Biyernes, Marso 6, 2020

LAGI NIYA TAYONG PINAPATNUBAYAN AT KINAKALINGA

15 Marso 2020 
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42) 


"Ang pinagtalunan [ng mga Israelita] ay kung pinapatnubayan sila ng Panginoon o hindi" (Exodo 17, 7). Sa pamamagitan ng mga salitang ito'y nagtapos ang tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong ang Panginoong Diyos ay pinagdudahan ng Kanyang bayan. Matapos Niyang palayain mula sa pagkaalipin sa Ehipto ang mga Israelita, pagdududa ang kanilang ibinayad sa Kanya. Matapos ang lahat ng Kanyang mga ginawa para sa mga Israelita, ang Diyos ay nakatanggap ng pagdududa mula sa kanila. 

Kung tutuusin, hindi naman obligado ang Diyos na gumawa ng kababalaghan para sa mga Israelita. Tutal, wala naman silang utang na loob sa Kanya. Sa halip na manalig sa Kanya, Siya'y pinagdudahan nila. Dahil pinagdudahan ng mga Israelita ang Panginoon, hindi Niya kailangang gumawa ng anumang himala para sa kanila. Bahala na sila sa mga buhay nila. Maaari Niya silang pabayaang mamatay nang gayon na lamang sa ilang. Mga ingrato naman sila. Mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Kinahabagan at tinulungan, pero pinagdududahan pa rin. 

Subalit, iba rin ang Diyos. Kahit na hindi nagpakita ng utang na loob sa Kanya ang mga Israelita sa sandaling yaon, pinili pa rin Niyang gumawa ng himala para sa kanila. Hindi Siya gumawa ng himala upang ipamalas ang Kanyang kapangyarihan. Bagkus, gumawa Siya ng himala upang patunayan ang Kanyang pagkalinga, pag-ibig, at pamamatnubay sa mga Israelita. Kahit hindi naman kinailangang gumawa ng himala ang Panginoon, ginawa pa rin Niya iyon para sa mga Israelita. Ano ang himalang iyon? Nagpabukal Siya ng tubig mula sa isang malaking bato. Inutos ng Diyos kay Moises na ihampas ang kanyang tungkod sa malaking bato upang ang tubig ay bumukal roon. At gayon nga ang nangyari. 

Ito rin ang binibigyan ng pansin sa Ebanghelyo. Kay Hesus nagmumula ang tubig na papawi sa lahat ng uri ng pagkauhaw. Pisikal na pagkauhaw ng tao lamang ang kayang pawiin ng tubig dito sa daigdig. Hindi kayang pawiin ng tubig dito sa mundo ang iba pang mga uri ng pagkauhaw. Kung tutuusin, pansamantala pa nga lamang pinapawi ng tubig dito sa daigdig ang pagkauhaw ng tao. Subalit, kung lalapit ang bawat isa sa Panginoong Hesus, mapapawi ang lahat ng kanyang pagkauhaw. Ang tubig na nagmumula sa Panginoong Hesukristo ay pumapawi sa lahat ng uri ng pagkauhaw.  Ang mga pagkauhaw na hindi kayang pawiin ng tubig dito sa daigdig ay mapapawi ng tubig na nagmumula kay Kristo. Iyan ang Kanyang diskurso sa Samaritana sa Ebanghelyo. Ang Panginoong Hesus lamang ang makakapawi sa mga matitinding pagkauhaw ng bawat tao. Ang mga pagkauhaw na hindi kayang pawiin ng tubig dito sa mundo ay kayang pawiin ng Panginoong Hesus. At hindi ipinagdadamot ng Panginoong Hesus ang tubig na nagmumula sa Kanya. Ganyan kabuti ang Panginoon sa bawat isa sa atin. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nangaral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Ang pinakadakilang larawan ng kagandahang-loob ng Diyos ay ang dakilang paghahain ni Kristo sa krus. Dahil sa Kanyang kabutihan para sa bawat isa sa atin, niloob ng Diyos na ang Panginoong Hesus ay mamatay sa krus bilang hain para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Iyan ang ating Diyos. Siya'y puspos ng kabutihan at kagandahang-loob. 

Kaya, huwag nating kakalimutan na tayo'y pinapatnubayan at iniingatan ng Diyos sa lahat ng oras. Sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala sa Kanya, hindi tayo pinapabayaan ng Diyos. Kahit na maaari Niya tayong iwan at pabayaan nang gayon na lamang, hindi iyon ang pipiliin ng Panginoon. Bagkus, pipiliin Niya tayong kalingain at patnubayan sa bawat sandali ng ating buhay dito sa daigdig dahil sa Kanyang kabutihan para sa atin. 

Ipanatag natin ang ating mga loob. Lagi tayong sinasamahan ng Panginoon upang tayo'y patnubayan at kalingain. Hindi Niya tayo pababayaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento