Sabado, Mayo 26, 2018

PAGKAKAISANG NAGHAHAYAG NG PAG-IBIG AT KAGANDAHANG-LOOB

27 Mayo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (B) 
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40/Salmo 32/Roma 8, 14-17/Mateo 28, 16-20 



Madalas batikusin ng ibang mga relihiyon ang Simbahan dahil sa doktrina ng Banal na Santatlo. Isa raw maling turo ang doktrina ng Banal na Santatlo sapagkat hindi ito tumutugma sa mga itinuturo sa Banal na Bibliya. Labag raw ito sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos. Itinuturo sa Banal na Bibliya na iisa lamang ang Diyos. At ayon sa interpretasyon nila ng doktrinang ito, tatlo ang Diyos na sinasamba. Subalit, mali ang kanilang interpretasyon ng doktrinang ito. Hindi itinuturo sa doktrinang ito na tatlo ang Diyos. Itinuturo sa doktrinang ito na mayroong Tatlong Personang bumubuo sa iisang Diyos na sinasamba't sinasampalatayanan ng lahat ng mga Katoliko. At ang Tatlong Personang bumubuo sa iisang Dios na pinupuri't sinasamba ng Simbahan ay ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Winika ni Moises sa Unang Pagbasa na ang Panginoon lamang ang nag-iisang diyos na dapat sambahin ng mga Israelita. Ang Panginoong Diyos na nagpalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay iisa lamang. Siya lamang ang dapat sambahin at purihin ng bayang Israel. Sa Ebanghelyo, binigyang-diin ng Panginoong Hesus sa Kanyang pagsugo sa mga apostol ang pagiging isa ng Diyos. Sinabihan Niya ang mga apostol na binyagan ang lahat ng mga tao "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." (28, 19) Hindi Niya sinabihan ang mga alagad na magbinyag "Sa mga Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo" kundi "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." Naisasalungguhit ang pagiging isa ng Diyos na binubuo ng Tatlong Persona - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo - sa pormulang ito. 

Subalit, sa kabila nito, isang napakakumplikadong doktrina ang misteryo ng Banal na Santatlo. Mahirap unawain ang misteryo ng Banal na Santatlo. Sa sobrang pagka-kumplikado ng misteryong ito, maraming mga maling interpretasyon o kuro-kuro tungkol sa misteryong ito ang umusbong. Gaano mang katalino ang isang tao, hindi niya lubusang maiintindihan ang misteryo ng Banal na Santatlo dahil sa mga limitasyon sa isipan ng bawat tao. At iyan ang katotohanan, limitado ang espasyo sa isipan ng bawat tao. Hindi kayang alamin at unawain ng bawat tao ang lahat ng bagay. May kakayahang alamin at unawain ang maraming bagay, pero hindi ang lahat ng bagay. Kaya naman, masyado nang mabigat para sa isipan ng bawat tao ang unawain ang misteryong ito. Hindi natin maintindihan kung papaanong naging isa ang tatlo. Hindi rin natin lubusang maintindihan kung bakit ang Panginoong Diyos ay nagpakilala sa ating lahat sa isang napakakumplikadong paraan. 

Gaano mang kahirap para sa atin ang unawain ang misteryo ng Banal na Santatlo dahil sa pagkakumplikado nito, iisa lamang ang matitiyak natin. Ang Banal na Santatlo ang larawan ng tunay at ganap na pagkakaisa. Ang tunay at ganap na pagkakaisa ay ipinakita ng Banal na Santatlo sa lahat. Walang makakapantay o makahihigit sa pagkakaisa ng Banal na Santatlo. At ang pagkakaisa ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hinding-hindi matitinag. Walang hanggan ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay nagkaisa upang buuin ang iisang Diyos na ating sinasamba't sinasampalatayanan.

Ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang Banal na Santatlo ay nagkaisa noong nilikha ang daigdig. Nagkaisa ang Banal na Santatlo noong ipinagpasiyahang likhain ang tao. Nagkaisa ang Banal na Santatlo noong ipinagpasiya ang pagligtas sa sangkatauhan. Iniligtas ng Diyos Anak na si Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay dahil sa pagkakaisang ipinakita ng Banal na Santatlo sa pagpapasiya tungkol sa pagligtas sa sangkatauhan. Naihayag sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo ang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na tumubos sa lahat. 

Dahil tayong lahat ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo'y patnubayan. Ito ang binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Wika niya na ang lahat ng mga anak ng Diyos ay pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos (8, 14). Tayong lahat ay itinuring ng Diyos na mga anak Niya dahil sa pagtubos sa atin ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Dahil dito, ipinagkaloob sa atin ang Espiritu Santo upang maging gabay natin. Sa pamamagitan ng Espiritu Santong gumagabay sa atin, maitatawag natin ang Diyos bilang Ama. At iyon ang karapatang ibinigay sa atin ng Diyos bilang Kanyang mga anak na minamahal. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng karapatang tawagin ang Diyos bilang ating Ama sapagkat tayo'y itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak. 

Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay naihayag sa ating lahat sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang pagkakaisa ng Banal na Santalo ang nagpapakilala sa nag-iisang Diyos na tunay na nagmamahal sa atin. At ang Banal na Santatlo ay patuloy na kumikilos sa iba't ibang pamamaraan upang maaalala natin na iisa lamang ang Diyos na nagmamahal nang tunay. Iisa lang ang Diyos na nagmamahal nang tunay. At ang iisang Diyos na tunay na nagmamahal sa atin ay binubuo ng Tatlong Personang nagkakaisa - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo; ang Banal na Santatlo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento