Sabado, Mayo 5, 2018

PAG-IBIG NA WALANG MAKAHIHIGIT AT WALANG HANGGAN

6 Mayo 2018 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48/Salmo 97/1 Juan 4, 7-10/Juan 15, 9-17 


"Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod Siya sa sinumang may takot sa Kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa." (10, 34-35) Ito ang mga salitang namutawi mula sa bibig ni Apostol San Pedro noong siya'y sinalubong ni Cornelio sa Unang Pagbasa. Si Cornelio na kapitan ng hukbong Romano ay nagpabinyag kay Apostol San Pedro sapagkat naranasan niya ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Kahit na siya'y isang Hentil, si Apostol San Pedro ay ipinadala ng Panginoon sa kanya upang mapakinggan niya ang Mabuting Balita at magpabinyag. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob sa lahat ng mga matutuwid at may takot sa Kanya, anuman ang kanilang lahi. 

Ang puntong isinalarawan sa salaysay sa Unang Pagbasa ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Ang Diyos ay pag-ibig. Siya ang unang umibig sa atin. Dahil sa pag-ibig Niyang walang kapantay, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Misteryo Paskwal ni Kristo Hesus ang nagsalarawan kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na walang higit na pag-ibig ang pag-ibig ng isang tao para sa kanyang mga kaibigan. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni Hesus kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Ang Panginoong Hesus ay pumarito sa sanlibutan upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito'y inilarawan ni Hesus kung gaano Niya iniibig ang lahat. Ang bawat isa'y tinuring Niyang kaibigan. Mahalaga ang bawat isa sa Kanyang paningin. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya Niyang harapin at pagdaanan ang bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal upang maligtas ang sangkatauhan. Inalay Niya ang buo Niyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Subalit, ang Kanyang kamatayan sa krus ay hindi naghudyat ng katapusan para sa Kanya sapagkat maluwalhati Siyang muling nabuhay sa ikatlong araw taglay ang buo Niyang kaningningan at kaluwalhatian. 

Kung tutuusin, nakakapanliit ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Sino ba naman ang sangkatauhan upang ibigin at kahabagan ng Diyos? Ang sangkatauhan ay hindi naman kapantay ng Diyos. Hamak lamang ang sangkatauhan kung ikukumpara sa Diyos. Katunayan, ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nilikhang ayon sa larawan ng Diyos, subalit hindi kapantay ng Diyos. Tapos, hindi pa perpekto ang sangkatauhan. Hindi karapat-dapat ang bawat tao na maranasan at makibahagi sa pag-ibig ng Diyos dahil sa kanilang karupukan; lagi silang nagkakasala. Subalit, sa kabila ng iyon, nakuha pa ng Diyos na ibigin at kahabagan ang sangkatauhan. Tunay ngang kamangha-mangha iyon. Kahit likas sa tao ang magkasala, kahit sila'y mga hamak na nilalang lamang kung ikukumpara sa Kanya, iniibig at kinahahabagan pa rin sila ng Panginoon. 

Tunay ngang mapalad tayong lahat sapagkat mayroon tayong Diyos na mapagmahal. Ang Kanyang pagmamahal ay walang hanggan. Tunay at wagas ang Kanyang walang hanggang pagmamahal. Ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ito ng sinumang tao dito sa lupa. Kahit na hindi tayo karapat-dapat na maranasan at makibahagi sa Kanyang dakilang pag-ibig dahil sa ating mga pagkakasala, ipinakita't ipinadama pa rin Niya sa ating lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. 

Ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus ang pinakadakilang pagsasalarawan at paghahayag ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa atin na walang hanggan. Dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig para sa ating lahat, ang Diyos ay bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at nagkatawang-tao katulad natin (maliban sa kasalanan) sa pamamagitan ni Hesus. Hinarap at pinagdaanan Niya ang bawat yugto ng Misteryo Paskwal para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa ating lahat, inihayag ng Panginoon ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. At ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin ay walang hanggan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento