Lunes, Setyembre 17, 2018

ANG UGNAYAN NG KABABAANG-LOOB AT KADAKILAAN

23 Setyembre 2018 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karuungan 2, 12. 17-20/Salmo 53/Santiago 3, 16-4, 3/Marcos 9, 30-37 


Katulad ng Ebanghelyo noong nakaraang Linggo, ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay mayroong dalawang bahagi. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pangalawang pagkakataong nagsalita ang Panginoong Hesukristo sa mga alagad tungkol sa Kanyang sasapitin sa Herusalem, tulad ng isinalaysay sa unang bahagi ng Ebanghelyo noong nakaraang Linggo. Pagdating sa Herusalem, haharapin Niya ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Subalit, hindi Siya mananatiling patay sapagkat Siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. At sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus ay nangaral sa mga alagad ukol sa kadakilaan at kababaang-loob. 

Napakalinaw ng dalawang bahaging ito. Itinuro ng Panginoong Hesus sa mga alagad na makakamit ang kadakilaan sa pamamagitan ng kababaang-loob. Hindi kinalulugdan ng Diyos ang kayabangan. Hinding-hindi idadakila o itatampok ng Diyos ang sinumang nagpapairal ng kayabangan. Bagkus, kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaang-loob. Tanging ang mga may kababaang-loob lamang ay itatampok at itataas ng Diyos. Ito ang ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sabi ni Apostol San Pablo sa ikalawang kabanata ng kanyang sulat sa mga taga-Filipos na si Hesus ay itinampok at binigyan ng Pangalang hgit sa lahat ng pangalan dahil sa Kanyang pagsunod sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob (2, 9). Buong kababaang-loob na hinarap ni Kristo ang Kanyang kamatayan sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Subalit, hindi nagtagal at naganap sa ikatlong araw ang Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang balak ng mga masasama laban sa mga matutuwid. Binalak nilang patayin ang mga matutuwid sa pag-aakalang makakamit nila ang kadakilaan kapag nagawa nila iyon. Hangad nilang makamit ang kadakilaan at karangalan. Hangad nilang maging matagumpay. Hangad nilang umangat sa mga matutuwid. Kaya naman, papaslangin nila ang mga matutuwid na humahadlang sa kanilang balak upang maangat nila ang kanilang mga sarili. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ni Apostol Santiago sa pasimula ng Ikalawang Pagbasa kung saan sinabi niyang maghahari ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa kung saan umiiral ang inggit at masasamang hangarin. (3, 16) Iyon ang ipinakita ng mga masasama sa Unang Pagbasa. Inggit sila sa mga matutuwid. 

Ang mga kaaway ni Hesus ay nagpakita ng inggit sa Kanya, lalung-lalo na sa salaysay ng Pasyon. Sabi nga sa salaysay ng Mahal na Pasyon na batid ni Pilato ang tunay na dahilan kung bakit si Kristo ay dinala ng Kanyang mga kaaway sa kanya - inggit (Marcos 15, 10). Nainggit sila sapagkat lalong dumarami ang mga nakikinig at sumusunod sa Panginoong Hesus. Inggit ang dahilan kung bakit binalak ng mga kaaway ni Hesus na patayin Siya. Nais nilang mainangat ang kanilang mga sarili. Nais nilang magtagumpay laban sa Panginoong Hesukristo. Nais nilang pabagsakin ang Panginoong Hesukristo para matupad ang kinasasabikan nila. 

May mga pagkakataon sa buhay kung saan ang inggit ay pinaiiral. At ito ang umuudyok sa bawat isa na gumawa ng masama laban sa kapwa kung hinayaan itong lumaki. Dahil sa inggit, gagawin ng bawat isa ang lahat para lang makuha ang tagumpay. Kahit ang ibig sabihin nito'y mayroon silang dapat patumbahin, gagawin para lang makamit ang ambisyon. At kapag nagawa na nila iyon, sasabihing nakamit ang tagumpay at ang karangalan. Walang sasantuhin para sa ambisyon. Subalit, ang tanong, iyon ba ang tunay na kadakilaan? 

Para sa Panginoon, hindi magiging tunay na dakila ang sinuman kung ang inggit at iba pang mga masasamang hangarin ang paiiralin. Hindi magiging dakila ang sinumang nang-aapak at nang-aapi ng kapwa. Bagkus, magiging tunay na dakila ang isang tao kung magpapakita siya ng kababaang-loob. Itatampok ng Diyos ang mga magpapakita ng kababaang-loob at bibigyan ng karangalan. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng kababaang-loob, makakamtan ang tunay na kadakilaan. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng kababaang-loob, ang bawat isa'y nagbibigay ng karangalan at kaluwalhatian sa Panginoong Diyos. 

Si Hesus ay itinampok dahil buong kababaang-loob Niyang tinanggap at sinunod ang kalooban ng Ama. Gayon din si Maria, ang Mahal na Ina. Kung tutularan ng bawat isa ang halimbawang ipinakita ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria, ang tunay na kadakilaan ay kanilang makakamtan. Sapagkat ang tunay na kadakilaan ay makakamit lamang sa pamumuhay nang may kababaang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento