Biyernes, Agosto 10, 2018

BUHAY AT PAG-IBIG

12 Agosto 2018 
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Hari 19, 4-8/Salmo 33/Efeso 4, 30-5, 2/Juan 6, 41-51 



"Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog Niya (ni Kristo) ang Kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain sa Diyos." (5, 2) Sa talatang ito, pinagtutuunan ng pansin ni Apostol San Pablo ang pagiging mapagmahal ni Kristo para sa ating lahat. Ang pag-aalay ng Panginoong Hesukristo ng Kanyang sarili sa krus para sa ating kaligtasan ang nagsasalarawan ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. At ito ang ating ginugunita at ipinagdiriwang sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Ipinapaalala sa atin ni Apostol San Pablo na dapat nating tularan ang halimbawang ipinakita ni Kristo na unang nagpakita ng pagmamahal sa ating lahat. 

Ang Banal na Misa ay pagdiriwang ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ibinigay ni Kristo Hesus ang Kanyang sariling Katawan at Dugo upang maging ating espirituwal na pagkain at inumin. At ang Katawan at Dugo ay tunay na nakakapawi ng lahat ng uri ng kagutuman at kauuhawan, lalung-lalo na ang mga di kayang pawiin ng anumang pagkain at inumin dito sa mundo. At ang presensya ni Hesus sa anyo ng tinapay at alak sa Banal na Misa ay tunay. Si Hesus ay lagi nating kapiling sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya bilang tagapawi ng ating mga kagutuman at kauuhawan. 

Ipinadama ng Diyos sa lahat ng tao mula pa noong nilikha Niya ang daigdig ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Isa na rito ay si Elias sa Unang Pagbasa. Nakiusap si Elias sa Diyos na kunin na Niya ang kanyang buhay sapagkat puro mga pagsubok na lamang ang kanyang hinaharap. Punung-puno na ng mga pagsubok ang kanyang buhay. Pagod na pagod na siya. Nais na niyang magpahinga. Subalit, sa halip na bawian ng buhay si propeta Elias, dalawang ulit siyang pinakain ng Diyos. Pinalakas ng Diyos si propeta Elias sa halip na hayaang humina nang humina hanggang sa tuluyang mamatay.

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Juan ang pagpapatuloy ng diskurso ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Kahit mahirap para sa mga tao na unawain at tanggapin ang mga itinuturo ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili, hindi nagbago ang laman ng Kanyang itinuturo. Bagkus, nanatiling tapat si Hesus sa Kanyang itinuturo tungkol sa Kanyang sarili. Patuloy na ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Hindi binago ni Hesus ang Kanyang itinuturo para sa mga tao. Hindi ginawang dahilan ni Hesus ang pagsang-ayon o pagtutol ng mga tao sa Kanyang mga itinuturo para baguhin ang mga ito. 

Buhay at pag-ibig ang ibinibigay ng Panginoon sa ating lahat. Hindi Siya nagbibigay ng mga nakakasama sa atin. Hindi Niya ibibigay ang mga bagay na aakay sa atin tungo sa kasamaan at kapahamakan. Bagkus, ibinibigay Niya ang mga bagay na nakakabuti sa atin. Nagkakaloob Siya ng mga bagay para sa ating kapakanan. At ang mga bagay na Kanyang ipinagkakaloob sa atin ay pawang kabutihan lamang. Walang masamang ibinibigay ang Diyos. Puro kabutihan lamang ang Kanyang ibinibigay sa atin. Ang buhay na Kanyang ibinibigay sa atin ay tunay ngang mabuti. Ang pag-ibig na Kanyang ibinibigay sa atin ay tunay nga ring mabuti. Wala tayong makikitang masama sa mga kaloob sa atin ng Panginoon. 

Kay Hesus natin matatagpuan ang tunay na buhay at pag-ibig. Siya ang bukal ng buhay. Siya ang bukal ng pag-ibig. Siya ang bukal ng lahat ng kabutihan. Siya ang Diyos nating nagmamahal nang tunay. At dahil sa pag-ibig Niyang ito, ibinigay Niya ang sarili Niyang Katawan at Dugo upang maging ating pagkain at inuming espirituwal. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili sa krus alang-alang sa ating kaligtasan. Ito ang ating inaalala sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. 

Tunay ngang pagdiriwang ng buhay at pag-ibig ang Banal na Misa. Sapagkat sa pagdiriwang ng Banal na Misa, tinatanggap natin ang Tinapay ng Buhay. Ang bawat isa ay nakikinabang sa Katawan at Dugo ni Kristo Hesus na nagkakaloob ng buhay at pag-ibig. At ang buhay at pag-ibig na kaloob sa atin ni Kristo ay tunay at walang hanggan. Hindi nating mahahanap ang walang hanggang buhay at pag-ibig dito sa daigdig. Matatagpuan lamang natin iyon kay Hesus na kapiling natin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa anyo ng tinapay at alak. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento