Sabado, Nobyembre 7, 2026

ILAAN SA PAGHAHANDOG NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA DIYOS ANG BAWAT SANDALI NG ATING PAGLALAKBAY SA MUNDO

27 Nobyembre 2026 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Medalya Milagrosa 
Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Pahayag 20, 1-4. 11-21, 2/Salmo 83/Lucas 21, 29-33 


Habang papalapit ang wakas ng Liturhikal na Taon, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang katotohanan tungkol sa buhay sa mundo. Ang buhay sa mundo ay pansamantala lamang. Darating din ang panahon kung kailan ang mga gusali sa iba't ibang bahagi ng mundo ay tuluyan na ngang guguho. Mawawala ang lahat sa mundo. Walang makapagsasabing mananatili siya sa mundo magpakailanman. 

Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa kung ano ang kinakailangan nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala. Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakasentro sa mga magaganap sa wakas ng panahon. Sa Unang Pagbasa, ang maluwalhating tagumpay ng Diyos na Kataas-taasan laban sa demonyo ay nakita ni Apostol San Juan sa isang pangitain. 

Ano ang aral mula sa mga Pagbasa? Habang patuloy na naglalakbay sa mundo nang pansamantala, ang landas ng kabanalan ay dapat tahakin. Mamuhay tayo ayon sa mga utos at loobin ng Diyos. Ito ang nararapat na gawin. Lagi natin Siya dinarakila nang taos-puso sa pamamagitan nito. 

Dahil pansamantala lamang ang ating paglalakbay sa mundo, ilaan natin ang bawat sandali nito sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Gaano man kahirap gawin ito dahil sa mga hirap, pagsubok, tukso, sakit, at pag-uusig sa mundo, dapat pa rin nating piliin ang Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ng Medalya Milagrosa ay lagi rin nating kasama upang tulungan at gabayan tayo sa paggamit ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos bilang mga lingkod na Kaniyang hinirang. Hinirang at itinalaga tayo ng Panginoong Diyos upang maging mga daluyan at patunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento