Biyernes, Agosto 31, 2018

SUMUNOD KA NA LANG

2 Setyembre 2018 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8/Salmo 14/Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27/Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23 


Photo courtesy: (https://www.agnusday.org/

Ang aral na itinuturo sa atin sa mga Pagbasa ay ang pagiging masunurin sa mga utos ng Diyos. Ang mga utos ng Diyos ang dapat maging pamantayan kung paano tayo mamuhay. Kung tunay nating minamahal ang Diyos, mamumuhay tayo ayon sa Kanyang mga iniuutos at loobin. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang ayon sa mga utos at loobin ng Diyos, pinapatunayan natin ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ipinapahayag natin na tunay tayong nasa panig ng Diyos kung tayo'y tatalima sa Kanyang mga utos nang buo nating buhay. 

Sa Unang Pagbasa, pinaalalahanan ni Moises ang mga tao na huwag dagdagan o bawasan ang mga utos ng Diyos. Ibinigay ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga utos kay Moises para sundin ng mga tao. Ang mga utos ng Panginoong Diyos ang magsisilbing pamantayan ng pamumuhay na puno ng kabanalan para sa Kanyang bayan. Nais ng Diyos na mamuhay ang mga Israelita ayon sa Kanyang mga iniuutos. Nais ng Diyos na maligtas ang Kanyang bayan mula sa kapahamakan. 

Kaya, iyan ang ipinaalala ni Moises sa mga tao. Hindi dapat piliin kung alin sa mga utos ng Diyos ang susundin. Hindi rin dapat dagdagan ang mga utos ng Diyos. Iisa lamang ang isinasalungguhit ng paalalang ito ni Moises - hindi magkapantay ang tao at ang Diyos. Higit na dakila ang Diyos kaysa sa mga tao. Ang mga tao ay mga hamak na lingkod lamang ng Diyos. Kaya, wala silang karapatang magdagdag o magbawas ng mga utos. Tanging ang Diyos lamang na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan ang makakagawa ng mga utos para sa mga tao. Siya lamang ang nakababatid kung ano ang nakakabuti para sa bawat isa. At kung dinadagdagan o binabawasan ng isang tao ang mga utos ng Diyos, para na rin niyang sinasabing siya'y kapantay ng Diyos. 

Ang paalala ni Moises sa Unang Pagbasa ay siya ring paalala ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Pinaalalahan ni Apostol Santiago ang lahat na ang Salita ng Diyos ay dapat sundin at isabuhay. Nararapat lamang na itapat ng bawat isa sa kani-kanilang mga puso ang Salita ng Diyos. Pinapatunayan ng bawat isa na tunay nga silang nasa panig ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagtalima at pagsasabuhay sa Kanyang Salita. At ang Salita ng Diyos ang gagabay sa bawat isa sa landas ng kabanalan. Kaya, kung nais ng bawat isa na maging banal, dapat nilang sundin at isabuhay nang buong puso't kaluluwa ang Salita ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, binatikos ni Hesus ang mga Pariseo at ilang mga eskriba na pumuna sa mga alagad dahil hindi sila naghugas ng kamay bago kumain. Para kay Hesus, masyadong nakatuon ang pansin ng mga Pariseo at mga eskriba sa mga kinaugalian ng mga tao. Nakakaligtaan na nila kung ano ang tunay nilang misyon. Nakalimutan na nila kung ano ang tunay na mahalaga sa paningin ng Diyos. Ang tunay na mahalaga sa paningin ng Diyos ay ang buong puso't kaluluwang pagtalima at pagsasabuhay sa Kanyang mga utos. Ang tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ay ang pagtalima sa Kanyang kalooban. At iyon ang dapat itinuturo ng mga Pariseo at mga eskriba sa taumbayan. Subalit, sa inaasal ng mga Pariseo at mga eskriba, ipinapakita nila na mas pinahahalagahan nila ang turo ng mga tao kaysa sa mga kautusan ng Panginoong Diyos. 

Para kay Hesus, wala namang saysay ang pagsunod sa mga tradisyon kung hindi naman sinusunod ang kaloban ng Diyos. Aanhin pa ang mga ritwal kung ang mga utos ng Diyos ay hindi naman isinasabuhay? Iyan ang pinagtutuunan ng pansin ni Hesus. Hindi naman tinututulan o pinapawalang-bisa ng Panginoong Hesus ang mga tradisyon at mga ritwal. Subalit, nais ni Hesus na malaman ng bawat isa na higit na importante ang mga utos ng Diyos kaysa sa tradisyon. Mas dapat pahalagahan ang mga utos ng Diyos kaysa sa tradisyon. At ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay higit na mahalaga kaysa sa pakikiisa sa mga tradisyunal na ritwal. 

Nais ng Panginoon na sundin natin sa Kanyang mga utos. Nais ng Panginoon na tahakin nating lahat ang landas ng kabanalan. Nais ng Panginoon na maging bukal sa puso't kalooban ng bawat isa ang pagtupad sa Kanyang mga utos at loobin. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at tuntunin, inihahayag ng bawat isa ang kanyang pagmamahal at pagpanig sa Kanya. Napapatunayang taos-puso ang pagsamba at pananampalataya ng bawat isa sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtalima at pagpahalaga sa kalooban ng Diyos. At ang sinumang tumupad at nagpahalaga sa Salita ng Diyos nang buo niyang buhay ay makakapiling Niya sa langit magpakailanman sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa. 

Sabi ng Mahal na Birheng Maria sa mga lingkod sa kasalan sa Cana, "Sundin niyo ang anumang iutos Niya (ni Hesus)." (Juan 2, 5) Ito ang aral na itinuturo sa bawat isa ngayon. Sumunod na lang tayo sa Panginoon. At kung susundin natin ang Panginoon nang buong puso't kaluluwa, tayong lahat ay ililigtas Niya sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa at papapasukin sa Kanyang kaharian sa langit kung saan Siya'y makakapiling natin magpakailanman. 

Gusto ba nating makapiling ang Panginoon sa langit? Sumunod sa Kanyang mga utos at tuntunin nang buong katapatan at nang buong buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento