UNANG WIKA:
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."
(Lucas 23, 34)
Kapansin-pansin sa wikang ito kung paanong sinabi ni Hesus na hindi nalalaman ng Kanyang mga kaaway ang kanilang ginagawa. Subalit, napakalinaw naman na alam ng Kanyang mga kaaway kung ano ang kanilang ginagawa sa mga sandaling yaon. Para namang tanga ang Panginoong Hesukristo dahil sa sinabi Niyang ito. Malinaw pa sa sikat ng araw na nababatid ng Kanyang mga kaaway kung ano ang ipinagagawa nila. May motibo pa nga sila, hindi ba?
Bakit naman sinabi ng Panginoong Hesus na hindi alam ng Kanyang mga kaaway ang kanilang ginagawa? Alam naman ng Panginoong Hesus na Siya'y ipinapako sa krus. Alam naman ng Panginoong Hesus na unti-unti Siyang pinapatay ng Kanyang mga kaaway. Katunayan, hindi pa sila kuntento na naipako ang Panginoong Hesus sa krus. Kahit na Siya'y naipako na sa krus, nakuha pa nilang kutyain Siya. Kaya naman, sa unang tingin ng mga hindi nakakakilala sa Kanya, si Hesus ay mukhang tanga. Mukhang hindi nalalaman ni Hesus kung ano ang Kanyang pinagsasabi habang Siya'y nakabayubay sa krus.
Alam naman ni Kristo na pinapatay Siya ng Kanyang mga kaaway. Alam Niya ang mga masasamang balak ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya. Bago pa nga Siya ipinako sa krus, ilang ulit na nalagay sa panganib ang buhay ni Kristo. Ilang ulit Siyang muntikang pinatay ng Kanyang mga kaaway. Alam naman ni Kristo na nasasabik ang Kanyang mga kaaway na Siya'y patayin. Alam Niyang napupuno ng galit ang puso at isipan ng Kanyang mga kaaway. Alam Niyang galit na galit sa Kanya ang Kanyang mga kaaway. Pero, bakit naman Niya nasabi iyon?
Nasabi ng Panginoong Hesus sa Kanyang panalangin sa Ama habang nakapako sa krus na hindi nalalaman ng Kanyang mga kaaway ang kanilang ipinagagawa dahil nanaig ang Kanyang awa at habag. Kahit na Siya'y nakabayubay sa krus sa mga sandaling iyon, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang awa at habag para sa Kanyang mga kaaway. Hindi man masabi ni Hesus na pinapatawad Niya sila dahil tiyak na nasasaktan Siya sa mga sandaling iyon. Hindi lamang pisikal ang sakit na nararamdaman Niya noon. Pati mga emosyonal na sakit. Subalit, sa kabila ng mga sakit na naramdaman Niya sa mga sandaling iyon, pinili pa rin ni Hesus na ipakita ang Kanyang awa at habag para sa Kanyang mga kaaway.
Isa sa mga itinuro ng Panginoong Hesus sa Kanyang ministeryo ay ang pag-ibig para sa kaaway. Turo Niya: "Ibigin mo ang iyong kaaway at ipanalangin mo ang mga umuusig sa iyo." (Mateo 5, 44). Ito ang ginawa ng Panginoong Hesus mula sa krus. Habang nakabayubay sa krus, ipinakita ni Hesus kung paano magagawa ito ng bawat isa. Tinuturuan tayo ng Panginoong Hesus kung ano ang dapat nating gawin. Kahit nakapako sa krus sa mga oras na iyon, nakuha pa rin ng Panginoong Hesukristo na magturo sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Siya'y nanalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway.
Hindi madali ang ginawa ng Panginoong Hesus. Hindi rin biro ang lahat ng mga pagdurusa at sakit na pinagdaanan ng Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Kaya naman, Siya'y nanalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Nanalangin Siya na sila'y kahabagan at patawarin ng Ama.
Mahalaga ang aral na itinuturo ni Hesus sa wikang ito. Batid Niyang hindi madali para sa atin bilang tao na magpatawad. Kaya naman, itinuturo Niya sa atin kung ano ang dapat nating gawin kung hindi tayo handang magpatawad. Kung hindi pa tayong handang patawarin ang mga nagkasala laban sa atin, manalangin tayo para sa kanila. Mag-alay tayo ng mga panalangin para sa kanila. Bakit? Iyan ang unang hakbang tungo sa pagpapatawad.
Ang pagpapatawad ay isang proseso at paglalakbay. Ang proseso o paglalakbay na ito ay hindi dapat madaliin. Kailangan natin daanan ang bawat yugto ng proseso o paglalakbay na ito nang unti-unti. Dahan-dahan din lamang ang paglalakbay na ito. Paano natin sinisimulan ang proseso o paglalakbay na ito? Ang proseso o paglalakbay na ito ay ating sinisimulan sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga nagkasala laban sa atin. Iyan ang unang hakbang.
Hindi tayo nag-iisa sa proseso o paglalakbay na ito. Sa proseso o paglalakbay na ito tungo sa pagpapatawad, kasama natin ang Diyos. Ang Panginoon ay lagi nating kasama sa bawat yugto at sandali ng proseso at paglalakbay na ito. Siya mismo ang magiging gabay natin. Tutulungan Niya tayong patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. Hindi Niya tayo pababayaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento