Linggo, Pebrero 8, 2026

BUSILAK ANG MGA PUSO AT LOOBIN NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA

18 Pebrero 2026 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Sa unang araw ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na tiyak na mas kilala ng marami bilang panahon ng Kuwaresma, ang Miyerkules ng Abo, buong linaw na isinasalungguhit ng Simbahan kung gaano kahalaga para sa ating lahat ang pagkakaroon ng isang pusong malinis, busilak, at dalisay. Katunayan, ito ang dahilan kung bakit ang panawagan ng Inang Simbahan sa atin sa buong taon, lalung-lalo na tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, ay magsisi at tumalikod sa kasalanan. Dinudungisan at dinudumihan ng kasalanan ang mga puso at loobin ng bawat isa sa atin. Ang natatanging paraan upang ang ating mga puso at loobin ay maging malinis, busilak, at dalisay ay walang iba kundi ang magbalik-loob sa Diyos nang taos-puso. 

Nakasentro sa halaga ng taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ang mga salita sa Unang Pagbasa. Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo nang buong linaw kung bakit hindi dapat ipagpaliban ang pagiging bukas sa pagdalisay ng Diyos sa ating mga puso at loobin sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Ang pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakatuon sa pagiging taimtim ng ating pamamanata, pagdedebosyon, pagsamba, at pagtahak sa landas ng kabanalan. Dapat maging taimtim at tapat ang ating pasiyang gawin ito. 

Hinihintay ng Poong Jesus Nazareno ang ating taos-pusong pagsisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Kaniya. Pagsisihan at talikdan ang kasalanan. Ating lapitan Siya, ang bukal ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, nang may kababaang-loob. Buksan natin ang ating mga puso at loobin sa Kaniya nang sa gayon ay gawin Niyang banal, malinis, busilak, at dalisay ang mga ito. Kapag ginawa natin ito, magiging busilak at dalisay ang ating pagdakila sa Kaniya. 

Sabado, Pebrero 7, 2026

DINARAKILA SIYA NG MGA TAPAT SA KANIYA

17 Pebrero 2026 
Martes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Kapistahan ng Kabanal-Banalang Mukha ni Jesus Nazareno 
Santiago 1, 12-18/Salmo 93/Marcos 8, 14-21 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa katapatan sa Diyos. Sa mga tapat sa Diyos nagmumula ang taos-pusong pagdakila. Nalulugod ang Diyos sa lahat ng mga tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Lagi nilang inihahayag sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa ang kanilang katapatan sa Kaniya. Dinarakila nila Siya sa pamamagitan ng kanilang pasiyang manatiling tapat sa Kaniya. 

Buong linaw na inihayag ni Apostol Santo Santiago sa Unang Pagbasa na mapapalad ang mga tapat sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok sa buhay sa lupa. Ito rin ang aral na isinalungguhit sa papuring awiting itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. Sa Ebanghelyo, isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno ang halaga ng pagiging tapat at dalisay sa pagsasabuhay ng kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Ang mga tapat at dalisay sa pagsasabuhay ng kanilang pasiyang manalig, sumamba, at umasa sa Panginoong Diyos sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay at pamamalagi sa lupa ay dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. 

Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging tapat tayo sa ating debosyon at pamamanata sa Kaniya. Ito ay lagi nating magagawa sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Bilang Kaniyang mga deboto, tuparin at sundin natin nang taos-puso ang hiling at pakiusap na ito na nagmumula lamang sa Kaniya. 

Biyernes, Pebrero 6, 2026

HINDI LAMANG SA PAMAMAGITAN NG MGA SALITA NATIN SIYA DINARAKILA

15 Pebrero 2026 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 15, 16-21 (gr. 15-20)/Salmo 118/1 Corinto 2, 6-10/Mateo 5, 17-37 (o kaya: 5, 20-22a. 27-28. 33-34a. 37) 


"Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos" (Salmo 118, 1b). Buong linaw na inilarawan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang temang binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Inang Simbahan sa Linggong ito sa pamamagitan ng mga salitang ito. Lagi nating dapat sundin ang Diyos. Kapag lagi natin itong gagawin, ang Diyos ay lagi nating dinarakila nang taos-puso. 

Nakasentro sa pagsunod sa Diyos ang mga salita sa Unang Pagbasa. Buong linaw na isinasalungguhit sa mga salita sa Unang Pagbasa ang halaga ng pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos. Pinatutunayan ng mga sumusunod sa mga utos at loobin ng Diyos ang kanilang taos-pusong katapatan sa Kaniya. Ang Diyos ay dinarakila ng mga tapat sa Kaniya. Sa Ikalawang Pagbasa, itinuon ni Apostol San Pablo sa panukala ng Kataas-taasang Diyos ang kaniyang pangaral. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa, ipinasiya Niyang ihayag ang nasabing panukala sa tanan. Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang pangaral ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Napakahirap sundin ang mga itinuro Niya sa pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Subalit, kung bukal nga sa ating mga puso at loobin ang ating debosyon at pamamanata sa Kaniya, gaano man kahirap itong gawin, susundin pa rin natin ang Kaniyang kalooban. 

Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dinarakila nang taos-puso ng lahat ng mga sumusunod sa Kaniya nang buong katapatan hanggang sa huli. Sa pamamagitan ng palagiang pagsunod sa Kaniyang mga utos at loobin, ang tapat, dalisay, at busilak na debosyon at pamamanata sa Kaniya na nagpasan ng Krus na Banal ay naisasabuhay. 

Huwebes, Pebrero 5, 2026

PINAKIKINGGAN AT SINUSUNDAN SIYA NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA

13 Pebrero 2026 
Biyernes ng Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Hari 11, 29-32; 12, 19/Salmo 80/Marcos 7, 31-37 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch 3PM LIVE MASS • 01 FEBRUARY 2026 • 4th Sunday in Ordinary Time (Quiapo Church YouTube channel) 

Dalawang hari ang itinampok sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ipinakilala sa atin ang haring humalili kay Haring Solomon na si Haring Jeroboam. Mula sa pagiging isa sa mga tauhan ni Haring Solomon (katunayan, itinalaga siya bilang tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose), si Jeroboam ay naging hari ng bayang Israel (1 Hari 11, 26-28). Subalit, kalaunan, ang Diyos ay kaniyang tinalikuran para sa mga diyus-diyusan. Kahit na ipinagkaloob sa kaniya ng Panginoong Diyos ang napakabigat na pananagutan bilang hari ng Israel, pinili pa rin ni Haring Jeroboam ang mga diyus-diyusan. Sa Ebanghelyo, ang tunay na Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay nagpakita ng pag-ibig, kagandahang-loob habag, at awa sa mga tao sa pamamagitan ng Kaniyang mga himala. Kahit na mga makasalanan sila, hindi ipinagkait ng Poong Jesus Nazareno sa kanila ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa. 

Buong linaw na inilahad sa Salmong Tugunan kung ano ang dapat gawin bilang tugon sa maawain, mahabagin, at mapagmahal na Panginoon. Hindi Niya ipinagkait sa atin ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Kaya naman, dapat nating pakinggan at sundin Siya. Makinig at sumunod tayo sa Kaniya. Sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig at pagsunod sa Kaniya, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Ang taos-pusong debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno ay nasusukat sa taos-pusong pakikinig at pagsunod sa Kaniya sa bawat sandali ng ating buhay. Sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa Kaniya nang taos-puso, araw-araw nating isinasabuhay ang ating debosyon at pamamanata sa Kaniya. Dinarakila Siya ng mga nagsasabuhay ng kanilang debosyon at pamamanata sa Kaniya araw-araw.

Sabado, Enero 31, 2026

ANG MGA SUMUSUNOD SA KANIYA NANG TAOS-PUSO AY DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

11 Pebrero 2026 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes 
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 


"Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo" (Juan 2, 5). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Mahal na Birheng Maria sa mga naglilingkod sa kasalan sa Cana matapos iparating sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang problemang kanilang hinaharap. Sa nasabing kasalan, isinagawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang unang himala. Nangyari ito sapagkat ang tunay na Reyna na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria ay nagpaabot ng isang kahilingan sa tunay na Hari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaniyang minamahal na Anak. 

Ang mga salitang binigkas ng Mahal na Birheng Maria sa mga naglilingkod sa kasalan sa Cana na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ay patuloy na umaalingawngaw sa kasalukuyang panahon. Hindi lamang para sa mga masisipag na lingkod sa kasalang naganap sa Cana ang mga salitang ito. Bagkus, para rin sa atin ang mga salitang ito. Itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng mga salitang ito na buong linaw niyang binigkas sa Ebanghelyo kung paanong magiging tapat, busilak, at dalisay ang pagdakila sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na magdudulot Siya ng tunay na galak sa lahat. Nakasentro ang Salmong Tugunan sa galak na idinulot ng Diyos nang kusang-loob sa Kaniyang bayan sa pamamagitan ng dakilang babaeng pumaslang sa pinuno ng mga hukbong Asirio na si Holofernes. Itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang unang himala ng Poong Jesus Nazareno. Dahil sa himalang isinagawa ng Poong Jesus Nazareno, nagkaroon ng galak at tuwa ang ikinasal at maging ang lahat ng mga dumalo sa nasabing kasalan. 

Bilang tugon sa pasiyang ito ng Poong Jesus Nazareno na dulutan tayo ng tunay na galak at tuwa dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin, dapat natin Siyang dakilain. Tinuturuan tayo ng Mahal na Birheng Maria kung paano natin Siya dapat dakilain nang taos-puso. Makinig at sumunod sa Poong Jesus Nazareno nang taos-puso. 

Biyernes, Enero 30, 2026

DINARAKILA SIYA NG LAHAT NG MGA NAGPAPASIYANG IPAKITA SIYA

8 Pebrero 2026 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 58, 7-10/Salmo 111/1 Corinto 2, 1-5/Mateo 5, 13-16 




Buong linaw na inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na asin at ilaw ng sanlibutan ang Kaniyang mga tagasunod. Tiyak na marami ang magtataka kung bakit ang mga salitang ito ay binigkas Niya sa Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo. Hindi ba ipinakilala ng Poong Jesus Nazareno bilang liwanag ng sanlibutan (Juan 8, 12)? Isa pa, hindi ba dapat nakasentro lamang sa Poong Jesus Nazareno ang buhay ng lahat ng mga mananampalatayang bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag Niya? Kung tutuusin, tanging Siya lamang ang dahilan kung bakit may kahulugan ang buhay natin. Ano ba ang tanging dahilan kung bakit Niya nasabi ang pahayag na ito? 

Sa pahayag ng Panginoong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, buong linaw Niyang inilarawan ang ating misyon bilang mga Kristiyano. Ang lahat ng mga Kristiyano ay bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Kaniyang itinatag sa ibabaw ng bato na walang iba kundi ang unang Santo Papa na si Apostol San Pedro. Niloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hirangin, atasan, at italaga silang lahat upang maging asin at ilaw ng sanlibutan. Iyon nga lamang, kahit na ito ang misyong Kaniyang bigay sa kanila, hindi ito nangangahulugang isinusuko na Niya nang tuluyan ang titulo Niya bilang tunay na liwanag ng mundo. Nananatili pa rin bilang tunay na liwanag ng mundo ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.

Kung hindi naman isinusuko at inililipat ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang titulo bilang tunay na liwanag ng mundo at ang Kaniyang puwesto bilang sentro ng buhay ng bawat isa sa atin, para saan pa nga ba ang misyong ibinigay sa atin? Bakit ba Niya tayo hinirang at itinalaga bilang asin at ilaw ng mundo? Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng Poong Jesus Nazareno noong Kaniyang inihayag sa Kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo na tayong lahat ay ang asin at ilaw ng mundo? 

Makakatulong ang mga salitang binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol matapos Niyang hugasan ang kanilang mga paa noong bisperas ng Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal sa pagsasaliksik ng mensaheng nais Niyang iparating sa Kaniyang pangaral tungkol sa misyon ng Kaniyang Simbahan na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sabi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang buong linaw: "Kung Akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan Ko kayo ng halimbawa at ito'y dapat ninyong tularan" (Juan 13, 13-15). Ito ang ibig Niyang sabihin noong inihayag Niya sa pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo na ang Simbahang itinatag Niya ay ang asin at ilaw ng mundo. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na liwanag ng mundo. Siya rin lamang ang nagbibigay ng kahulugan at kulay sa buhay ng bawat isa sa atin na bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan, dapat gawin rin natin ang ginawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa ating kapwa-tao. Sa pamamagitan nito, ipinapakita natin Siya sa ating kapwa-tao. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, pinatutunayan nating tunay ngang bukal sa ating mga puso at loobin ang debosyon at pamamanata natin sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakatuon sa pagbabahagi ng tunay na liwanag na nagmula sa langit ang mga salita sa Unang Pagbasa. Buong linaw na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang propetang hinirang na si Propeta Isaias na ipinapalaganap ng bayang Kaniyang hirang ang tunay na liwanag na nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng tapat at taos-pusong pamumuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Isinalungguhit nang buong linaw ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang kahanga-hangang kapangyarihan ng tunay na liwanag nagmumula lamang sa Panginoong Diyos. Hindi mababalot ng dilim ang mga tatanggap sa tunay na liwanag nang taos-puso. Buong linaw na ipinaliwanag ni Apostol San Pablo kung paanong napawi nang tuluyan ang kadiliman. Ang tunay na liwanag na si Jesus Nazareno ay nagdulot ng kaligtasan sa tanan sa pamamagitan ng Kaniyang Kabanal-Banalang Krus at Muling Pagkabuhay. Inihayag Niya sa lahat sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. 

Ang tunay na deboto ni Jesus Nazareno ay hindi pasikat. Hindi sila pabida. Hindi sila mang-aagaw-eksena. Hindi sila maramot. Bagkus, ipinapakita nila si Jesus Nazareno sa lahat. Buong kababaang-loob nila Siyang ipinapakita sa lahat sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, ang tunay na liwanag na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay kanilang dinarakila nang taos-puso. 

Huwebes, Enero 29, 2026

KAILANGANG MAGING PALAGIAN ANG TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA POONG JESUS NAZARENO

6 Pebrero 2026 
Paggunita kina San Pedro Bautista, San Pablo Miki, at mga kasama, mga martir 
Sirak 47, 2-13 (gr. 2-11)/Salmo 17/Marcos 6, 14-29 


Itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan ang isang paanyaya. Ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay nagpaabot ng isang paanyaya para sa lahat. Hindi ito para sa mga piling tao, lalung-lalo na para sa mga nasa itaas ng lipunan. Bagkus, ang kaniyang paanyaya na sentro ng kaniyang papuring awitin ay para sa lahat. Walang mga ekslusibo. Ito ay para sa lahat. Anuman ang estadong kanilang kinabibilangan sa lipunan, kasama pa rin sila sa mga inaanyayahan. Buong lugod niyang inaanyayahan ang lahat upang dakilain ang Diyos nang taos-puso. 

Nakatuon sa pasiya ni Haring David na dakilain ang Diyos nang taos-puso sa bawat yugto at sandali ng kaniyang buhay sa lupa ang pangaral sa Unang Pagbasa. Ito ang kaniyang tugon sa Diyos na laging nagpahayag ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa kaniya sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang gawa. Ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na ipinamalas Niya sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa ay hindi binaon sa limot ni Haring David kailanman. Sa Ebanghelyo, inilarawan ang taliwas nito. Walang puwang o halaga para kay Herodes Antipas ang biyaya ng Diyos. Katunayan, ipinabilanggo pa nga ni Herodes Antipas si San Juan Bautista dahil walang takot niyang ipinahayag na isang malaking kasalanan sa paningin ng Diyos ang pagsasama nina Herodes Antipas at Herodias. Hindi nagtagal at iniutos ni Herodes Antipas sa kaniyang mga tauhan na pugutan ng ulo ang propetang kaniyang ipinabilanggo na si San Juan Bautista bilang tugon sa hiling ng anak ng babae ni Herodias na kinakasama niya na nagsayaw para sa kaniya sa isang piging para sa kaniyang kaarawan. 

Gaano man kahirap itong gawin, dapat nating piliin ang Diyos. Dapat lagi natin Siyang dakilain nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Mahahayag sa pamamagitan ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya ang pagiging taos-puso, dalisay, at busilak ng ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno.