Biyernes, Mayo 18, 2018

PAGBABAGONG HATID NG ESPIRITU SANTO

20 Mayo 2018 
Linggo ng Pentekostes (B) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Galacia 5, 16-25)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 15, 26-27; 16, 12-15) 



Ang pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo ang pinagtutuunan ng pansin sa pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes. Sa salaysay ng pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol na inihayag sa Unang Pagbasa, isinalungguhit ang pagbabagong dulot Niya sa mga apostol. Mula sa pagiging mga duwag na nagtatago sa isang silid, sila'y naging mga saksi ni Kristo na puno ng katatagan at pag-asa. Hindi na naghari ang takot sa kanilang mga puso sapagkat silang lahat ay nakaranas ng isang matindi't malaking pagbabago mula sa Espiritu Santo. Dahil sa pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo, ang mga apostol ay nagkaroon ng lakas at tibay ng loob upang magampanan nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo.

Sa Ebanghelyo, sinabi ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa mga apostol na isinusugo Niya sila kung paanong Siya'y isinugo ng Ama upang maging Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan (Juan 20, 21). Inilarawan ni Hesus sa mga apostol kung ano ang magiging misyon nila. Silang lahat ay magiging mga misyonerong saksi na Kanyang sinusugo sa iba't ibang mga lugar sa daigdig. Lilibutin nila ang bawat lugar sa daigdig para ipakilala ang Panginoon sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng kanilang mga salita tungkol kay Kristo, ang lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa sa daigdig ay makakakilala at makakasampalataya sa Kanya. 

Batid ni Hesus ang mga kahinaan ng mga apostol. Batid ni Hesus ang kanilang takot at kahinaan ng loob. Kaya naman, ipinangako ni Hesus sa mga apostol na ipapadala Niya buhat sa Ama ang Espiritu Santo upang maging kanilang Patnubay (Juan 15, 27). Ang Espiritu Santo ang papatnubay at gagabay sa mga apostol sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo Hesus. Hindi sila mag-iisa at mabibigo sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sapagkat kasama nila ang Espiritu Santo saan man sila pumaroon. Ang Espiritu Santo ang magbibigay sa kanila ng tulong sa panahon ng pangangailangan. Ang Espiritu Santo rin ang magbibigay sa kanila ng lakas at tibay ng loob upang manatiling tapat sa kanilang pananalig sa Panginoon sa mga sandali ng pagsubok. At natupad ang pangakong ito ng Panginoon noong araw ng Pentekostes. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia tungkol sa pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang pumapatnubay sa lahat upang ang mga pita ng laman ay tutulan at talikdan (Galacia 5, 16). Ang bawat tao'y binabago ng Espiritu Santo. Hindi na sila tumatalima't nagpapaalipin sa mga makamundong hilig. Bagkus, ang bawat tao'y namumuhay bilang mga tunay na Kristiyano na tanging sa Diyos lamang naglilingkod at sumasamba. Gaano mang kasama ang bawat makasalanan, mayroon silang pagkakataon magbago sa tulong ng Espiritu Santo. At ang Espiritu Santo ay laging handang magbigay ng tulong at gabay sa mga nais magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. 

Ang puntong ito ang siya ring pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Wika nga niya sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, "Hindi masasabi ninuman, 'Panginoon si Hesus' kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo." (12, 3b) Mula sa pagiging mga makasalanan at mga walang pakialam, ang bawat tao'y nagiging mga masigasig at tapat na Kristiyanong nananalig, sumusunod, at sumasaksi kay Kristo Hesus sa tulong ng Espiritu Santo. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang bawat tao na magpatotoo at sumampalataya kay Kristo. Sa tulong ng pamamatnubay ng Espiritu Santo, ang lahat ay makakasampalataya at makakapagbigay ng patotoo tungkol kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang mga salita't gawa. 

Tinutulungan ng Espiritu Santo ang bawat isa na magbago. Ang bawat tao'y pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo tungo sa pagbabago. Hindi nag-iisa ang bawat tao sa proseso ng pagbabago sapagkat lagi nilang kasama ang Espiritu Santo. Nagbabago ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo. At ang pagbabagong dulot ng Espiritu Santo sa lahat ay puno ng kabutihan. Hindi lalong lulubha ang kasamaan ng bawat tao dahil sa pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Bagkus, mapapabuti ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo. Lalong lalalim at titibay ang pananalig ng bawat tao sa Panginoon. Lalong mapapabuti ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo na laging pumapatnubay at gumagabay sa kanila. 

May pagkakataong magbago sa tulong ng Espiritu Santo. Patuloy na nagbibigay ng pagkakataong magbagong-buhay sa bawat isa ang Espiritu Santo. Hindi natin maaaring sabihin na wala nang pag-asang magbago ang mga makasalanan, lalung-lalo na ang mga pinakamasamang tao. Gaano mang kasama ang isang tao, mayroon siyang pag-asang baguhin ang kanyang buhay. Ang Espiritu Santo ay lagi nilang kasama upang tulungan silang baguhin ang kanilang mga buhay. 

Kung paanong binago ng Espiritu Santo ang buhay ng mga apostol, binibigyan Niya tayo ng isang panibagong buhay. Tinutulungan Niya tayong baguhin ang ating mga sarili upang lalo tayong mapalapit sa Panginoon. Pinapatnubayan at ginagabayan Niya tayo sa landas ng buhay upang manatili tayong matatag at matapat sa ating pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. At tunay ngang nagdudulot ng kabutihan at kabanalan sa ating lahat ang pagbabagong hatid ng Espiritu Santo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento