IKAAPAT NA WIKA:
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?"
(Mateo 27, 46; Marcos 15, 34)
Sa mga panahon ng pagsubok, mabilis para sa marami ang magtanong kung tunay ba talaga ang Diyos. Para sa marami, tila hindi nagpaparamdam ang Diyos sa mga panahon ng pagsubok. Sa mga panahon ng pandemya o 'di kaya kapag dumating ang mga problema sa buhay, madaling magtanong kung tunay nga ba talaga ang Diyos. Sa mga oras na higit nating kailangan ang Diyos, saka pa lamang Siya hindi magpaparamdam sa atin. Para bang pinabayaan na tayo.
Mayroon ring mga tao na nagsasabing "Walang Diyos!" dahil sa mga karanasang katulad nito. Buong puso nilang pinaniniwalaan at pinanaligan ang Diyos para lang sa wala. Tila nauwi lamang sa wala ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Dahil diyan, iniisip nilang walang silbi ang pananampalataya sa Diyos. Isang gawa-gawa lamang ang Diyos. Isa lamang imahinasyon ang Diyos.
Hindi natin sila masisisi. Bakit? Naitanong na rin natin iyan minsan sa buhay natin, lalung-lalo na kapag humaharap tayo sa mga matitinding pagsubok sa buhay. Ang tanong kung ang Diyos ay totoo ay naitanong rin natin. Kung tunay nga ang Diyos, bakit hindi Siya nagpaparamdam sa panahon ng matitinding pagsubok sa buhay? Parang wala nang saysay ang ating paniniwala sa Kanya dahil diyan. Kung hindi naman magpaparamdam ang Diyos sa mga sandaling ito, bakit pa tayo maniniwala sa Kanya? Ano pang saysay nito kung hindi naman Niya tutulungan?
Ang wikang ito ng Panginoong Hesukristo mula sa krus, na hango mula sa Salmo 22, ay naging samo natin sa Diyos Ama. Sa mga sandali ng kadiliman at pagsubok sa buhay natin, iyan ang naitatanong natin sa Diyos. Sa tuwing darating ang mga pagsubok sa buhay, tinatanong natin ang Diyos kung bakit Niya tayo pinabayaan.
Bakit hindi natin maramdaman ang Diyos sa mga panahon ng pagsubok? Hindi ba nasusulat sa aklat ni propeta Isaias na ang Diyos ay kasama natin (7, 14)? Ang Panginoon ay ang ating Emmanuel, hindi ba? Bakit hindi natin Siya maramdaman sa mga sandali ng pagsubok? Bakit ganyan ang Panginoon?
Oo, ang Panginoon ay ang ating Emmanuel. Siya'y palagi nating kasama sa bawat sandali ng ating buhay. Hindi man natin Siya nakikita o naririnig sa mga sandaling yaon, kasama pa rin natin Siya. Nandoon Siya kasama natin. Bakit Siya tahimik o hindi nagpaparamdam sa mga sandaling iyon? Pagmasdan natin nang mabuti ang krus ni Kristo. Iyan ang nangyayari sa Panginoon sa tuwing nakikita Niya tayong nagdurusa. Sa tuwing tayo'y nagdurusa, nagdurusa rin Siya. Ang ating mga sakit at paghihirap ay dinadala rin Niya. Kaisa Niya tayo. Hindi Niya tayo pababayaang mag-isa sa mga matitinding hamon at pagsubok sa buhay.
Nasaan ang Diyos sa mga panahon ng matitinding pagsubok sa buhay? Siya'y kasama nating nagdurusa. Ang Panginoong Diyos ay kaisa natin sa pagharap sa mga matitinding hamon at pagsubok sa buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento