Maria Magdalena.
Inihayag sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na idulot ang tunay na pagbabago sa bawat isa sa atin. Puno Siya ng pag-ibig at awa para sa bawat isa sa atin. Dahil dito, nais ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na gawin tayong banal at dakila.
Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, dapat nating tanggapin nang taos-puso ang pagbabagong Kaniyang dulot sa atin. Pahinutulutan natin Siya na baguhin ang ating buhay nang sa gayon ay makapagpatotoo tayo tungkol sa Kaniya nang may galak at giting sa ating mga puso at loobin. Taos-pusong pagdakila ang handog sa Kaniya ng mga sumasaksi sa Kaniya nang buong galak at giting.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento