Martes, Pebrero 25, 2020

ANG TAGUMPAY NG BAGONG ADAN

1 Marso 2020 
Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Genesis 2, 7-9; 3, 1-7/Salmo 50/Roma 5, 12-19 (o kaya: 5, 12. 17-19)/Mateo 4, 1-11 


Isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo ay ang titulong Bagong Adan. Siya'y kilala bilang Bagong Adan. Subalit, marami ang magtatanong kung bakit isa iyon sa mga titulo ni Kristo. Ang bawat isa sa atin ay tinutulungan ng mga Pagbasa para sa Unang Linggo ng Kuwaresma upang unawain kung bakit isa sa mga titulo ni Kristo ay ang titulong Bagong Adan. Bakit nga ba talaga? 

Tampok sa Unang Pagbasa ang salaysay ng kasalanang ginawa nina Eba at Adan laban sa Diyos. Iyan ay kilala bilang kasalanang mana. Iyan ang unang kasalanang ginawa ng tao laban sa Diyos. At ang bunga nito ay ang pagkalugmok ng tao sa kasalanan. Si Adan ay nagpatalo sa tukso. Sinuway niya ang utos ng Diyos dahil siya'y nagpadala sa kanyang kahinaan. Napakalaki ng naging bunga nito. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtukso ni Satanas kay Hesus sa ilang. Tatlong ulit Niyang tinanggihan at tinutulan ang mga tukso ni Satanas. Hindi Siya nagpatalo kay Satanas. Bagkus, nilabanan ni Hesus ang mga tukso ni Satanas. Pinili pa rin ni Hesus na manatiling masunurin sa Ama, kahit mas madaling gawin ang mga tukso ng demonyo sa Kanya. Si Hesus ay nagtagumpay laban kay Satanas sa ilang. Ang tatlong tukso ni Satanas ay napagtagumpayan ng Panginoong Hesus. 

Maganda ang buod ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa mga isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sabi ni Apostol San Pablo na ang kasalanan ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng unang Adan at dumating naman ang habag, kapatawaran, at kagandahang-loob ng Diyos sa daigdig sa pamamagitan ng Bagong Adan na si Kristo (Roma 5, 12. 18). Kung ang unang Adan ay nabigo laban sa tukso, ang Bagong Adan na si Kristo ay nagtagumpay laban sa tukso. At ang bunga ng tagumpay ng Bagong Adan na si Hesukristo laban sa kasamaan ay ang pagdating ng kapatawaran ng Diyos sa lahat ng tao. 

Ang unang Adan ay nabigo dahil sa kanyang pagsuway sa utos ng Diyos. Subalit, nagtagumpay ang Bagong Adan na si Kristo Hesus dahil pinili Niyang sundin ang kalooban ng Ama hanggang sa huli. Iyan ang dahilan kung bakit ang titulong Bagong Adan ay ginagamit upang ipakilala si Kristo Hesus. Kung saan nabigo ang unang Adan, doon naman nagtagumpay ang Bagong Adan na si Hesus. 

Pag-asa ang hatid ng Panginoong Hesukristo sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Kanyang tagumpay laban sa tukso. Mayroon tayong pag-asang magtagumpay laban sa mga tukso ng demonyo kung tayo'y kakapit at papanig kay Kristo Hesus, ang Bagong Adan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento