Biyernes, Pebrero 28, 2020

HANDA KA BANG MAGPASAKOP SA KALOOBAN NG AMA?

8 Marso 2020 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Genesis 12, 1-4a/Salmo 32/2 Timoteo 1, 8b-10/Mateo 17, 1-9 


"Sa kalooban ng Ama, nagpasakop Kang ganap. Buhay Mo, O Hesus, ang Siyang alay na sapat." Ang mga salitang ito ay mula sa awiting "Sa Iyong Mga Yapak." Ang linyang ito sa nasabing awitin ay napakaganda. Inilalarawan dito kung paanong si Hesus ay nagpasiyang manatiling tapat sa kalooban ng Ama. Batid ni Hesus kung gaano kahirap ang ipinapagawa sa Kanya ng Ama. Batid ng Panginoong Hesus na maaari Niyang piliin ang pinakamadaling paraan. Mas mahirap at mas masakit para kay Hesus na tuparin ang kalooban ng Ama. Subalit, ipinasiya pa rin ni Hesus na tuparin at sundin ang kalooban ng Ama para sa Kanya. 

Ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ay itinatampok sa Ebanghelyo. Katulad ng salaysay ng pagtukso sa Panginoong Hesukristo sa ilang na itinatampok sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma, laging itinatampok ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Subalit, kahit taun-taon itong ipinapahayag tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, hindi ito nagiging luma. Bagkus, nananatili itong sariwa. Ang aral at mensahe na mapupulutan ng bawat Katoliko mula sa salaysay na ito tungkol sa sandaling ito sa buhay ni Hesus ay mananatiling sariwa. 

Napapanahon ang aral at mensaheng hatid ng salaysay na ito tungkol sa sandaling ito sa buhay ni Kristo. Ano ang aral at mensaheng iyon? Magpasakop sa mga utos at naisin ng Ama. Iyan ang ginawa ni Kristo sa bawat sandali ng Kanyang buhay. Si Kristo ay laging nagpasakop sa kalooban ng Ama. Ang kalooban ng Amang nasa langit ay hindi sinuway ni Kristo kailanman. Lagi Siyang naging masunurin sa Ama hanggang sa huli. 

Kaya, sabi ng Diyos Ama sa Ebanghelyo, "Pakinggan Ninyo Siya" (17, 5). Ang utos ng Ama ay pakinggan si Hesus. At ang utos na ito ay hindi lamang para sa tatlong apostol na kasama ni Hesus sa bundok kundi para sa bawat isa. At ano naman ang itinuturo sa atin ni Hesus? Tinuturuan tayo ni Hesus na maging masunurin sa mga utos at loobin ng Ama. Tinuturuan Niya tayong magpasakop sa kalooban ng Ama. 

Sa Unang Pagbasa, si Abram na mas kilala bilang si Abraham ay nagpasakop sa kalooban ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit ang bawat Katolikong sumasampalataya at nananalig kay Kristo ay dapat magpasakop sa kalooban ng Diyos. Tayong lahat ay iniligtas at tinawag ng Diyos. Bilang mga iniligtas at tinawag ng Panginoon, nararapat lamang na tayo'y magpasakop sa Kanya. 

Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahang itinatag ng Panginoong Hesus dito sa lupa ay tinatawag upang magpasakop sa Kanyang kalooban. Ang bawat isa'y tinatawag upang tuparin at sundin ang kalooban ng Diyos. Ang bawat isa'y tinatawag ng Panginoong Diyos na magpasakop at sumunod sa Kanya. 

Tayong lahat ay tinatanong ngayong panahon ng Kuwaresma - tayo ba ay handang magpasakop sa kalooban ng Ama katulad ni Hesus? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento