Lunes, Pebrero 24, 2020

HUWAG SAYANGIN ANG PAGKAKATAONG IBINIBIGAY NG DIYOS

26 Pebrero 2020 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 

(c) Yara Nardi, Reuters/ABS-CBN News

Maganda ang pakiusap ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kanyang pakiusap ay huwag sayangin ang pagkakataong ibinibigay ng Panginoong Diyos upang makipagkasundo sa Kanya (2 Corinto 6, 1). Katunayan, ang pakiusap na ito ay napapanahon dahil sinisimulan ng Simbahan sa araw na ito ang panahon ng Kuwaresma na kilala rin bilang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay. Huwag sayangin ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos. 

Ang panahon ng Kuwaresma ay inilalaan sa taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang bawat isa ay pinapaalalahanan ng Simbahan na ang buhay dito sa daigdig ay pansamantala lamang. Walang imortal na tao dito sa daigdig. Hindi natin alam kung kailan tayo lilisan sa daigdig na ito, subalit alam nating mangyayari iyon balang araw. Darating din ang panahon kung kailan tayo papanaw. Maaaring humaba ang ating buhay, subalit hindi natin matatakasan ang kamatayan. 

Kaya, sa Paglalagay ng Abo, ang bawat isa'y sinasabihan ng pari na dapat tayong magbagong-buhay at sumampalataya sa Mabuting Balita o 'di kaya babalik rin tayo sa lupang pinaggalingan natin sa wakas ng ating buhay dito sa daigdig. Hindi bago ang mga salitang ito. Nasa Bibliya iyan. Ang mga salitang ito mula sa mga piling talata sa Banal na Bibliya ay ginagamit ng Simbahan bilang panawagan sa bawat isa tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma. Ang panawagan ng Simbahan sa lahat tuwing panahon ng Kuwaresma ay hango sa Bibliya. 

Subalit, ang ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ay dapat maging taos sa puso. Hindi ito dapat maging sapilitan. Hindi ito dapat gawin upang mapansin ka ng mga tao. Kapag iyan ang ginawa natin, magmumukha tayong mga pasikat o mga uhaw sa kasikatan. Hindi pagpapansin o pagpapasikat ang layunin ng pagbabalik-loob sa Panginoon. Bagkus, ang layunin nito ay mapalapit sa Kanya. 

Binibigyan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang pagiging taos-puso sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Joel sa Unang Pagbasa na dapat maging taos sa puso ang pagbabalik-loob sa Kanya (2, 13). Ito rin ang turo ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Katunayan, maaaring ilarawan ang kabuuan ng pangaral ni Hesus sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng mga salitang ito - huwag maging pasikat. Ang paggawa ng mabuti at pamamanata sa Diyos ay dapat gawin nang taos-puso. Dapat maging bukal sa puso't kalooban ng bawat isa ang pamamanata sa Diyos at paggawa ng kabutihan sa kapwa. Hindi nalulugod ng Panginoong Hesukristo sa mga pasikat. Ayaw ni Kristo sa mga taong papansin. Hindi ikalulugod ni Kristo ang mga taong may ganyang motibo. Bagkus, nais ng Panginoon na maging bukal sa ating mga puso't kalooban ang ating paggawa ng kabutihan sa kapwa at pamamanata sa Kanya. Nais Niyang maging taos-puso ang bawat isa sa atin. 

Habang tayo'y nabubuhay sa daigdig, patuloy tayong binibigyan ng pagkakataong magbalik-loob sa Diyos at mapalapit sa Kanya. Huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ito na ibinibigay ng Panginoon sa ating lahat. Iyan ang paalala ng Simbahan sa bawat isa sa atin ngayong panahon ng Kuwaresma. Hindi ito dapat gawing biro. Hindi dapat gamitin ang mga pagkakataong ito upang mapabango ang ating mga sariling reputasyon. Hindi ito dapat gawin para sumikat. Bagkus, ito ay dapat nating gawin nang taos-puso upang lalo tayong maging malapit sa Diyos at upang lalo pang tumibay ang ating ugnayan sa Kanya. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento