6 Agosto 2018
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (B)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Marcos 9, 2-10
Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo sa Bundok ng Tabor ay isa sa mga pinakamahalagang sandali sa Kanyang buhay bago ang Kanyang Misteryo Paskwal. Sa sandaling ito'y lalong binigyang linaw ang pakay ng Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Bakit nga ba pumarito sa lupa si Hesus? Ang tanong na iyan ang pinagtuunan ng pansin ng Kanyang Pagbabagong-Anyo. Nagbagong-anyo si Hesus upang magbigay ng kahit kaunting bakas ng Kanyang tungkulin dito sa lupa bilang Mesiyas at Manunubos ng lahat.
Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa ang kaluwalhatian ni Kristo. Si Propeta Daniel ay nagsalita sa Unang Pagbasa tungkol sa isang pangitain. Sa pangitaing yaon, nakita ni Daniel ang Panginoon. Ang pangitain ni Daniel sa Unang Pagbasa ay tungkol sa kaluwalhatian ng Panginoon. At iisang pangyayari lamang ang pinagtutuunan ng pansin sa mga salaysay ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo - ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus.
Sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus, nahayag ang Kanyang kaluwalhatian. Kaluwalhatiang naghahayag ng pagmamahal. Ang kaluwalhatian ni Hesus ang nagsasalarawan sa Kanyang tunay at wagas na pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob ang tunay na dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na kamtin ang Kanyang kaluwalhatian. Kinamtan ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.
Ipinapakita ng kaluwalhatian ni Hesus ang Kanyang walang hanggang pag-ibig para sa lahat. Iyan ang nais ilarawan ni Hesus sa Kanyang Pagbabagong-Anyo sa bundok. Sa Kanyang kaluwalhatian makikita ang Kanyang pagmamahal. Ang walang hanggang pag-ibig ni Hesus sa lahat ay inilalarawan ng Kaniyang kaluwalhatian. At nais ni Hesus na makilala natin Siya bilang Panginoon at Diyos na tunay na nagmamahal. Iyan ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang bumaba sa lupa upang tayo'y iligtas.
Ang walang hanggang pagmamahal ni Hesus para sa lahat ang naghahayag ng Kanyang kaluwalhatian. Tunay nga itong kamangha-mangha.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento