Martes, Agosto 14, 2018

REYNA AT INA

15 Agosto 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 




Inilarawan sa isang bahagi ng awitin ng Mahal na Birheng Maria, ang "Magnificat". na itinampok sa salaysay ng Ebanghelyo para sa dakilang pistang ito, kung paanong ang isang taong nasa abang kalagayan ay itinatampok ng Diyos. Sabi sa bahaging yaon ng kanyang awitin, "Ibinagsak Niya (ng Diyos) ang mga hari mula sa kanilang trono, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan." (1, 52) At ang isang halimbawa ng isang taong nasa abang kalagayan na itinaas ng Diyos ay walang iba kundi si Maria. 

Sinong mag-aakalang pipiliin at hihirangin ng Diyos ang isang katulad ni Maria para sa isang napakahalagang tungkulin? Sinong mag-aakalang itatampok ng Diyos ang isang abang babaeng katulad ni Maria? Sinong mag-aakala? Sa mata ng lipunang kinabibilangan ng Mahal na Ina noon, hindi iyon mangyayari. Walang mag-iisip na mangyayari ang posibilidad na iyon. Subalit, nangyari ang hindi nila inakalang mangyayari. Ang Diyos ay pumili at humirang ng isang simpleng babae katulad ni Maria at itinampok mula sa kanyang pagkaaba. 

Ang Mahal na Inang si Maria, sa kabila ng kanyang abang kalagayan, ay pinili't hinirang ng Diyos. Itinampok siya ng Diyos mula sa kanyang abang kalagayan. Ang pagkaaba ni Maria ay batid ng Diyos. Batid ng Diyos kung paanong si Maria ay tinuring ng lipunang kanyang kinabibilangan noong kapanahunang yaon. Subalit, ang opinyon ng lipunan tungkol sa mga katulad ni Maria ay hindi mahalaga para sa Diyos. Ano pa man ang sabihin ng mundo tungkol sa mga katulad ni Maria ay hindi isinaalang-alang ng Panginoong Diyos. Ibang-iba ang pagtingin at pagkilos ng Panginoon sa pagtingin at pagkilos ng tao. 

Hindi nagtapos ang pagtatampok ng Diyos sa Mahal na Ina sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa. Noong dumating ang oras ng katapusan ng kanyang buhay dito sa daigdig, iniakyat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa langit. Parehong katawan at kaluluwa ng Mahal na Birhen ang iniakyat ng Diyos sa kalangitan. Hindi pinahintulutan ng Diyos na maagnas ang katawan ni Maria na naging tahanan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus sa loob ng siyam na buwan bago Siya isilang. Kaya naman, muling ipinakita ng Diyos ang Kanyang paglingap kay Maria. Muling itinampok ng Panginoong Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng pag-aakyat sa kanya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa. 

Sa langit, muling nakapiling ni Maria ang Anak niyang minamahal na si Hesus. Si Hesus na muling nabuhay at lumupig sa mga pwersa ng kamatayan. Siya ang tinukoy ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa noong sinabi niyang dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao (15, 21). Siya, ang Diyos na tumubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ang nag-akyat sa katawan at kaluluwa ng Kanyang Inang si Maria noong sumapit ang oras ng wakas ng kanyang buhay sa lupa. At doon sa Kanyang kaharian sa langit, si Maria ay iniluklok sa Kanyang kanan, tulad ng inilarawan sa Unang Pagbasa at sa Salmo. Si Maria ang Reynang nakaluklok sa kanan ng Haring si Hesus. Sa piling ni Kristo sa langit, mararanasan ang Kanyang kaluwalhatiang walang hanggan tulad ni Maria na kinoronahan bilang Reyna ng Langit at Lupa. 

Inihayag ni Maria sa isang bahagi ng kanyang awit na siya'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi dahil sa mga ginawa ng Diyos para sa kanya (1, 48-49). At tunay nga itong ginagawa ng bawat binyagang Kristiyano sa Simbahan hanggang ngayon. Ang Mahal na Birheng Maria ay nilalapitan ng lahat ng mga binyagan sapagkat kinikilala ang kanyang pagiging mapalad. Kinikilala siya bilang babaeng bukod na pinagpala sa lahat ng kababaihan. Nilalapitan siya dahil naniniwala silang matutulungan niya sila sa pamamagitan ng kanyang patuloy na pananalangin kay Kristo para sa lahat ng mga kabilang sa Kanyang Simbahan. At si Maria ay pinapakitaan rin ng pagmamahal ng mga kabilang sa Simbahang itinatag ni Kristo Hesus sapagkat ang Diyos ang unang nagpakita ng pagmamahal sa kanya. 

Ang dating babaeng tinititigang pababa ng lipunang kinabibilangan niya noon ay tinitingalaan ngayon ng lahat ng mga Kristiyano namumuhay at naglalakbay sa daigdig na ito. Nilalapitan at hinihiling na sila'y tulungan niya sa pamamagitan ng kanyang walang sawang pananalangin sa Panginoon para sa ating lahat. At siya'y walang iba kundi ang Mahal na Birheng iniakyat sa langit na si Maria. Patuloy siyang nananalangin sa Panginoong Hesukristo para sa atin. Sapagkat tayong lahat ay ipinagkatiwala ng Panginoong Hesus sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria habang Siya'y nakabayubay sa krus (Juan 19, 26-27). At bilang ating Ina, laging isinasaisip ng Mahal na Birheng Maria ang ating kapakanan. Ganyan tayo kamahal ng ating Inang si Maria na siyang iniakyat sa langit at Reynang nakaluklok sa kanan ng Panginoong Hesus na Siyang tunay na Hari magpakailanman. 

Mayroon tayong Reyna at Inang nananalangin para sa atin mula sa langit. At siya'y walang iba kundi si Maria. Lapitan natin siya. Hilingin natin ang kanyang pagtulong. Tayo'y kanyang tinutulungan sa pamamagitan ng kanyang walang sawang pananalangin kay Kristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento