Linggo, Marso 22, 2020

KANINONG PLANO ANG SUSUNDIN MO?

25 Marso 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Kaninong plano ang susundin mo? Ito ang tanong ng Simbahan sa bawat isa sa atin sa pagdiriwang sa araw na ito. Kaninong plano ang pipiliin natin? Dalawa lang naman ang ating pagpipilian - ang kalooban ng Diyos o ang sarili nating kalooban. Iyan ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa sa pagdiriwang ng Simbahan sa espesyal na araw na ito.

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Isaias ang plano ng Panginoong Diyos na magaganap sa takdang panahon. Tampok naman sa salaysay sa Ebanghelyo ang kaganapan ng planong ito. Si Maria ay pinili at hinirang ng Diyos para sa Kanyang plano na magdudulot ng kabutihan sa lahat ng tao. Ang Mahal na Birheng Maria ay hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas. Buong kababaang-loob na tinanggap ng Birheng Maria ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, natupad ang plano ng Diyos na unang inihayag sa Lumang Tipan. 

Tinanggap ni Maria ang papel na ibinigay sa kanya ng Diyos - ang maging ina ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kahit hindi biro ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos, buong kababaang-loob niya itong tinanggap at sinundan. Ang mga sarili niyang plano ay isinantabi niya upang bigyang-daan ang plano ng Diyos. Mas pinili ng Mahal na Inang si Maria ang kalooban ng Panginoon kaysa ang mga sarili niyang plano. Oo, 'di hamak na mas madali para sa Birheng Maria na sundin na lamang ang mga sarili niyang plano. Subalit, mas pinili niya ang plano ng Diyos. 

Ang Sanggol na ipinaglihi't iniluwal ng Mahal na Birheng Maria mula sa kanyang sinapupunan at inalagaan mula sa pagkabata hanggang sa paglaki ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Tinalakay naman sa Ikalawang Pagbasa kung paanong nagpakita ng kababaang-loob ang Diyos Anak na si Kristo sa kalooban ng Diyos Ama. Buong kababaang-loob na tinanggap ni Kristo ang kalooban ng Ama na maging handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Inalay ni Kristo ang buo Niyang sarili bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan nito, ang lahat ng tao ay iniligtas ng Diyos Anak na si Hesus. 

Habang ipinagdiriwang natin ang espesyal na araw na ito, pagnilayan natin nang mabuti ang tanong na ito - kaninong plano ang ating tatanggapin at susundin? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento