5 Agosto 2018
Ikalabing-walong Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Exodo 16, 2-4. 12-15/Salmo 77/Efeso 4, 17. 20-24/Juan 6, 24-35
Bilin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso na dapat talikuran at hubarin ang mga masasamang pita. Ang mga masasamang hangarin ang dudulot ng kapahamakan sa bawat isa. Kaya naman, ipinapaalala ni Apostol San Pablo kung ano ang dapat gawin ng mga tunay na nakikinig at sumusunod kay Kristo. At ang mga turo at aral ni Kristo ay buong katapatang isinasabuhay ng mga totoong nakikinig sa Kanya.
Huwag hangarin ang mga masasamang bagay. Huwag maging gahaman. Huwag maging makasarili. Magtiwala lamang sa Diyos. Siya ang bahala. Siya ang mag-aayos ng lahat ng bagay. Siya ang magkakaloob sa atin ng anumang kailangan natin. Kaya nga, sabi nga sa panalanging itinuro sa atin ni Hesukristo, "Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw" (Mateo 6, 11). Sa pamamagitan ng ating pagtitiwala sa Diyos, ipinapahayag natin ang ating hangarin na matupad ang Kanyang kalooban. At iyon ay tunay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin.
Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang paghangad ng mga tao para sa mga bagay na masasama. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng mga tao sa kanilang pagrereklamo kay Moises ang kanilang hangarin na manatiling mga bihag at alipin na lamang sa Ehipto. Matapos silang palayain ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto, inihayag ng mga tao na mas mamatamisin pa nilang mamatay roon kaysa mamatay sa ilang kung saan wala silang mahanap na pagkain o inumin. Ang kanilang pag-iisip ay lumabo dahil sa kanilang paghahangad na makakain uli ng masasarap na pagkain, kahit na ito'y taliwas sa kalooban ng Diyos.
Sa Ebanghelyo, nabatid ni Hesus ang masasamang hangarin ng mga taong Kanyang pinakain. Batid ni Hesus ang tunay na dahilan kung bakit Siya sinundan ng mga tao. Batid ni Hesus na nais Siyang gawing hari dahil sa Kanyang ginawa para sa kanila. Batid ni Hesus na pansariling interes lamang ang umudyok sa mga tao na hanapin at sundan Siya. Alam ng Panginoong Hesus na Siya'y sinundan nila upang magkaroon sila ng napakaraming pagkain. Nais nilang abusuhin ang biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon. Nais nilang abusuhin ang habag at malasakit ng Panginoong Hesukristo. Balak nilang samantalahin si Hesus para mapakinabangan nila. Hinanap at sinundan nila ang Panginoong Hesukristo dahil naniwala silang mayroon Siyang pakinabang para sa kanila.
Ang hangarin ng mga tao sa Unang Pagbasa at sa Ebanghelyo ay hindi dapat maging hangarin ng bawat taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Hindi dapat ihangad ng bawat isa na maging mas mataas pa kaysa sa Panginoon. Hindi dapat ihangad ng bawat isa na diktahan o kontrolin ang Diyos. Bagkus, ang dapat hangarin ng bawat taong nakikinig at tumutupad sa Salita ng Diyos ay ang katuparan ng Kanyang kalooban. Kung tunay ngang pinahahalagahan ng bawat isa ang Salita ng Diyos, buong kababaang-loob siyang tatalima at mananalig sa kalooban ng Panginoon. Ang pagbibigay ng buong pusong pananalig sa awa't habag ng Panginoon ang nagpapatunay na talagang pinapahalagahan ng bawat isa ang Kanyang mga atas.
Pinagkalooban ng Diyos ng mana ang mga Israelita sa Unang Pagbasa. Si Hesus ay ipinagkaloob ng Ama sa Bagong Tipan upang maging pagkain at inuming pang-espirituwal ng lahat. At tanging Siya lamang ang makakapawi sa mga kagutuman at kauuhawang hindi mapapawi ng anumang pagkain o inumin dito sa lupa. Kaya, walang dahilan para pagdudahan ang Diyos. Walang dahilan para hangarin ang masasamang bagay. Ang dapat hangarin ay ang katuparan ng kalooban ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento