Lunes, Marso 9, 2020

SIYA ANG PUMAPANATAG SA ATIN

19 Marso 2020 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


Sa Ebanghelyo ni San Mateo, nasasaad kung paanong tinanggap ni San Jose ang kalooban ng Panginoon. Matapos magpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit sa panaginip upang ipaliwanag sa kanya ang lahat ng mga nangyari, agad na tinupad ni San Jose ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoon. Si San Jose ay hindi na nagdalawang-isip na tuparin ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoong Diyos. Matapos ipaliwanag sa kanya ng anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanyang panaginip ang lahat ng mga nangyari, pumanatag ang loob ni San Jose. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya nagdalawang-isip na tuparin ang kalooban ng Diyos. 

Iyan ang aral na matutunan natin mula kay San Jose. Itinuturo sa atin ni San Jose na ang Panginoon lamang ang makakapagpanatag sa ating mga puso't isipan. Sa tuwing tayo'y nababagabag, lapitan lang natin ang Panginoon. Ipapanatag ng Diyos ang mga puso't isipan ng bawat isa. Hindi Niya palalain pa ang ating mga problema o sitwasyon sa buhay. Hindi Siya magiging pabigat sa atin. Bagkus, ang bawat isa sa atin ay pagkakalooban ng lakas at kapanatagan ng loob. Ang Diyos mismo ang magpapalakas sa atin at magpapanatag sa ating mga loob. 

Ang Diyos ang pumanatag sa puso't isipan ni San Jose. Pumanatag ang puso at isipan ni San Jose dahil umasa siya sa Diyos. Ipinasa niya sa Diyos ang sitwasyon na kanyang hinaharap. Nang magbigay ng solusyon ang Panginoon, doon lamang pumanatag ang loob ni San Jose. Iyan din ang ginawa ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Panginoon kay propeta Natan ang Kanyang pangako kay Haring David. Sa pamamagitan nito, naghatid ng kapanatagan ng loob kay Haring David ang Panginoong Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral kung paanong ipinanatag ng Panginoon ang kalooban ni Abraham. Ang pangako ng Diyos ang pumanatag sa kalooban ni Abraham. Kahit mahirap para kay Abraham na unawain ang pangakong ito ng Diyos, nanalig pa rin siya. Iyon ay dahil panatag ang kanyang loob sa Diyos. Iyan ang gawain ng Diyos. 

Batid ng Diyos kung ano ang hinaharap ni San Jose. Kaya naman, tinulungan Niya si San Jose na tuparin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng pagtulong Niya kay San Jose, pinanatag ng Diyos ang kanyang puso't isipan. Naging panatag ang loob ni San Jose dahil alam niyang kasama niya ang Diyos upang siya'y tulungan. 

Kaya, wala tayong dapat ikabahala. Wala tayong dapat ipag-alala. Ang Diyos ay lagi nating kasama. Siya ang magpapanatag sa ating mga puso't isipan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento