Miyerkules, Marso 25, 2020

HIGIT SIYANG MAKAPANGYARIHAN

29 Marso 2020 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45) 



Ang buhay ay isang biyaya mula sa Panginoong Diyos. Ang Diyos ay ang bukal ng buhay. Sa Kanya nagmumula ang buhay. Siya ang dahilan kung bakit ang bawat isa ay may buhay. Ito ang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa. 

Sabi ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa: "Hihingahan Ko kayo upang kayo'y mabuhay . . ." (Ezekiel 37, 14). Tila ipinapaalala Niya kung paanong nagkaroon ng buhay ang bawat tao. Para bang ipinapaalala Niya ang Kanyang ginawa sa simula ng kasaysayan ng daigdig. Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok at hiningahan upang magkaroon ito ng buhay (Genesis 2, 7). Siya ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng tao. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi tayo nabubuhay ngayon sa mundo. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang gantimpala ng mga pinananahanan ng Espiritu Santo. Sabi ni Apostol San Pablo na kung nananahan ang Espiritu Santo sa atin, muling bubuhayin ng Diyos ang ating mga katawan (Roma 8, 11). Iyan ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang ating mga katawan ay gagawing dakila ng Diyos. Hindi man permanente ang ating buhay dito sa daigdig na ito, matatamasa natin ang biyaya ng Muling Pagkabuhay. Kung paanong si Kristo ay muling nabuhay, muli tayong bubuhayin ng Diyos. Iyan ay kung pipiliin nating maging tahanan o templo ng Espiritu Santo. Kung ang Espiritu Santo ay papayagan nating manahan sa bawat isa sa atin, ipinapahayag natin ang tiwala at pananalig natin sa pangakong ito ng Diyos. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo kung paanong muling binuhay ni Hesus ang kaibigan Niyang si Lazaro. Bagamat apat na araw nang patay si Lazaro sa mga sandaling yaon, binuhay pa rin siya ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng himalang ito, ipinakita ng Panginoong Hesus ang kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ay hindi madadaig ng kamatayan. Iyan ay dahil ang Panginoong Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa kamatayan. Ang Panginoon ay ang bukal ng buhay. Siya ang pinagmulan ng buhay. 

Habang papalapit ang mga Mahal na Araw, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na ang Diyos ay ang pinagmulan ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Siya ay higit na makapangyarihan kaysa sa kamatayan.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento