Biyernes, Agosto 17, 2018

BUHAY NA WALANG HANGGAN SA PILING NG PANGINOON SA LANGIT

19 Agosto 2018 
Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Kawikaan 9, 1-6/Salmo 33/Efeso 5, 15-20/Juan 6, 51-58 


Sa Ebanghelyo, ipinagpatuloy ng Panginoong Hesus ang Kanyang pangangaral tungkol sa Tinapay ng Buhay. Muling inihayag ni Hesus sa pagpapatuloy ng Kanyang pangangaral na Siya ang Tinapay ng Buhay. Siya ang tunay na pagkain at inuming bumaba mula sa langit. Ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo lamang ang tanging makakapawi sa mga matitinding kagutuman at kauuhawan ng bawat tao, lalung-lalo na ang mga 'di kayang pawiin ng anumang pagkain at inumin na mahahanap dito sa daigdig na ito. Pansamantala lamang ang pagpawi ng mga pagkain at inumin dito sa daigdig sa mga kagutuman at kauuhawan natin. 

Patuloy na inaanyayahan ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang mga tagapakinig na tanggapin at pagsaluhan ang pagkain at inuming mula sa langit. Ang pangako ni Hesus sa mga makikinabang sa Kanyang Katawan at Dugo - sila'y magkakaroon ng buhay na walang hanggan (6, 56). At ang buhay na walang hanggan ay hindi matatagpuan dito sa lupa kundi sa piling ng Panginoon sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan kung saan Siya'y naghahari magpakailanman. 

Ang paanyaya ni Kristo sa Ebanghelyo ay tulad ng paanyayang isinalaysay sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan. Ang paanyaya ng Karunungan sa lahat na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng aral mula sa Kanya, kainin at inumin ang Kanyang mga inihanda para sa kanila, at tahakin ang Kanyang landas. Sa Ingles na pagsalin ng salaysay na iyon, ang larawan ng isang ina ay ginamit upang ilarawan ang paanyaya ng Karunungan. Sa ganitong paraan ri'y inanyayahan ni Kristo ang lahat na pagsaluhan ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya upang makamit ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling Niya sa langit na siyang tunay na Paraiso. 

Inaanyayahan ni Kristo ang bawat isa na magsalu-salo sa piging na inihanda Niya dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Nais ni Kristo na magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa. Nais ni Kristo na ang bawat isa'y mamuhay sa piling Niya magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit. Nais ni Kristo na makarating sa langit ang bawat isa. Ayaw Niyang mapahamak ang bawat tao sa katapusan ng kanilang buhay dito sa lupa. Hinahangad ni Kristo Hesus na maligtas ang lahat ng tao. Kaya Niya ibinigay ang Kanyang Katawan at Dugo upang ating mapagsaluhan sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Kaya Niya inaanyayahan ang bawat isa sa pamamagitan ng Kanyang Salita. 

Subalit, kung nais nating makasalo ang Panginoon sa Kanyang piging sa kalangitan, may mga kailangan tayong gawin upang maging karapat-dapat. Ang mga Pagbasa ay nagbigay ng dalawang mahahalagang bagay na dapat gawin upang maging karapat-dapat ang bawat mananampalataya na makasalo si Kristo sa langit magpakailanman. Una, tanggapin ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya. Ang Panginoong Hesukristo ay tunay ngang nasa Banal na Eukaristiya. Ang Tinapay at Alak sa Banal na Misa ay ang Kanyang Katawan at Dugo. Tulad ng ipinangako sa Ebanghelyo, buhay na walang hanggan ang ipagkakaloob sa sinumang tatanggap ng Katawan at Dugo ni Kristo. At pangalawa, unawain at sundin ang kalooban ng Diyos. Ito ang habilin ni Apostol San Pablo sa lahat ng mananampalataya sa Ikalawang Pagbasa. Kinakailangang unawain at sundin ng bawat mananampalataya ang kalooban ng Diyos, gaano mang kahirap ito. Ang sinumang mamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos ay tunay ngang may karunungan. Sa pamamagitan ng pagtupad sa dalawang gawaing ito na isinalungguhit sa mga Pagbasa, tinatahak ng bawat mananampalataya ang landas ng kabanalan. At ang sinumang tumahak sa landas ng kabanalan ay magkakamit ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. 

Tanging mga banal lamang ang makakapasok sa langit. Walang sinumang may kasalanan ang makakapasok sa langit. Kaya habang tayo'y naglalakbay dito sa lupa, sikapin nating mamuhay nang may kabanalan. Mamuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos. Hayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Tanggapin rin natin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Misa sa tuwing tayo'y magsisimba linggo-linggo. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kabanalan at pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo sa Eukaristiya, matitiyak natin na makakamit natin ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Sa langit ay makakapiling at makakasalo natin ang Panginoon sa Kanyang piging magpakailanman. Iyan ay ipinapangako sa atin ng Panginoon.

Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na makapiling Siya sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman. Inaanyayahan tayo na makasalo Siya sa piging na Kanyang inihanda sa langit. Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na pagsaluhan ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa. Ano ang magiging tugon natin sa Kanyang paanyaya? Tayo ang magpapasiya kung tatanggapin ba natin o hindi ang paanyayang ito ng Panginoon at Tagapagligtas nating si Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento