Biyernes, Oktubre 2, 2026

SAGOT TAYO NG PINAKADAKILA SA LAHAT

16 Oktubre 2026 
Biyernes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Efeso 1, 11-14/Salmo 32/Lucas 12, 1-7 

Larawan: Marco Benefial. La visión de santa Catalina Fieschi Adorno (c. 1747). Public Domain.


Ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat mabalisa o mabahala. Lagi tayong sagot ng Diyos. Kasama natin Siya. Nasa likod natin Siya. Dahil dito, wala tayong dapat ikabahala. Ang Diyos ay lagi nating kasama upang tulungan, patnubayan, gabayan, at ipagsanggalang tayo. Ganyan tayo kahalaga sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa pagkalinga, pagtulong, pamamatnubay, paggabay, at pagsasanggalang ng Diyos sa mga hinirang Niya. Dahil hindi Niya pinababayaan ang Kaniyang mga hinirang, mayroong lakas at tibay ng loob ang Kaniyang mga hinirang. Kahit na maraming hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig ang kanilang hinaharap sa buhay, panatag ang kanilang loob dahil sa kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Ito ang isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na tampok sa Ebanghelyo. Wala tayong dapat ikapangamba dahil lagi tayong sinasamahan, inaaruga, kinakalinga, pinapatnubayan, ginagabayan, at tinutulungan ng Diyos. 

Huwag tayong mangamba, mabalisa, o mabahala. Lagi tayong sagot ng Diyos. Ito ang patunay na pinahahalagahan Niya tayo nang taos-puso. 

Huwebes, Oktubre 1, 2026

NARARAPAT SIYANG DAKILAIN NANG TAOS-PUSO

11 Oktubre 2026 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10) 

Larawan: Francisco Goya (1746–1828), Español: La parábola de los convidados a la boda (c. 1796-1797). Public Domain.


Isa lamang ang nais isalungguhit ng Poong Jesus Nazareno noong isinaysay Niya ang talinghaga tungkol sa kasalan sa mga tao sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Lagi nating dapat dakilain ang Diyos nang taos-puso. Nararapat lamang na handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang bilang tugon sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila. Walang sawa Niya itong ginagawa para sa atin.

Sa Unang Pagbasa, inihayag na aanyayahan ng Diyos ang lahat ng bayan at bansa sa daigdig sa isang piging. Ang mga tatanggap sa paanyaya ng Diyos sa nasabing piging nang taos-puso ay mapupuspos ng tunay na galak at tuwa. Nakasentro sa pasiya ng apostol at misyonero sa mga Hentil na si Apostol San Pablo na laging handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng kaniyang tapat at magiting na pagsaksi sa Poong Jesus Nazareno ang kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Pinatotohanan niya kung gaano kahirap ang pasiyang ito. Hindi tumigil ang mga pagdurusa, hirap, sakit, at pag-uusig. Subalit, sa kabila ng mga sakit, hirap, at pag-uusig sa buhay sa daigdig na ito, nanatiling tapat si Apostol San Pablo. Ginawa niya ang nararapat gawin. 

Bilang tugon sa Diyos na hindi nagsasawang ipakita at ipadama sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Nararapat lamang ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. 

Sabado, Setyembre 26, 2026

PATUNAY NG KADAKILAAN NG KANIYANG PAG-IBIG, KAGANDAHANG-LOOB, HABAG, AT AWA

9 Oktubre 2026 
Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Galacia 3, 7-14/Salmo 110/Lucas 11, 15-26 

Larawan: James Tissot (1836–1902), The Blind and Mute Man Possessed by Devils (c. Between 1886 and 1894). Brooklyn Museum. Public Domain.

Hindi na mabilang kung ilang ulit na inanyayahan tayo ng Simbahan na pagtuunan ng pansin at pagnilayan ang kadakilaan ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Tila lagi natin itong ginagawa bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno. Subalit, isa itong katotohanang lagi nating dapat tandaan bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Mahabagin, maawain, at mapagmahal ang Diyos. Ang katotohanang ito ay hindi dapat limutin kailanman. 

Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa dahilan kung bakit mayroon Siyang kapangyarihang magpalayas ng demonyo. Bilang tugon sa bintang o paratang ng mga nagsasabing nagmula kay Beelzebul ang Kaniyang kapangyarihang gawin ito. Inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na nakakapagpalayas Siya ng mga demonyo dahil ito ay niloob ng Diyos. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob,  habag, at awa na tunay ngang dakila, niloob ng Diyos na iligtas at palayain ang lahat ng tao sa lupa mula sa demonyo. Ang demonyo ay pinalalayas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa mga taong sinasapian nito dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ipinasilip ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kung ano ang mangyayari sa bundok ng Kalbaryo sa pamamagitan ng himalang ito. 

Nakasentro sa bunga ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, naligtas ang sangkatauhan. Bilang tugon, dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang magiging patunay na hindi natin ibinabaon sa limot ang awa, habag, pag-ibig, at kagandahang-loob ng Diyos na tunay nga namang dakila, gaya ng ginawa ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. 

Ang Diyos ay laging gumagawa ng mga bagay na tunay ngang kahanga-hanga hindi upang ipamukha sa atin na Siya ang pinakadakila sa lahat at walang makahihigit at makakapantay sa Kaniya kailanman. Bagkus, lagi Niya ginagawa ang mga ito dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila.

Biyernes, Setyembre 25, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA MULA SA KANIYANG MGA KATIWALA

4 Oktubre 2026 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 

Larawan: anonymous, Slovak: Stigmatizácia sv. Františka (c. 1606). Slovak Art Gallery. Public Domain.

Isinaysay ng Poong Jesus Nazareno ang talinghaga tungkol sa mga kasama sa isang ubasan bilang bahagi ng Kaniyang pangaral tungkol sa pagiging mga tapat, banal, at mabuting katiwala ng Diyos sa lupa. Sa katotohanang ito na isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan. Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, mayroong misyon at tungkulin ang bawat isa sa atin. Ang misyon at tungkuling ito ay ang pagiging mga banal at mabuting katiwala. Lagi natin Siya hinahandugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng pagtupad sa nasabing misyon at tungkulin. 

Ang Diyos ay ipinakilala sa Salmong Tugunan bilang may-ari ng ubasan. Nakatuon rin sa katotohanang ito ang mga salita sa Unang Pagbasa. Katunayan, buong linaw na isinalungguhit sa Unang Pagbasa na tanging Siya mismo ang nagtanim sa nasabing ubasan. Isang katotohanan lamang ang isinasalungguhit nito -  nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay na nakikita at hindi nakikita. Dahil diyan, inihayag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa na dapat lagi nating handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga kilos at salita sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. 

Lubos tayong iniibig at kinahahabagan ng Diyos. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, itinalaga Niya tayo bilang Kaniyang mga katiwala. Bilang tugon sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, dapat nating gawin ang nararapat sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Kinakailangan nating maging mga banal at mabuting katiwala ng Diyos na humirang at nagtalaga sa atin bilang Kaniyang mga katiwala. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay lagi nating hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. 

Huwebes, Setyembre 24, 2026

SA KABILA NG KANIYANG KADAKILAAN, PINAHAHALAGAHAN, KINAHAHABAGAN, AT INIIBIG NIYA TAYO

2 Oktubre 2026 
Paggunita sa mga Banal na Anghel na Tagatanod 
Exodo 23,20-23/Salmo 90/Mateo 18, 1-5. 10 

Nakasentro sa papel, misyon, at tungkulin ng mga banal na anghel na tagatanod ang pagdiriwang ng Simbahan. Ang mga banal na anghel na tagatanod ay ipinagkaloob sa bawat isa sa atin ng Panginoong Diyos bilang tanda ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa atin ang mga banal na anghel na tagatanod upang ipagsanggalang at gabayan tayo. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ng Diyos ang pangunahing tungkulin ng Kaniyang mga anghel. Ang Kaniyang mga anghel ay ipinagkakaloob Niya sa atin upang kalingain at ipagsanggalang tayo. Nais ng Diyos na maramdaman natin sa pamamagitan ng mga banal na anghel na tagatanod na tunay nga Niya tayong pinahahalagahan at iniibig. Handa Siyang gawin ang lahat para sa atin. Ito ang puntong isinalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Mula sa langit, lagi nilang pinapatnubayan, ginagabayan, at ipinagsasanggalang ang bawat isa sa atin, lalung-lalo na yaong mga maliliit at mga bata. Ganyan tayo pinahahalagahan at iniibig ng Diyos. 

Ang mga banal na anghel na tagatanod ay patunay na lagi tayong pinahahalagahan, kinahahabagan, at iniibig ng Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. 

Sabado, Setyembre 19, 2026

PINABABANAL NG ATING DINARAKILA

28 Setyembre 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Simbahan ng Quiapo 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 4, 19-24 


Nagiging banal ang lahat dahil sa presensya ng Diyos. Ito ang aral na ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa tuwing ipinagdiriwang ang taunang anibersaryo ng pagtatalaga sa isang bahay-dalanginan. Pinababanal ng presensya ng Diyos ang lahat. Dahil dito, hindi lamang mga karaniwang gusali ang mga bahay-dalanginan gaya na lamang ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo. Bagkus, ito ay mga banal na pook o lugar. 

Isinalungguhit nang buong linaw sa Unang Pagbasa kung paanong ang mga lugar ay pinababanal ng presensya ng Diyos. Pinababanal ng presensya ng Diyos ang lahat ng bagay. Dahil sa presensya ng Diyos, ang Templo ay isang banal na lugar. Ang Templo ay hindi lamang isang ordinaryong gusali dahil binago ito ng presensya ng Diyos. Sa katotohanang ito nakasentro ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Buong linaw Niyang isinalungguhit sa babaeng Samaritanang Kaniyang nakatagpo sa Balon ni Jacob kung paanong ang lahat ng tao ay makakapaghandog ng taos-pusong pagsamba sa Diyos. Kaya ng Diyos na baguhin at pabanalin ang lahat. 

Dahil sa Diyos, ang lahat ay nagiging banal. Binabago Niya ang lahat. Nakasentro sa katotohanang ito na dapat lagi nating tandaan ang pangaral ni Apostol San Pablo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Tayong lahat ay Templo ng Diyos. Kaya naman, hindi tayo dapat mamuhay sa kasalanan at kasamaan. Nilikha tayo ng Diyos bilang Kaniyang Templo. Ito ang natatanging dahilan kung bakit kinakailangan nating mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.

Buksan natin ang ating mga puso, isipan, at diwa sa pagbabagong dulot ng Diyos. Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan natin ang Diyos na baguhin at pabanalin tayo. Ito ang magpapatunay na dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Biyernes, Setyembre 18, 2026

DAHIL SA PAG-IBIG NG ATING DINARAKILA

27 Setyembre 2026 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11 (o kaya: Filipos 2, 1-5)/Mateo 21, 28-32 


Nakasentro sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan na ang dahilan kung bakit ang Diyos ay gumawa ng maraming dakilang bagay para sa sangkatauhan ay walang iba kundi ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Ang mga gawa ng Diyos ay nagpapatunay at sumasagisag sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Hindi Siya nagsasawang ipakita sa ating lahat ang Kaniyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ng Kaniyang mga gawa. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig para sa lahat ng mga magsisisi at tatalikod sa kasalanan at magbabalik-loob sa Kaniya. Masisiyahan nang lubusan ang Diyos sa taos-pusong pagbabalik-loob ng mga makasalanan. Ito ay dahil ang kanilang mga puso at loobin ay binubuksan nila sa dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdudulot ng tunay na pagbabago. Binibigyan nila Siya ng pahintulot na baguhin at pabanalin sila sa pamamagitan nito. Pinahihintulutan nila Siyang gawin silang banal katulad ng Kaniyang Bugtong na Anak at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na tumalima sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob hanggang sa sandali ng Kaniyang pagkamatay sa Krus noong unang Biyernes Santo, gaya ng buong linaw na inilarawan sa mahabang bersyon ng tampok na pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Nangaral tungkol sa pagbukas ng puso, isipan, at sarili sa dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdudulot ng pagbabago ang Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ito ang dapat nating gawin bilang Simbahan. 

Ang dalangin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay dalangin ng mga nagpasiyang buksan ang kanilang mga puso at diwa sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Idinadalangin ng lahat ng mga nagbubukas ng kanilang mga puso at diwa sa Diyos na gunitain ang Kaniyang dakilang pag-ibig na walang sawa Niyang ipinamalas at ipinaramdam. Kung tutuusin, maging sa kasalukuyang panahon, ginagawa pa rin Niya ito. 

Buksan natin ang ating mga puso, isipan, at diwa sa dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdudulot ng tunay na pagbabago. Nararapat lamang itong gawin bilang tugon sa Kaniya na hindi nagsasawang ipamalas at iparamdam sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa.