Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A)
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46
Larawan: Giovanni Battista Cima da Conegliano (1459–1517), Christ Enthroned (c. 1505). Pushkin Museum of Fine Arts. Public Domain.
Inilaan ng Simbahan ang huling Linggo ng Liturhikal na Kalendaryo para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo, ang Senor Nazareno, sa Sanlibutan. Sa pamamagitan ng Dakilang Kapistahang ito, tayong lahat ay pinaalalahanan ng Simbahan na ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na Hari. Wala Siyang dapat maging kaagaw o karibal sa ating mga puso. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag Niya, Siya lamang ang dapat maging hari ng ating mga puso at kaluluwa. Kailangan nating magpasakop sa Kaniya.
Ang mga katangian ng tunay na Hari na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay buong linaw na inilarawan sa mga Pagbasa. Tinutulungan tayo ng mga Pagbasa na unawain kung anong uri ng Hari si Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos na Siya mismo ang magpapastol at mag-aaruga sa Kaniyang kawan. Puno Siya ng pag-ibig, habag, at awa para sa Kaniyang kawan. Nakatuon sa Kaniyang pasiyang maging pastol at tagapag-alaga ng Kaniyang kawan na nagpapatunay ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa ang mga salita sa papuring awiting itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na niloob ng Diyos na maghari sa lahat si Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Hindi rin ikinubli ni Jesus Nazareno ang katotohanan tungkol sa Kaniyang pagiging hari sa mga apostol, gaya ng Kaniyang ginawa sa Ebanghelyo. Kung tutuusin, sa pangaral na tampok sa Ebanghelyo, inilarawan ni Jesus Nazareno kung ano ang dapat gawin ng lahat ng tao upang makasama Siya sa Kaniyang kaharian sa langit magpakailanman. Habang ang daigdig ay pansamantala nating nilalakbay, dapat nating ipakilala si Jesus Nazareno bilang ating Panginoon at Hari sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Dapat nating isabuhay ang ating pasiyang dakilain Siya, ang tunay na Hari, nang taos-puso.
Hindi isang teorya o konsepto lamang ang pagkahari ng Poong Jesus Nazareno. Isa itong katotohanang kinakailangan nating tandaan bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Kaya naman, dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundo na pansamantala lamang.
Walang ibang dapat maghari sa ating mga puso at kaluluwa kundi si Kristong Hari. Sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang, kailangan nating tiyaking dinarakila natin Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Nararapat lamang itong gawin dahil si Kristong Hari ay ang tunay na Hari. Ito ang katotohanan.
VIVA CRISTO REY!
MABUHAY ANG KRISTONG HARI!

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento