1 Mayo 2018
Paggunita kay San Jose, manggagawa
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58
Isang napakahalagang aral ang matutunan natin mula sa halimbawang ipinakita ni San Jose Manggagawa. Ginampanan ni San Jose ang kanyang pananagutan bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesus dito sa lupa sa pamamagitan ng paghahanap-buhay. Siya'y naghanap-buhay bilang isang anluwage o karpintero. Sa pamamagitan ng kanyang paghahanap-buhay bilang isang karpintero, ipinakita niya ang kanyang pagmamahal para sa pamilyang kaloob sa kanya ng Diyos. Ipinakita ni San Jose sa pamamagitan ng kanyang paghahanap-buhay bilang isang marangal na karpintero ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. At ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos ang naghahayag ng kanyang buong pusong pag-ibig at pananalig sa Kanya.
Sa pamamagitan ng halimbawang ipinakita ni San Jose Manggagawa, itinuturo sa atin ng Diyos na ang pag-ibig ay naipapahayag sa pamamagitan ng mga gawa. Hindi sapat ang pagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng mga salita. Kung tunay na nagmamahal ang isang tao, dapat niyang ipakita ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng mga salita at gawa.
Ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan sa ikaanim na araw na isinalaysay sa Unang Pagbasa ang naghayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa kanila. Sino ba naman ang tao para lalangin ng Diyos? Kahit hindi na lalangin ng Diyos ang tao, magiging maganda pa rin ang Kanyang mga gawa. Kahanga-hanga pa rin ang Kanyang mga gawa sapagkat Siya ang pinakadakilang nilalang sa lahat. Subalit, ipinakita pa rin ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa tao sa pamamagitan ng paglikha sa kanila. Kahit na hindi mapapantayan ng sangkatauhan ang kadakilaan ng Diyos, ipinakita pa rin ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa kanila sa pamamagitan ng paglikha sa kanila na higit na makapangyarihan kaysa sa ibang bagay na Kanyang nilikha.
Isinalaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo ang di pagtanggap kay Hesus sa Nazaret, ang bayan na Kanyang tinubuan. Ang nakakatawag ng pansin sa salaysay ni San Mateo ay ang paggawa ni Hesus ng kahit kaunting himala sa Nazaret dahil sa di pagtanggap at pagsampalataya ng Kanyang mga kababayan. Hindi naman Siya tinanggap ng Kanyang mga kakilala mula noong pagkabata na nagtipon sa sinagoga para pakinggan Siya. Ayaw nilang kilalanin si Hesus na kilala nila mula pagkabata. Napakasakit para sa Panginoong Hesus na maranasan ang di pagkakilala at di pagtanggap sa Kanya ng mga kababayan sa Nazaret. Subalit, gumawa pa rin Siya ng kahit kaunting himala. Bakit Niya iyon ginawa?
Hindi naman kinailangang gumawa ng kahit isang himala ang Panginoong Hesus sa bayan ng Nazaret, ang bayang Kanyang tinubuan. Subalit, sa pamamagitan ng paggawa ng kahit kaunting himala sa Kanyang bayang tinubuan, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang mga kababayan. Tunay ngang minahal ni Hesus ang Kanyang mga kakilala sa Nazaret. Tunay ngang pinahalagahan ni Hesus ang Kanyang kabataan sa bayang yaon. Gumawa pa rin si Hesus ng mga milagro, kahit kaunti lamang yaon kumpara sa Kanyang mga ginawa sa ibang bayan, upang ipakita ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang mga kababayan. Si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Noong Siya'y nasa Nazaret, mas lalong nakita ang pagiging tao ni Hesus. Noong Siya'y hindi tinanggap sa Nazaret, ipinakita ni Hesus na tunay rin Siyang tao na nasasaktan dahil sa di pagtanggap ng mga taong nakilala Niya mula noong Kanyang kabataan. Kahit hindi Siya tinanggap, ipinakita pa rin Niya ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng paggawa ng kahit kaunting milagro habang Siya'y nanatili roon.
Ang pagmamahal ay naipapahayag sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Kung tunay na nagmamahal ang isang tao, kinakailangang ipakita niya ito sa pamamagitan ng kaniyang mga salita't gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang upang ipakita't ipadama ang pagmamahal; kailangang dugtungan ng mga gawa ang mga salita na kadalasa'y mabilis malimutan.
Tulad ni San Jose Manggagawa, ang bawat manggagawa sa kasalukuyang panahon ay naghahanap-buhay upang mapabuti ang buhay ng kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng kanilang masipag at matiyagang paghahanap-buhay, ipinapakita nila ang kanilang pagmamahal para sa kanilang pamilya.
Ang bawat isa'y tinatawag upang ipahayag ang pag-ibig sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Kung paanong ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang ipakita ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus, kung paanong ang Mahal na Inang si Maria at si San Jose ay nagpahayag ng kanilang pag-ibig at pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalima sa kanyang kalooban, ang bawat isa'y tinatawag ng Diyos upang magmahal. Ipakita ang pagmamahal para sa Diyos at kapwa. Kapag ito'y tinalima at tinupad ng bawat isa, ang bawat isa'y kalulugdan ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento