Biyernes, Pebrero 14, 2020

HINDI LAMANG PANLABAS

16 Pebrero 2020 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 15, 16-21 (gr. 15-20)/Salmo 118/1 Corinto 2, 6-10/Mateo 5, 17-37 (o kaya: 5, 20-22a. 27-28. 33-34a. 37) 



Tinalakay sa mga Pagbasa ang diwa ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon. Ang bawat isa sa atin ay tinuturuan ng mga utos ng Diyos na magmahal. Pagmamahal. Pag-ibig. Iyan ang diwa ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Kapag ang mga utos ng Diyos ay ating tutuparin, dapat natin itong gawin nang may pag-ibig. Katunayan, iyon naman talaga ang dahilan kung bakit ibinigay ng Panginoon ang Kanyang mga utos. Sa pamamagitan ng Kanyang mga utos, tinuturan tayo ng Panginoon na magmahal. Nais ng Panginoon na matuto tayong umibig katulad Niya. 

Sa Ebanghelyo, ipinaliwanag ng Panginoong Hesus ang tunay na diwa at aral ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ipinaliwanag ni Hesus na hindi lamang panlabas ang pagtupad sa kalooban ng Diyos. Bagkus, kailangan ring bigyan ng pansin ang nilalaman ng puso't kalooban ng bawat tao. Para kay Hesus, ang laman ng puso't loobin ng bawat isa ang magpapatunay kung ang kalooban ng Diyos ay kanilang tinutupad nang taos sa puso. Kaya naman, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi lamang sa labas kundi sa loob rin. 

Para kay Kristo, napakahalaga na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay maging bukal sa kalooban ng bawat isa. Walang saysay ang pagsunod at pagtupad sa mga utos ng Diyos kung hindi naman ito bukal sa kalooban. Kapag hindi kasama ang kalooban ng bawat isa sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, balewala ang lahat ng iyon. Ayaw ng Panginoon na napipilitan tayo. Nais ng Panginoong Hesukristo na maging bukal sa ating mga puso ang ating pagsunod sa Kanyang mga utos at hangarin. Katunayan, hindi naman namimilit ang Panginoon. 

Ang malaya at kusang pagsunod sa mga utos at tuntunin ng Diyos ay binigyan ng pansin sa Unang Pagbasa. Katunayan, ito ang tinalakay sa pambungad pa lamang ng nasabing pangaral. Isinalungguhit ang kahalagahan ng pagiging masunurin sa mga utos ng Diyos nang taos-puso. Ang pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos ay hindi dapat maging sapilitan. Bagkus, ito'y dapat maging kusa at bukal sa puso't loobin. Tandaan, hindi pinipilit ng Diyos ang bawat isa na sundin at tuparin ang Kanyang mga utos at loobin. 

Nangaral si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa paghahayag ng panukala ng Diyos. Inihayag ng Panginoon ang Kanyang panukala para sa bawat tao. Ang paghayag sa panukala ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay naging bukal sa Kanyang kalooban. Hindi sapilitan ito. Hindi Niya pinilit ang Kanyang sarili na gawin ito. Bagkus, kusa itong ginawa ng Diyos. Ang gawaing ito ng Diyos na kahanga-hanga ay naging bukal sa Kanyang kalooban. 

Kung susundin natin ang mga utos ng Diyos, siguraduhin natin na makikisama ang ating puso't kalooban. Hindi sapat na gawin lamang natin ang pisikal na gawain na iniuutos ng Diyos nang hindi nakikisama ang ating mga puso't loobin. Ginagawa nga natin ang mga utos ng Diyos, subalit taliwas naman ang nasa ating mga puso't loobin. Hindi iyan ang hinihingi ng Panginoon sa atin. Nais ng Panginoon na sundin at tuparin natin ang Kanyang mga utos nang bukal sa ating mga puso't loobin. Ang pagsunod sa mga utos at tuntunin ng Panginoong Diyos ay hindi lamang panlabas kundi panloob rin. Kung susundin at tutuparin natin ang mga utos ng Diyos, gawin natin ito sa panlabas at panloob. Gawin natin ito nang bukal sa ating mga puso. 

Hindi sapilitan ang paghayag ng panukala ng Diyos para sa bawat isa sa atin, tulad ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagpanaog ng Diyos sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo ay hindi rin naging sapilitan. Sana, hindi maging sapilitan ang ating pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos. Sana, maging bukal sa ating mga puso ang ating pagsunod at pagtupad sa mga utos at tuntunin ng Diyos. Sana, hindi maging panlabas lamang ang ating pagsunod at pagtupad sa kalooban ng Diyos. 

Tayong lahat ay tinatanong - bukal ba sa ating mga puso't loobin ang ating pagsunod at pagtanggap sa mga utos at tuntunin ng Diyos? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento