IKALIMANG WIKA:
"Nauuhaw Ako!"
(Juan 19, 28)
Hindi lamang pisikal na pagkauhaw ang tinutukoy ni Hesus sa Kanyang ikalimang wika mula sa krus. Oo, ilang oras na Siyang nakapako sa krus. Katunayan, hindi pa Siya nakakakain o nakakainom ng kahit tubig sa mga sandaling iyon. Ang huling kain at inom ni Hesus ay noong bisperas ng Kanyang Mahal na Pasyon. Kaya, sa unang tingin, mauunawaan pa natin kung bakit sinabi ni Hesus na Siya'y nauuhaw. Natural lamang na mauuhaw Siya sa mga oras na iyon. Subalit, hindi lamang iyon ang nais iparating ng Panginoong Hesukristo sa krus.
Kung gayon, ano pa ba ang nais iparating ni Kristo? Minsan ay nasabi Niya sa isa sa Kanyang mga pangaral: "Kung ano ang ginawa ninyo sa pinakahamak sa Aking mga kapatid, ginawa ninyo ito sa Akin" (Mateo 25, 40). Kaya naman, ang wikang ito ay maituturing na isang paalala ni Kristo para sa lahat. At ang mensaheng ito ni Hesus ay nananatiling mahalaga sa kasalukuyan. Hindi kailangan ng Panginoon na ipakita Niya ang Kanyang Mukha para lamang mapawi natin ang Kanyang uhaw. Bakit? Dahil Siya'y nasa piling ng mga kapus-palad.
Ang wikang ito ng Panginoong Hesus ay isang babala laban sa pagkagahaman. Sa wikang ito, nais ipaalala sa atin ni Hesus na ang pagkagahaman o pagkasakim ay hinding-hindi magiging katanggap-tanggap sa Kanyang paningin. Ang kasakiman o pagkagahaman ay kasuklam-suklam sa Kanyang paningin. Bakit? Ipinagpapalit ng mga sakim o gahaman ang Diyos sa mga materyal na bagay. Ang mga materyal na bagay na iyon ay ginawang mga diyos-diyosan. Dahil diyan, ayaw nang mamigay o tumulong sa kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha. Ayaw nang magkawanggawa.
Iyan ang problema sa mga sakim o gahaman. Ang tingin nila sa mga nanghihingi sa kanila ay mga kalaban at magnanakaw. Para bang banta sila sa kanilang mga ari-arian. Hindi na kapwa ang tingin sa iba. Hindi na nila nakikita na sila'y nilikhang kawangis ng Diyos. Iba na ang diyos nila. Ang kanilang luho ay ang diyos nila.
May iba pa diyan na hindi pa kuntento sa kanilang mga kayamanan dahil sobrang sakim. Sa sobrang sakim o pagkagahaman, nakukuha pa nilang magnakaw ng iba't ibang bagay, lalo na ang mga mamahaling bagay. Marami silang mga bagay-bagay, pero kulang pa iyon para sa kanila. Mga uhaw sa kayamanan. Mga uhaw sa pera at salapi. Nasobrahan sa pagkasakim at pagkagahaman.
Sa wikang ito, nagturo si Hesus laban sa pagkagahaman at kasakiman. Tayong lahat ay tinuturuan ni Hesus na nakabayubay sa krus tungkol sa kahalagahan ng pagkakawanggawa. Ayaw ni Hesus na tayo'y maging sakim at gahaman. Ayaw ni Hesus na magkaroon tayo ng ibang diyos-diyosan. Ayaw ni Hesus na Siya'y ating ipagpapalit sa mga materyal na bagay dito sa mundo. Ang nais ni Hesus para sa atin - maging mga salamin ng Kanyang awa at habag para sa atin. Magpakita tayo ng malasakit sa kapwa, lalung-lalo sa mga nangangailangan. Kapag iyan ang ating gagawin, ginagawa natin iyan kay Hesus.
Tingnan natin kung gaano tayo kahalaga sa paningin ni Hesus. Siya'y nagbitiw ng dalawang salita lamang upang tayo'y turuan, kahit nakapako sa krus. Bakit Niya iyon ginawa? Dahil tunay Niya tayong iniibig. Tunay tayong mahalaga sa Kanyang paningin. Kaya nga Niya inalay ang Kanyang sarili sa krus, hindi ba?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento